Pangulong Tsino at PM ng Slovakia, nagtagpo

2024-11-02 11:05:07  CMG
Share with:

Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo Nobyembre 1, 2024 kay Robert Fico, dumadalaw na Punong Ministro ng Slovakia, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na nitong 75 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Slovakia, masigla ang tradisyonal na pagkakaibigang Sino-Slovak, at kapansin-pansing bunga ang natamo ng kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, bagay na nakakapaghatid ng aktuwal na benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa.


Ani Xi, ipinasiya ng Tsina na pataasin ang relasyong Sino-Slovak sa estratehikong partnership. Ito aniya ay angkop sa pangangailangan ng pag-unlad ng kapuwa bansa sa hinaharap.


Nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Slovak upang mapasulong ang pagsisimula ng bagong kabanata ng relasyong Sino-Slovak, ani Xi.


Kaugnay ng sustenableng pagpapasulong ng lebel ng relasyong Sino-Slovak, iniharap ni Pangulong Xi ang apat na mungkahing kinabibilangan ng una, palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal; ikalawa, palawakin ang pragmatikong kooperasyon; ikatlo, pasulungin ang pagpapalitang pangkultural at tao-sa-tao; ika-apat, palakasin ang kooperasyong pandaigdig.


Ipinagdiinan ni Xi na lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang relasyong Sino-Europeo. Ang susunod na taon ay ika-50 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Europa, at dapat ipakita ng relasyong Sino-Europeo ang karapat-dapat na kahusayan at katatagan, aniya.


Umaasa ang panig Tsino na isasagawa ng bagong lideratong institusyonal ng EU ang positibo at pragmatikong polisiya sa Tsina, at maayos na pangangasiwaan at kokontrolin ang hidwaan upang maiwasan ang pagsasapulitika ng isyung pangkabuhayan at pangkalakalan, dagdag pa ni Xi.


Ipinahayag naman ni Fico na buong tatag na iginigiit ng panig Slovak ang prinsipyong isang-Tsina.


Hinahangaan aniya ng Slovakia ang tatlong inisyatibang pandaigdig na iniharap ni Pangulong Xi, at tinututulan ng kanyang bansa ang unilateralismo at hegemoniya.


Kasama ng panig Tsino, nakahanda ang panig Slovak na palakasin ang multilateral na pagkokoordinahan, pabutihin ang pagsasaayos sa daigdig at pasulungin ang benepisyo sa buong sangkatauhan, ani Fico.


Aktibong isusulong ng Slovakia ang maayos na paglutas ng EU sa mga alitan sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian, diin niya.


Nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang panig tungkol sa krisis ng Ukraine.


Salin: Lito

Pulido: Ramil