Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pamaskong Pagbati Mula sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing

(GMT+08:00) 2012-12-24 15:56:51       CRI

Sa ngalan ni Chargé d'Affaires, a.i. Alex G. Chua at ng aking mga kasamahan dito sa Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing, ikinagagalak kong batiin kayong lahat na aming mga kababayan na nandito sa Tsina ng isang masayang kapaskuhan.

Ang Pasko ay panahon ng pasasalamat. Pasasalamat para sa walang pasubaling pagmamahal ng poong Maykapal sa ating lahat; pasasalamat para sa mga biyayang patuloy nating tinatanggap; at pasasalamat para sa lakas at tatag upang malampasan ang mga pagsubok na ating hinaharap.

Habang tayo'y nag-aabang sa pagdating ng Pasko at Bagong Taon, sana'y alalahanin natin ang ating mga kababayan sa Mindanao na nasalanta ng bagyong Pablo kamakailan lamang. Hinihiling namin na samahan ninyo kaming mga taga-Pasuguan sa pananalangin na sa kabila ng kanilang dalamhati at habang sila'y nagsisikap na buuing muli ang kanilang mga buhay at pamayanan, na sana'y manatili sa kanilang mga puso ang diwa ng Kapaskuhan.

Sa nagdaang mga buwan, tayong mga Pilipino dito sa Tsina, kasama ang kapwa nating mga Pilipino sa Pilipinas at sa buong mundo, ay nagbunyi sa mga magagandang balita tungkol sa ating bansa.

Patuloy ang paglago ng ating ekonomiya. Sa katunayan, nitong pangatlong sangkapat (3rd quarter) ng taong ito – mula Hulyo hanggang Setyembre, lumago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 7.1 bahagdan o 7.1 %. Ito ang pangalawang pinakamataas na paglago sa buong Asya, kasunod ng Tsina. At nitong nakaraang buwan lamang, nitong Nobyembre, ang inflation rate ng Pilipinas ay bumaba mula 3.1% sa 2.8% na lamang, isang tanda na patuloy ang pagbuti ng kalagayan ng ating ekonomiya.

Ayon sa mga pagtataya, ang Pilipinas ay magtatamo ng paglago ng ekonomiya ng lima hanggang anim na bahagdan o 5-6% sa kabuuan ng taong ito. Tumaas ang produksyon ng ating mga pagawaan, at ang mas mataas na koleksyon ng buwis ay nangangahulugan ng mas mababang deficit. Ayon sa mga paunang pagtataya ng BIR, ang ating koleksyon ng buwis ay hihigit sa isang trilyong piso sa taong 2012.

Kamangha-mangha ang ganitong ganapin, kung pagbabatayan ang matamlay na pag-usad ng maraming mga ekonomiya ngayong 2012.

Ngayong taong 2012 din, ang PIlipinas ay nangakong mag-aambag ng isang (1) bilyong US dollars upang punuin ang pondo ng International Monetary Fund o ng IMF. Tunay

na malayo na ang ating narating, sapagkat ilang taon pa lamang ang nakararaan ay isa tayo sa mga umuutang sa IMF; ngayon ay isa na tayo sa mga nagpapautang na bansa.

Malaki ang iniambag nating mga overseas Filipinos sa mga nakamit nating tagumpay ngayong taon. Sa kabuuan ng 2012, tinataya ng BSP na aabot ng dalawampu't isang bilyong dolyar ($21 billion) ang kabuuang halaga ng padala o remittances sa Pilipinas ng mga sampung milyong (at least 10 million) overseas Filipinos mas mataas sa kabuuang halaga ng padala o remittances noong nakaraang taong 2011 na dalawampung bilyong piso.

Sa larangan ng pulitika, maipagmamalaki natin ang ating mga nakamit patungkol sa transparency, paglaban sa katiwalian o corruption at ang pangmalawakan at pangmatagalang kaunlaran (inclusive and sustainable growth).

Ang programang Conditional Cash Transfer ng pamahalaan o ang Pantawid Pamilyang Pilipino program – kung saan ang pamahalaan ay nagbibigay ng buwanang tulong-pinansiyal sa mga kabahayang benepisyaryo - ay patuloy na matagumpay na naisasakatuparan. Sa susunod na taon, nilalayong palawakin pa ang sakop nito sa tatlong milyon at walong daang kabahayan,

Nitong nakaraang Oktubre, naganap ang paglagda ng kasunduan o Framework Agreement sa pamamagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na inaasahang magdadala ng tunay at pangmatagalang kapayaan at pag-unlad sa Mindanao.

Sa kabila ng mga mabuting balita, ang taong ito ay hindi naging madali para sa ating lahat, lalo na sa ating pakikipag-ugnayan sa bansang Tsina. Gayunman, ang mga hamunin na ating kinaharap ngayong taon ay hindi naging sapat upang matinag ang matatag at malalim na pagkakaibigan ng ating dalawang bansa.

Ang PIlipinas ay handa at masigasig sa pagsusulong ng isang matiwasay na rehiyon at isang mapayapang mundo, sa paniniwalang ang kapayapaan ang magdadala sa ating lahat tungo sa kaunlaran at kasaganaan.

Kaya't habang tayo'y abala sa paghahanda para sa pagdiriwang ng Pasko, aking dalangin, kasama ng aking mga kasamahan dito sa Pasuguan, na sana ngayong Kapaskuhan ay mabigyan tayo ng pagkakataon na magpasalamat at magnilay-nilay sa mga magagandang bagay na ating natamo nitong nakaraang taon habang tayo'y umaasa ng isang mas maliwanag at mas masaganang Bagong Taon.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>