Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Bagong arsobispo ng maynila, itinalaga

(GMT+08:00) 2011-12-12 18:43:39       CRI

SINAKSIHAN ng halos isang-daang mga obispo at arsobispo ang pagtatalaga kay Arsobispo Luis Antonio Tagle, 54 na taong gulang bilang Arsobispo ng Maynila. Ang Arkediyosesis ng Maynila ang isa pinakamalaking ecclesial province sa Pilipinas at mayroong higit sa 200 kapariang sekular at halos tatlong-daang mga paring kabilang sa iba't ibang religious congregations. Sakop din nito ang limang lungsod tulad ng Maynila, Pasay, San Juan, Mandaluyong at Makati at maaring umabot sa tatlong milyon ang mga mamamayan.

Hinalinhan niya si Arsobispo Gaudencio Borbon Cardinal Rosales na nagretiro na sa paglilingkod sa Simbahan sa edad na 79.

Kabilang sa mga dumalo sa rito ng pagtatalaga ay ang ilang obispo ng Asya, kabilang na ang mga pinuno ng Federation of Asian Bishops Conferences na may tanggapan sa Bangkok.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Arsobispo Tagle na lubhang maraming suliraning nararapat daluhan ng simbahan tulad ng mga mahihirap na mamamayan, mga kabataan, mga kababaihan at maging mga manggagawa.

Nakilahok din sa pagtatalaga sina U. S. Ambassador to the Philippines Harry Thomas, Swiss Ambassador Ivo Sieber at mga opisyal ng iba't ibang embahada sa Kamaynilaan.

BAGONG CHIEF OF STAFF NG SANTAHANG LAKAS, HINIRANG

SI Lt. General Jessie Dellosa ang bagong chief of staff ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa turn-over ceremonies na idinaos kaninang umaga sa Campo Aguinaldo, Quezon City. Hinalinhan niya si General Eduardo Oban na nagretiro sa edad na 56. Itinaon ang seremonya sa pagdiriwang ng Ika-isang daan at labing tatlong anibersaryo ng pagkakatatag na Armed Forces of the Philippines.

Pinapurihan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III si General Oban sa kanyang mga nagawa mula ng mahirang na Chief of Staff noong nakalipas na buwan ng Marso.

Sa kanyang talumpati, ipinagunita ni Pangulong Aquino kay General Dellosa na huwag tatalikuran ang kanyang sinumpaan sa taumbayan na mananatiling matapang, may integridad at katapatan sa bansa upang mapanghawakan ang tungkulin sa bandila at bansa.

Bukod umano sa pagiging abala dahilan sa New People's Army at Moro Islamic Liberation Front, nararapat din umanong maging handa ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa mga hamong nagmumula sa labas ng bansa. Titiyakin umano ng pamahalaang maibigay sa sandatahang lakas ng bansa ang mga kailangan nito.

Pinasalamatan niya si General Oban sa tapat at marangal na paglilingkod bilang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines. Binati rin niya si General Dellosa na sana'y magtagumpay din bilang ika-apatnapung Chief of Staff sapagkat marami pang repormang ipatutupad.

Samantala, sa kanyang talumpati, ideneklara naman ni Lt. General Jessie Dellosa ang "all-out campaign" laban sa korupsyon sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

PAGSISIYASAT SA PAGBAGSAK NG EROPLANO ISINASAGAWA

PATULOY ang mga kinauukulan sa pagsisiyasat sa dahilan ng pagbagsak ng isang Queen Air cargo plane noong nakalipas na Sabado ng hapon na ikinasawi ng dalawang piloto at labing-isang naninirahan sa isang kumpol ng mga barung-barong sa Paranaque City.

Magugunitang pasado alas dos ng hapon noong Sabado ng umalis ang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport patungo sa San Jose, Occidental Mindoro ng bigla itong magtangkang bumalik dahilan sa problema sa makina.

Hindi na nakarating sa paliparan ang Queen Air at bumagsak na at naging dahilan ng pagkalat ng apoy sa mga tahanan ng mga biktima. Malapit din sa isang paaralang publiko ang pinangyarihan.

Ayon kay Transportation and Communication Secretary Manuel Araneta Roxas II, nakikiramay siya sa mga naulila ng sakuna. Nakikipagtulungan na umano ang kanyang tanggapan sa pamamagitan ng Manila International Airport Authority at sa Civil Aviation Authority of the Philippines sa pulisya at tumulong na rin sa rescue efforts ng local government unit upang maiwasan na ang anumang pinsala.

Isang malawakang imbestigasyon ang kanyang ipinag-utos.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>