Idinaos Setyembre 24 hanggang 28, 2024 sa lunsod Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, dakong timog ng Tsina, ang Ika-21 China-ASEAN Expo (CAEXPO) at China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS).
Kalahok dito ang delegasyong Pilipino na kinabibilangan ng mga opisyal mula sa iba’t-ibang departmento at mga negosyante ng 15 kompanyang tampok sa iba’t-ibang larangan.
Sa eksibisyon ng Cordillera Administrative Region (CAR), itinampok dito ang mga tradisyunal na kasuotang habing kamay na ikinatuwa at sinubukang suotin ng mga mamimili dahil sa magagandang disenyo nito.
Sa eksklusibong panayam ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) kay Marvin Arcangel, OIC-Provincial Director ng Abra Provincial Office ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya ng Pilipinas (DTI), masaya niyang ibinahagi ang pagsali sa CAEXPO sa kauna-unahang pagkakataon, bitbit ang mga natatanging produktong habing kamay mula sa rehiyong Cordillera ng Pilipinas.
Aniya, nagmula sa Abra at Mountain Province ang samu’t saring produktong gaya ng bag, kasuotan para sa kalalakihan at kababaihan, banig, panyuwelo, at iba pa.
Ang disenyo, kulay at padron ng mga produkto ay inspirasyon ng kultura, tradisyon, kalikasan at pamumuhay ng mga mamamayan ng rehiyong Cordillera, dagdag niya.
Saad ni Arcangel, inaasahan ng CAR na itataguyod ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng CAEXPO at tuluy-tuloy na itong makakasali sa ekspong ito taun-taon para dalhin at ipagmalaki ang mas maraming produkto ng CAR sa merkadong Tsino.
Ayon sa DTI, umabot sa $US49 na milyong dolyares ang negotiated sales ng delegasyong Pilipino sa Ika-21 CAEXPO ngayong taon, na pinakamalaki sa kasaysayan ng pagsali ng Pilipinas sa ekspong ito. Noong 2023, ang kabuuang benta ng delegasyong Pilipino sa CAEXPO ay umabot sa $US10.19 na milyong dolyares.
Ayon naman sa pinakahuling datos na inilabas ng Ministri ng Komersyo ng Tsina noong Oktubre, 2024, mula noong 2009, 15 taong singkad na nananatili ang Tsina bilang pinakamalaking trade partner ng ASEAN.
Ulat/Video: Kulas
Pulido: Ramil/ Jade
Espesyal na pasasalamat: DTI-Abra, DTI-CITEM, PTIC-Guangzhou, PTIC-Beijing, mga miyembro ng Cordillera Administrative Region (CAR) sa Ika-21 CAEXPO