Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Masaganang Ani: Kuwento ng Hybrid Rice sa Pilipinas

(GMT+08:00) 2012-10-23 15:22:04       CRI

"Nandoon po ang aking palayan," sabi ni Mang Florencio Sudoy, habang itinuturo ang sakahang tila abot sa dulo ng paningin, at nagkakanlong sa mga bagong tanim na palay na marahang hinihipan ng hangin at kumikinang sa ilalim ng sikat ng araw.

 

Si Mang Sudoy ay isang magsasaka mula sa Barangay Mabini, Santo Domingo, Nueva Ecija, at isa sa mga may-ari ng sakahang ito.

 

Tuwing panahon ng tag-ulan; mula Hulyo hanggang Disyembre, siya ay nagtatanim ng mga kumbensyonal o inbred na palay sa kanyang pitong ektaryang lupain. Mula naman Enero hanggang Hunyo, panahon ng tag-init; hybrid na palay naman ang kanyang inaalagaan. Ito ang nagbibigay sa kanya ng mas mataas na ani.

 

Si Mang Sudoy ay isa sa mga Pilipinong magsasaka na unang nagtanim ng hybrid na palay, simula noong 1999. "(Kumpara sa inbreds), matangkad ang uhay at madami ang butil, magandang ani talaga, kaya nagdecide ako na magtanim sa sariling bukid ko," aniya.

 

Isinalaysay rin niya ang nakita niyang malaking potensyal ng hybrid na palay sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice), nang siya ay nagtrabaho roon ng mahigit isang dekada. Noong panahong iyon, ang PhilRice ay nagsasagawa ng pananaliksik sa pagtatanim ng hybrid na palay, at si Mang Sudoy ay isang part-time na teknisyan sa irigasyon ng eksperimental na taniman.

 

Si Mang Sudoy ay isa na ngayon sa halos 100,000 Pilipinong magsasaka na nakikinabang sa teknolohiya ng hybrid na palay na "gawa sa Pilipinas." Pinapataas nito ang ani ng mga magsasaka, pati na ang kanilang mga kita. Pero, habang dumarami ang mga magsasakang nagtatanim ng nasabing uri ng palay, nagkakaroon ng kakulangan sa punla dahil sa kumplikadong na proseso ng pagpo-prodyus nito.

 

Pagpapakilala sa teknolohiya ng hybrid na palay

Mula sa modelo ng kahanga-hangang pakinabang ng teknolohiya ng hybrid na palay ng Tsina, sinimulang kilalanin ng pamahalaan ng Pilipinas noong 1988 ang teknolohiya ng hybrid na palay bilang pambansang estratehiya ng pag-unlad, isang taon pagkatapos ilabas ng International Rice Research Institute (IRRI) ang uri ng hybrid na palay, na "Mestiso 1."

 

"Iyong Mestiso 1 ang unang itinanim ko noon" ani Mang Sudoy.

 

Sa simula, unti-unting tinamnan ni Mang Sudoy ang 3,000 kuwadrado metrong palayan na minana pa niya sa kanyang ama. Subalit sa kasamaang palad, ang kanyang mga unang subok-tanim ay naging isang malaking kabiguan. "Sa wet season po, talagang nilusob ng Bacterial Leaf Blight (BLB) ang lahat ng hybrid," dagdag niya.

 

Ang BLB, ay isang sakit ng mga inbred at hybrid na uri ng palay, lalo na kapag panahon ng tag-ulan. Bago ang taong 2010, halos lahat ng uri ng hybrid na palay sa Pilipinas ay madaling maapektuhan ng BLB. Kaya, tuwing tag-ulan, ang mga Pilipinong magsasaka ay nagtatanim ng mga inbred na uri.

 

"Pero, okay lang, kasi nakikita ko sa PhilRice na maganda talaga siya. Nang sumunod na taniman bumawi naman siya." Ani Mang Sudoy. Sa kanyang unang pagkakataong magtanim ng hybrid na palay sa tag-init, umani siya ng 9.8 metriko tonelada kada ektarya, ito ay lubhang mataas kumpara sa mga inbred na uri.

 

Sa loob ng 13 taong pagtatanim ng hybrid na palay kapag tag-init, ang kanyang karaniwang ani ay umaabot sa mahigit 10 metriko tonelada kada ektarya. Sa pagtaya ni Mang Sudoy, ito ay mas mataas ng 30 porsiyento kaysa sa kanyang ani kapag siya ay nagtanim ng inbred na uri.

 

Maliban kay Mang Sudoy, ang ibang mga magsasaka na gumagamit din ng hybrid na uri ng palay ay mayroong katulad na pagtaaas sa kanilang ani.

 

Komersyalisasyon ng hybrid na palay

Noong 2002, inumpisahan ng pamahalaan ng Pilipinas ang komersiyalisasyon ng hybrid na palay (HRCP) para maipalaganap ang teknolohiyang ito sa lahat ng magsasaka sa buong bansa. Ito ay may dalawang layunin: una, pataasin ang kita ng mga magsasaka; pangalawa, magkaroon ng sapat na suplay ng bigas sa bansa.

 

Nang umpisahang ipalaganap ng PhilRice ang teknolohiyang ito, lumitaw na ang "to see and to believe" na estratehiya ang pinakaepektibong paraan ng pagpapakilala ng naturang uri ng teknolohiya. Maliban diyan, itinuro rin ng mga tauhan ng PhilRice sa mga magsasaka ang tamang pagpoprodyus, tamang paghahanda ng lupa, pangangasiwa ng mga punla, paglalagay ng pataba at pestisidyo, at tumpak na paraan ng pag-ani.  

