|
||||||||
|
||
Mga kababayan, hindi lingid sa kaalaman ng lahat na isa ngayon sa mga suliraning kinakaharap ng Beijing ang polusyon sa hangin.
Dahil dito, ang Beijing ngayon ay madalas maging sentro ng istorya at artikulo ng mga dayuhang media. Lubhang mataas daw kasi ang konsentrasyon ng Particulate Matter (PM) 2.5 sa hangin, o iyong mga parang alikabok sa hangin na may laking 2.5 microns.
Ang mga partikulong ito ay maaring malanghap at mapunta sa ating respiratory tract, at magdulot ng mga short-term health effect; katulad ng iritasyon sa mata, ilong, lalamunan, at baga: maari rin itong maging sanhi ng pag-ubo, pagbahing, sipon, at pagkakaroon ng kapos na hininga. Bukod pa riyan, ang PM 2.5 ay maaring maging sanhi ng paglala ng asthma at sakit sa puso.
Ayon kay Fang Li, Vice President ng Environmental Bureau ng Lunsod ng Beijing, maraming taon na ring iniimplementa ng lunsod ang proseso ng pagkontrol sa pagsunog ng uling na gamit na pampainit tuwing taglamig, at paggamit ng mga pribadong sasakyan upang mapaganda ang kalidad ng hangin. Pero, sa kabila nito, hindi pa rin nagkaroon ng positibong resulta.
Batid aniya ng pamunuan ng lunsod na kung hindi mahahanap ang isang magandang solusyon, sa lalong madaling panahon, mas lalo pang lalala ang kalidad ng hangin sa Beijing.
Kaya naman, gumawa ng modipikasyon ang lunsod sa sistemang iniimplemnta nito upang kontrolin ang polusyon sa hangin at protektahan ang kalusugan ng mga mamamayan.
Napakaimportante po para sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatranaho sa Beijing at mga kanugnog na lugar na tulad ng Tianjin, Hebei, at iba pa, malaman ang mga impormasyon hinggil sa bagong sistema ng pagbababala upang maprotektahan ang sarili sa masamang epektong dulot ng maruming hangin.
Narito po ang bagong sistema ng babala na iniimplementa ng Lunsod ng Beijing:
1. Level 4 – Kulay asul. Isang forecast ang isasapubliko, na nagsasabing ang kalidad ng hangin sa susunod na araw ay magiging "unhealthy;"
2. Level 3 – Kulay dilaw. Isang forecast ang isasapubliko, na nagsasabing ang kalidad ng hangin sa susunod na isa hanggang tatlong araw ay magiging "unhealthy;"
3. Level 2 – Kulay kahel. Isang forecast ang isasapubliko, na nagsasabing ang kalidad ng hangin sa susunod na tatlong araw ay maaring maging "unhealthy" at kung minsan ay "hazardous;"
4. Level 1- Kulay pula. Isang forecast ang isasapubliko, na nagsasabing ang kalidad ng hangin sa susunod na tatlong araw ay magiging "very hazardous."
Prinsipyo ng bagong emergency response
Ayon pa kay Fang Li, "the higher the level of the warning, the more rigorous and large-scale the method that will be implemented." Kaya, ayon sa prinsipyong ito, tatlong tatlong, emergency response ang inimplementa:
1. Paraan ng pagbababala sa mga mamamayan na gawin ang mga katugong hakbangin para mapaliit ang negatibong epekto ng polusyon sa hangin.
2. Paraan ng pagkokonsulta sa mga industriya para mapaliit ang negatibong epekto ng polusyon sa hangin ng mga tsimineya mula sa mga pagawaan.
3. Mandatoryong paraan ng pag-uutos sa mga industriya para mapaliit ang negatibong epekto ng polusyon sa hangin ng mga tsimineya mula sa mga pagawaan.
Tunay pong hindi biro ang negatibong epekto ng maruming hangin sa ating kapaligiran at kalusugan. Maari itong magdulot ng mga sakit na hahadlang sa ating pang-araw-araw na gawain at maging sa ating paghahanap-buhay.
Mabuti na lamang at agaran ang aksyon ng Pamahalaan ng Beijing sa isyung ito. Mabilis ang kanilang kilos upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga lokal na residente, mga dayuhang nagtatrabaho, at lahat ng naririto sa lunsod.
Pero, ang tanong, gaano kaepektibo ang mga hakbang na ito? Iyan ang ating aabangan sa mga susunod na buwan.
Pansamantala mga kababayan, mas mainam na malaman natin ang mga bagong hakbangin ng pamahalaan ng Beijing upang mapangalagaan natin ang ating kalusugan.
Artikulo: Rhio Zablan
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |