Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Xiang Shan, bundok ng halimuyak

(GMT+08:00) 2015-10-30 11:07:40       CRI


Ang Xiang Shan ay isang bundok sa dakong hilagang kanluran ng Beijing. Sa kasalukuyan, taglagas na po sa Beijing at ito ang pinakamagandang panahon para akyatin ang Xiang Shan. Mula ika-17 ng buwang ito hanggang ika-15 ng Nobyembre ay tinatawag na "Xiangshan Red Leaves Festival." Ang bundok na ito ay kilala dahil sa red leaves, at ito ang pinakamabuting panahon para silayan ang mga pulang dahon doon.

Ang Xiang Shan, sa wikang Tsino ay nangangahulugang "Mahalimuyak na Bundok." Ito ay halos 30 kilometro lamang ang layo sa downtown Beijing, at may taas lamang na mahigit 500 metro. Ito ay hindi kataasan at kahit para sa mga walang karanasan, kayang-kaya itong akyatin. Ang pagpasyal sa Xiangshan ay isa nang tradisyonal na aktibidad ng mga taga-Beijing sa taglagas.

Sa paanan ng bundok, makikita ang kulay pulang dahon ng mga halaman at puno na maaring mahulog sa lupa anumang sandali dahil sa pagdating ng taglamig. Maaamoy rin ang sariwa at mabangong hangin. Sa pag-akyat, madaraanan ang mga lumang gusaling itinayo bilang templo, pahingahan, at silid-aralan ng mga emperador ng Dinastiyang Ming (1368-1644) at Dinastiyang Qing ng Tsina (1644-1911).

Noong 1745, sa ilalim ni Emperador Qianlong ng Dinastiyang Qing, 28 templo, pabilyon, pagoda, at villa ang itinayo sa lugar na ito. Nang mga panahong iyon, ang Xiang Shan ay napaliligaran ng makapal na pader. Subalit sa pagitan ng 1860 hanggang 1900, ang lahat ng mga ito ay halos nasira, dahil sa natural na kalamidad at digmaan. Pero, dahil sa restorasyon na isinagawa ng pamahalaang Tsino, muli na nating masisilayan ang kagandahan ng mga arkitekturang ito.

Isa sa mga templong naroon ay ang "Bi Yun Temple." Sinimulan itong itayo noong 1331 sa ilalim ng Dinastiyang Yuan. Ito'y may halos 700 taong kasaysayan. At muli itong itinatag at dinagdagan ng dalawang sumunod na dalawang dinastiya, Ming at Qing.

Ang Bi Yun temple ay malapit sa hilagang pintuan ng Xiang Shan Park. Kahit nasa loob ng Xiang Shan Park, kailangang magbayad ulit para makapasok sa templo. Ang mga sinaunang estruktura ay well-protected.

Noong 1925, pagkaraan ng pagyao ni Sun Yat-sen, inilagay ang kanyang bangkay sa templong ito. Kaya, sa kasalukuyan, ang silid kung saan inilagay ang bangkay niya ay binansagang Sun Yat-sen. Sa ngayon, mayroon doong isang tomb na may damit ni Sun. May tablet marker din ito sa may labasan.

Mayroon pang isang lama temple sa Xiang Shan, ang "Zhao Miao." Ang pangalan na ito ay nangangahulugang "Temple of Light." Ito ay itinayo noong 1780 para sa Panchen Lama, isang pinuno ng Tibetanong Budismo. Sa harapan ng templo ay may inskripsyon sa wikang Tsino, Manchurian, at Tibetano.

Ang lama temple ay matatagpuan sa bandang timog ng Pavilion of Self Examination. Ang Pavilion of Self Examination, ay nasa bandang timog kanluran ng "Yanjing Lake."

Ito ay magandang tanawin na may hugis half moon. Binubuo ito ng dalawang lawa at pinagdurugtong ng isang tulay. Ito ang nagbibigay ng magandang hitsura sa dalawang lawang ito.

Sa bandang kanluran ng Lama Temple, naroon naman ang Liuli Ta Pagoda. Ito ay may 7 palapag at hugis oktagon. Napapalamutian ito ng makukulay na seramikong tiles, at mayroon din itong maliliit na kampanilya na tumutunog kapag hinihipan ng hangin. Makikita rin malapit sa pagodang ito ang daanan, na kung tawagin ay ''Even the Devil is Afraid'' (Guijianchou). Ito ang daan patungo sa tuktok ng Xiang Shan Mountain.

Mga 3 oras ang kailangan para maakyat ang tutok ng Xiang Shan. Puwede ring sumakay ng cable car kung hindi n'yo type mag-hiking. Ito ay okay ring paraan ng pagbaba sa Xiang Shan. Sa karaniwan, animnapung (60) yuan ang one way trip, pero, umaabot sa 100 yuan ang bayad dito kapag "Red Leaves Festival." Bukod pa riyan, pwede ring bumaba sa bundok, gamit ang kabayo. Ito'y isa ring astig na paraan ng pagbaba sa bundok.

Kung gusto mong sumakay sa cable car, pumasok lang sa hilangang pintuan ng parke. Pero, kung gusto mong akyatin ang bundok, pumasok naman sa silangang pintuan.

May Kinalamang Babasahin
spt
v Mga arkitektura at relikya sa Forbidden City 2015-08-28 19:18:07
v Iba't ibang bahagi ng Great Wall 2015-08-21 15:34:11
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>