 

Noong 2003, pinayuhan ng PhilRice ang mga magsasaka mula sa barangay ng Mang Sudoy na bumuo ng grupo para sa pagtatanim ng hybrid na palay.  Mula sa magandang halimbawa ni Mang Sudoy at sa teknikal na tulong ng PhilRice, si Antonio Santo Tomas, isa ring magsasaka ay naging isa sa mga 31 tagapagtatag ng grupong ito. "Kasi napatunayan ko na talagang malaki ang ani kaysa inbred," ani Santo Tomas.

 

Dahil sa pagtatanim ng hybrid na palay, ang taunang kita ni Mang Sudoy ay umabot sa Php100,000 kada ektarya. Dahil dito, nibili niya ang kanyang kauna-unahang isang ektaryang taniman noong 2006; at noong 2010, muli siyang nakabili ng pitong ektaryang taniman sa halagang Php750,000.

 

Habang tumatagal, parami nang parami ang umaanib sa "Bagong Buhay Multipurpose Cooperative," ang grupong itinayo nila Mang Sudoy at Mang Antonio. Sa kasalukuyan, mayroon na itong 176 na miyembro, at patuloy nitong isinusulong ang pagtatanim ng hybrid na palay sa 360 ektaryang lupain. Ito ay mas malaki ng doble sa orihinal na 150 ektaryang tinatamnan, siyam na taon na ang nakakaraan.

 

Ayon kay Mang Sudoy, mas mataas ang presyo ng punla ng hybrid kaysa sa inbred, pero, lubhang mas malaki naman aniya ang kita sa pagtatanim ng hybrid. "Ang laki naman ng nadaragdag na ani kaysa sa inbred, madaragdagan ng lima hanggang sampung kaban, mababawi mo rin iyong pinabili mo ng punla," aniya pa.

 

Produksyon ng punla

Di tulad ng mga kumbensyunal na uri ng palay, ang mga magsasakang nagtatanim ng hybrid na uri ay kailangang bumili ng punla kada taon. Hindi nila maaring gamitin bilang punla ang kanilang inani dahil mawawala ang ilang mga katangian nito na kagaya ng mataas na ani, resistensya laban sa sakit, etc. Ito ang pinakamalaking problemang kinakaharap ng mga magsasaka ng hybrid na palay.

 

"Mayroon ding mga kompanya na tulad ng Bayer at Syngenta; pagkatapos ng demo, kung kailangan na naming magtanim, wala na ang binhi," sabi ni Mang Sudoy.

 

Ayon kay Dr. Fangming Xie, senior scientist in charge sa IRRI Hybrid Rice Development Consortium, mareresolba ang kakulangan ng punla sa hybrid na palay kung mapapalakas ang komersiyalisasyon nito. Aniya, ang pamilihan ng punla ng hybrid na palay ay kailangang magkaroon ng balanse, at daynamikong pakikipag-ugnayan sa lahat ng sektor na may ibat-ibang papel sa pagpapalaganap nito.

 

Iminungkahi niyang magpokus ang PhilRice sa research and development (R&D), kasama ang pribadong sektor at mga may-kinalamang korporasyon upang maresolba ang nasabing problema at mapabilis ang pagpapalaganap nito sa bansa.

 

Pagpapalakas ng komersyalisasyon

Ayon sa mungkahi ng IRRI, ang pamahalaan ng Pilipinas ay nakikipag-ugnayan sa pribadong sektor public-private partnership (PPP) para mapalakas ang produksyon ng punla ng hybrid na palay.

 

Para sa tinatawag na "public-bred na punla," ang PhilRice, kasama ang IRRI at iba pang mga pampublikong institusyon na gaya ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) at Philippine-Sino Center for Agricultural Technology (PhilSCAT), ay naglilisensiya ng mga pangunahing hybrid na punla sa kooperatiba ng mga magsasaka, at pribadong kompanyate upang ito ay iprodyus nang maramihan.  

 

Para naman sa pribadong pamilihan ng hybrid na punla, nariyan ang SL-Agritech Corp. (SLAC). Ito ang kaisa-isang kompanya sa Pilipinas na nakagawa ng sarili nitong hybrid na punla na akma sa klima ng bansa at may lasang gusto ng mga Pilipino.

 

Sinimulang itanim ni Mang Sudoy at kanyang mga kasamahan ang punlang ito noong 2004. "Ang kagandahan ng SLAC ay hindi mawawala ang binhi, palagi at tuluy-tuloy ang supply ng seeds," sabi ni Mang Sudoy.

 

Pero, sa kabila nito, hindi pa rin sapat ang produksyon ng punla ng hybrid sa Pilipinas, ani Thelma Padolina, chief scientific researcher at puno ng plant breeding at  biotechnology sa PhilRice. Aniya kailangan ang pakikipagtulungan sa mga multinasyonal na kompanya.

 

Aniya pa, ang mga kompanyang katulad ng Pioneer, Bayer, at Monsanto ay aktibo sa pamilihan ng hybrid na punla sa Pilipinas. Subalit ang kanilang produkto ay ipinagbibili sa ibang bansa. Para maprotektahan ang lokal na pamilihan, pinapayagan lamang ng pamahalaan ng Pilipinas ang pag-aangkat ng hybrid na punla hanggang dalawang taon. Pagkatapos nito, kung hindi nila maipagbibili ang kanilang produkto sa lokal na pamilihan, kailangan na nilang umalis. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Mang Sudoy na hindi tuluy-tuloy ang suplay ng hybrid na punla.

J

/end/

Para sa English Version ng kuwentong ito, i-click ito

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>