Ayon sa ulat, sa pamamagitan ng pagboto, pinagtibay Oktubre 4, 2024 ng mga kinatawan ng kasaping bansa ng Unyong Europeo (EU) ang pinal na proposal tungkol sa kaso ng anti-subsidy tax na iniharap ng komisyon ng EU.
Ayon dito, plano ng EU na kolektahin ang pinal na anti-subsidy tax sa mga electric vehicles (EV) na gawa ng Tsina.
Kaugnay nito, inihayag nang araw ring iyon ng tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina na palagian at malinaw ang posisyon ng panig Tsino tungkol sa nasabing kaso ng EU.
Buong tinding tinututulan ng panig Tsino ang di-pantay at di-makatuwirang kagawian ng proteksyonismo ng panig Europeo sa kasong ito, at buong tindi ring tinututulan ang pagpapataw ng panig Europeo ng anti-subsidy tax sa mga EV ng Tsina.
Umaasa aniya ang panig Tsino na malinaw na matatanto ng panig Europeo na ang pagpapataw ng taripa ay hindi malulutas ang anumang problema, bagkus ay maaapektuhan at mahahadlangan lamang ang kompiyansa at determinasyon ng mga kompanyang Tsino sa pamumuhunan at pakikipagkooperasyon sa Europa.
Hinihimok ng panig Tsino ang panig Europeo na isagawa ang aktuwal na aksyon sa pagsasakatuparan ng mithiing pulitikal nito, at bumalik sa tamang landas ng paglutas sa alitang pangkalakalan sa pamamagitan ng konsultasyon, saad ng tagapagsalitang Tsino.
Tiyak ding isasagawa ng panig Tsino ang lahat ng hakbangin upang matatag na mapangalagaan ang kapakanan ng mga kompanyang Tsino, diin pa niya.
Salin: Lito