|
||||||||
|
||
Nitong Sabado, ginanap ang isang aktibidad na pangkawanggawa na pinamagatang "Love Knows no Borders." Ang taunang International Charity Sale ay isang proyekto na itinaguyod ng Ministri ng Ugnayang Panlabas ng Tsina, mga dayuhang pasuguan at diplomata sa Tsina at ng Chinese Foundationa for the Lifeline Express. Ito ay pinanguhan ni Mrs. Le Aimei, butihing may-bahay ni Ministro Yang Jiechi.
Naki-isa ang Pasuguan ng Pilipinas sa nasabing baratilyo. Ayon kay Ginoong Alex Chua, Charge d'Affaires, ikinalulugod ng embahadang maging bahagi ng makabuluhang aktibidad na ito.
Noong isang taon ibinida nila ang mga produktong mangga, ngayong taon mga produktong niyog naman ang kanilang ibinenta.
Kabilang dito ang coco choco powder, choco ginger tea, virgin coconut oil soaps, lotions, massage oils at coconut oil liniment. Isang hot item din ang coco sugar dahil mainam ito para sa mga diabetics at ayon sa isang grupo ng mga dayuhang mamimili ino-order pa nila ito mula sa Pilipinas.
Bukod dito, sinabi ni Ginoong Chua, na nakatawag din ng pansin ng mga mamimiling Tsino, expat at diplomat ang mga mga handicrafts, alahas at mga palamuti sa bahay.Tinangkilik nila ito dahil sa mataas na kalidad at masining na pagkakagawa.
Masayang ibinahagi ni CDA Chua na kumita ng higit RMB 5,000 ang pwesto ng Pilipinas at ito ay mapupunta sa Lifeline Express Bright Journey, isang tren na naglalakbay sa ibat-ibang lugar sa Tsina para magbigay ng libreng serbisyo medikal sa mga kapus-palad.
Bukod sa baratilyo na ginanap sa Fireworks Square at Sunken Plaza ng Chaoyang Park, nagkaroon din ang publiko ng pagkakataong makapanood ng mga pagtatanghal na kultural hatid ng diplomatic community sa Beijing.
Pakinggan po natin ang aming naging panayam kay Ginoong Alex Chua, Charge d'Affaires ng Pasuguan ng Pilipinas dito sa Beijing.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |