Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Nagyelong lawa ng Summer Palace

(GMT+08:00) 2012-12-24 15:12:47       CRI

Ang Yihe Yuan o mas kilala sa tawag na Summer Palace ay ang tanyag na pahingahan ng mga hari at imperyal na pamilya ng Dinastiyang Qing (1644-1911). Ito ay mayroong magagandang likas na tanawin, nakabibighaning arkitektura, at malamig na simoy ng hangin, lalo na kung tag-init.

Isa rin sa ipinagmamalaki ng lugar na ito ay ang gawang-taong lawa o man-made lake, na kung tawagin ay Lawa ng Kunming.

Dahil sa taglay nitong natural na kagandahan at malamig na simoy ng hangin, hindi nakakapagtakang ito ang napili ng mga sinaunang hari ng Tsina na gawing pahingahan sa tag-init.

Pero, alam ba ninyo, na maging sa taglamig, ang taglay na kagandahan ng lugar na ito ay hindi kumukupas? Kamakailan ay binisita po ng inyong lingkod ang Kunming Lake ng Summer Palace, at ito po ang kuwentong ihahatid ko sa inyo. Ito po si Lakay Rhio, ang Guwapong Tarlakenyo, para sa Pasyal Tips.

Habang papasok sa Yihe Yuan

Gaya ng dati, dala ang aking mapagkakatiwalaang kamera, tumulak po ako sa may gawing Hilagang Kanluran ng Beijing, papuntang Summer Palace. Paglabas ko pa lamang sa istasyon ng tren, dumampi na agad sa aking mukha ang lamig ng menos onseng temperatura ng Beijing.

Para bang sinasabi nitong bumalik ka na lamang sa ibang araw, dahil hindi ngayon ang tamang panahon para bumisita sa lugar na ito.

Pero, malamig man ang kapaligiran, nag-aalab pa rin ang apoy sa aking damdamin na mapasyalan ito, upang maipakita sa buong mundo ang kagandahang taglay ng Lawa ng Kunming sa taglamig.

Pagpasok pa lamang sa tarangkahan ay agad ko nang nakita ang nagyelong bahagi ng lawa. Puno ito ng mga makukulay na bangkang animo'y hinihintay ang tag-init upang muli silang makapaglayag.

Nang ako ay makapasok sa loob, naroon ang mga naggagandahan at makasaysayang gusali na itinayo ng mga Dinastiyang Ming at Qing. Sa loob ng mga ito, nakuha ng mga lumang hagdan at pasilyo, na tila naging saksi sa marangyang nakaraan ang aking atensyon.

Habang binabagtas ko ang mga ito, pumasok sa aking imahinasyon ang hitsura ng mga hari, reyna, at iba pang miyembro ng mga imperyal na pamilya na minsan ay naglakad at namasyal dito. Suot ang kanilang magagarang kasuotan, inilarawan ko sila sa aking isip, habang namamasyal, kasama ang kanilang mga enturahe at alalay.

Pagkatapos ng aking pananaginip ng gising, tinuloy ko ang aking paglalakad, at sa may gawing timog ng parke ay nasilayan ko ang marami pang makasaysayang estruktura.

Pero, sa mga ito, tila naipako ang aking paningin sa pinakamataas na gusali sa parke na kung tawagin ay Yu Feng Pagoda. Ito ay isang napakagandang estruktura na may karakteristiko ng Budismo, at dito rin nakalagak ang mga abo at iba pang relikya ng mga matataas na monghe na nanatili at namahala sa mga templo sa lugar na ito.

Ang nagyelong lawa

Diretso pa rin ang aking lakad, at gumawi naman ako sa may bandang kanluran ng pagoda, kung saan napakaraming mga tao ang nagtutungo. Dito ko nakita ang aking destinasyon: ang nagyelong Lawa ng Kunming.

Sa unang tingin pa lamang ay makikita na agad ang mga taong naglalakad sa ibabaw ng nagyelong lawa: mga magkakabarkada, magkakapamilya, mga batang kasama ang kanilang magulang, magkasintahan, at iba pa.

