|
||||||||
|
||
sw20141212jishuitan.m4a
|
Ayon sa bagong regulasyon, isinagawa na ang pagbabago mula noong ika-28 ng Disyembre. Ang ticket ng subway ay magiging 3 yuan sa loob ng 6 na kilometero, at 4 yuan mula 6 na km hanggang 12km. Mula naman 12 hanggang 32 km, madaragdagan ng isang yuan ang inyong pamasahe, kada 10 km biyahe. Samantala, kung lalampas sa 32 km ang inyong destinasyon, madaragdagan ng isang yuan ang inyong pasahe bawat 20 km.
Ngayong gabi, bibiyahe tayo sa pali-paligid ng Jishuitan, ito ay matatagpuan sa Line 2.
Sa paligid ng Jishuitan Station
Ang "Jishuitan" sa Wikang Tsino ay nangangahulugang "Lawang Mayaman sa Tubig." Noong unang panahon, ang Jishuitan ay isang malaking lawa na binubuo ng tatlong bahagi: "Qian Hai," "Xi Hai," at "Hou Hai," pero dahil sa kakulangan sa tubig, lumiit ang Jishuitan. Sa ngayon, isang maliit na lawa na lang ang naiwan sa loob ng Jishuitan Hospital.
Kapag dumating ng istasyon ng Jishuitan, lumabas sa exit B patungong silangan. Kung lumakad ng mahigit 10 minuto, at darating kayo sa dating tirahan ni Soong Ching-ling. Sino siya? Si Soong Ching-ling ay asawa ni Sun Yat-sen, lider ng 1911 Revolution na nakapagpabagsak sa Qing Dynasty, huling dinastiya ng Tsina. Si Sun Yat Sen din ang tagapagtatag ng Republic of China at itinuturing na ama ng Partido Kuomintang.
Wedding photo nina Si Soong Ching-ling at Sun Yat-sen
Soong Ching-ling, naging pangalawang pangulo ng bagong People's Republic of China
Si Soong Ching-ling at Soong May-ling ay magkapatid. Si Soong Ching-ling ay asawa ni Sun Yat-sen, samantalang si Soong May-ling naman ay asawa ni Chiang Kai-shek, lider ng Kuomintang mula 1930's hanggang 1970's. Si Soong Ching-ling ay isang matandang miyembro ng Kuomintang at kamag-anak ni Chiang Kai-Shek. Pero, siya ay naging kaibigan ng Partido Komunista ng Tsina, pangunahing kaaway ng Kuomintang ng panahon iyon. Noong 1949, nang tumakbo ang Kuomintang patungong Taiwan, dahil natalo sila ng Partido Komunista ng Tsina, hindi pumunta sa Taiwan si Soong Ching-ling. Nananatili siya sa mainland ng Tsina at naging pangalawang pangulo ng bagong People's Republic of China, sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina.
Marami pang kagila-gilalas na kuwento hinggil sa buhay ni Soong Ching-ling. Kung gusto ninyong malaman ang tungkol dito, puwede ninyong bisitahin ang dating tahanan ni Soong Ching-ling. Siyempre, sa inyong pamamasyal, di-puwedeng mawala ang tsibugan place. May isang patok na lugar sa lugar na ito, at ito ang "Jiu Men Xiao Chi." Ito ay matatagpuan malapit sa kanlurang bahagi ng dating tahanan ni Soong Ching-ling.
"Jiu Men Xiao Chi:" sa Wikang Tsino, ito ay nangangahulugang "Nine Gate Snack Restaurant." Marami namang ibang pangalan; bakit ganyan ang ibinigay na pangalan sa restawran na iyan? Ang sinaunang lunsod ng Beijing ay may 9 na gate, kaya, ang "Jiu Men" ay nangangahulugang kabuuang sinaunang lunsod ng Beijing. Sa "Jiu Men Xiao Chi" puwede mong matikman ang lahat ng tradisyonal na meryenda ng Beijing.
Ang Linya ng Subway line 2 ng Beijing ay pinaliligiran ng sinaunang lunsod ng Beijing, dumaraan ito sa 9 na matandang gate ng lunsod na gaya ng "Hepingmen," "Xuanwumen," "Chongwenmen," at iba pa.