Gamit ang mga nirentahang upuang may padulas, ice skates, at iba pang klaseng laruan, masaya silang naglalaro at namamasyal sa nagyelong lawa na may lawak 2.2 kuwadradrado kilometro.

Sa may bandang gitna ng yelong lawa ay matatagpuan naman ang "17 Holed Bridge," na siya ring aking pinakapaboritong bahagi ng Summer Palace. Tinungo ko ang pinakamataas na bahagi nito, at mula rito pinagmasdan ko ang napakagandang tanawin ng Lawa ng Kunming.

Sa aking pagdungaw sa ibaba, nakita ko ang isang lalaking may hawak ng kamera,

Katulad ko, abalang-abala rin siya sa pagkuha ng larawan ng ibat-ibang tao at tanawin. Naging interesado ako sa lalaki dahil nakatayo siya sa halos may paanan ng tulay, kung saan napakaganda ng repleksyon ng araw.

Kaya, nagmamadali kong inalis sa pagkakasukbit ang aking kamera upang kuhanan ang lalaking ito. Nang asintahin ko siya sa aking lente, napansin kong nakatutok din sa akin ang kanyang lente, at kinukuhanan na rin niya ako ng larawan.

Pagkatapos ng tagpong ito, kumaway siya sa akin. Kinawayan ko rin siya bilang tanda ng pasasalamat sa nakuha kong napakagandang larawan.

Mula pa rin sa itaas ng tulay, binaling ko ang aking paningin sa may bandang kaliwa, sa may di-kalayuan, nasilayan ko ang "Spacious Pavillon," na animo'y kulay asul dahil sa paghahalo ng kulay mula sa repleksyon ng papalubog na araw at nagyelong lawa.

Pagpapadulas sa nagyelong lawa

Ngayon ay panahon na para ako naman ang maglaro sa yelo. Sa halagang 50 Yuan, nirentahan ko ang isang maliit na upuang may padulas. At gamit ang dalawang bakal na pantulak, sinimulan kong magparagos sa nagyelong lawa.

Nagparagos ako ng nagparagos hanggang ako ay mapagod, makalayo, at sumemplang ng ilang beses. Nang akala kong nakita ko na lahat ang buong lawa, nakarating ako sa isang bahagi nito na muli na namang nakakuha sa aking atensyon.

Sa may gawing dulo at hindi mataong bahagi, nadiskubre ko ang isang maliit at nag-iisang tulay. Sa harap ng papalubog na araw, pinagmasdan ko ito, at muli na namang nagising ang aking pagiging potograpo.

Pagkatapos ng halos dalawang oras na paglalaro at pagsemplang sa nagyelong lawa, panahon na para ako ay umuwi.

Pero, sa pagtatapos ng aking araw, at habang naglalakad pauwi, isang huling sorpresa ang inihandog sa akin ng Summer Palace: isang mataas at pabilog na tulay ang aking nasumpungan. Inakyat ko ito, at sa tuktok, ako ay nagpakuha ng larawan.

Mga karagdagang Impormasyon

Busy season: Mula unang araw ng Abril hanggang huling araw ng Oktubre

Oras ng bukas: 6:30 ng umaga

Oras ng sarado: 6:00 ng gabi

Slack season: Mula unang araw ng Nobyembre hanggang huling araw ng Marso

Oras ng bukas: 7:00 ng umaga

Oras ng sarado: 5:00 ng hapon

Fees Entrance Fee for the Palace CNY30 April 1-October 31

CNY20 November 1-March 31

Combined Ticket CNY60 April 1-October 31

CNY50 November 1-March 31

A combined ticket includes entrance charge for the Palace and charges for several famous parks in the Palace

Bus Route  Mula sa downtown Beijing, sumakay lamang sa mga sumusunod na bus, at bumaba sa istasyon ng Yihe Yuan (Summer Palace): 209, 330,331, 332, 346, 394, 718, 726, 732, 737, 801, 817, 826

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>