Deshengmen——"Militar Gate"
Malapit sa istasyon ng Jishuitan, makikita ang isang matandang gate na kung tawagin ay "Deshengmen." Ang Deshengmen ay tinatawag din na "Militar Gate," dahil ito ay gate patungong hilaga. Para sa mga emperador ng Tsina, ang kanilang pangunahing kaaway ay mga barbaro mula sa dakong hilaga. Kaya, dito kadalasang dumadaan ang mga hukbo ng sinaunang Tsina papuntang hilaga.
Sa kasalukuyan, makikita pa rin ang watchtower ng Deshengmen. Ito ay may taas na 12.6 metro. Bukod pa riyan, isang museo ang matatagpuan sa ilalim ng watchtower: ito ang museo ng sinaunang barya ng Beijing.
Museo ng sinaunang barya ng Beijing
Makikita mo sa museo ang mga shell, knife at coin na may parisukat na butas sa sentro. Ito ang mga sinaunang barya sa kasaysayan ng Tsina.
Kung lalabas naman sa exit B ng Jishuitan patungong hilagang silangan, at maglalakad ng mahigit 10 minuto, darating ka sa Confucius Institute Headquarters.
Para sa mga taong gustong mag-aral ng Wikang Tsino, ang Confucius Institute ang pinakakilalang paaralan. Ito ay institutong itinatag ng pamahalaan ng Tsina para sa pagpapalaganap ng wika at kulturang Tsino. Inilunsad ito sa pamamagitan ng Office of Chinese Language Council International o Hanban, para sa pagtataguyod ng wikang Tsino, kulturang Tsino, at kaalaman hinggil sa kontemporaryong Tsina. Ang Hanban ay nagsasagawa rin ng mga seminar at panayam para talakayin ang mga bagay-bagay hinggil sa kasalukuyang Tsina.
Confucius Institute Headquarters
Sa Pilipinas, mayroong tatlong Confucius Institute: isa sa Ateneo de Manila, isa sa Bulacan State University sa lunsod ng Malolos, at isa sa Angeles University Foundation, sa lunsod ng Angeles. Nitong ilang taong nakalipas, mabilis ang pag-unald ng Confucius Institute sa buong daigdig. Ito ay nagiging isang platporma para sa pagpapalitan ng kultura sa pagitan ng Tsina at iba pang bansa sa daigdig.
Siyempre, bukod sa Confucius Institute, puwede rin kayong mag-aral ng wikang Tsino sa ating programang "Kape at Tsaa." Mamaya samahan po natin si Madame Jade, kasama si Yok para sa Aralin sa Mandarin, sa segment na Pang-araw-araw na Wikang Tsino.
Belencre book store o "Zi Li Hang Jian"
Sa loob ng Confucius Institute Headquarters building, may isang book store sa ground floor. Ito ay hindi lamang isang book strore, kundi isang library at cafe. Ang pangalan nito ay "Belencre," sa Wikang Tsino: "Zi Li Hang Jian." Ito ay nangangahulugang "iba't ibang salita sa loob ng aklat." Maganda ang kapaligiran, mura , at ito ay isang mabuting lugar para sa pag-re-relax. Kung bibili ka rito ng kape, puwede mong basahin ang anumang aklat. Madalas din ditong idaos ang iba't ibang aktibidad pangkultura: halimbawa, free lecture mula sa mga cultural celebrity. Dito, puwede ka ring makabili ng ilang creative item na gaya ng note book at iba pang bagay.
Okay, oras na po para kami ay magpaalam. Sana ay kinagiliwan ninyo ang aming kuwento hinggil sa Istasyon ng Jishuitan. Para sa inyong mga komento at kuru-kuro, mag-email lamang sa filipino_section@yahoo.com, mag-text sa mga numerong 0947-287-1451/0905-474-1635, o mag-iwan lamang ng mensahe sa message board ng SPT
Para naman sa mga ka-FB natin, paki-like ang aming FB page na crifilipinoservice para sa mga update ng aming mga programa. Available na rin po ang aming mga programa sa podcast. Kaya, kung kayo po ay on-the-go, tamang-tama po ito para sa inyo. Ito po si Mac, ang tunay na lakwatsera at walang kapagurang biyahera.
Sa ngalan ng buong pamilya ng Serbisyo Filipino, ito po muli si Lakay Rhio, ang guwapong Tarlakenyo at inyong tunay na pengyou, kita-kits uli sa susunod na biyahe, dito lang siyempre sa Sa Pali-paligid ng Tsina!
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |