|
||||||||
|
||
sw20160212.m4a
|
Anu-ano ang mga pagkain na niluluto ng mga Tsino sa panahon ng Chinese New Year? Mayroon bang mga espesyalti? Tulad ng alam natin, malaki ang Tsina, kaya maraming espesyal na pagkain sa iba't ibang lugar para sa Chinese New Year. Pero, gusto kong banggitin ang isang katagorya ng mga pagkain. Ito ay iyong tinatawag na "pagkaing pampabuwenas".
Ang "pagkaing pampabuwenas" ay tumutukoy sa mga pagkain na nagpapakita ng mabuting hangarin ng mga tao para sa bagong taon.
Pero, bago ang lahat nais ko munang iparinig sa ating mga kababayan ang isang awiting Tsino na may ilang linya hinggil sa bangkete sa bisperas ng Chinese New Year. Anito, ang bangkete sa New Year's Eve ay masayang panahon para sa family reunion. Umuupo ang buong pamilya sa harap ng mesa. Kumakain sila ng Chinese dumplings at tumatagay para sa kalusugan at kaligayahan sa bagong taon.
Ang unang-unang pagkaing pampabuwenas o pagkaing pinaniniwalaang makakapaghatid ng suwerte ay isda. Puwede ang alinmang uri ng isda. Ang bigkas ng isda sa wikang Tsino ay "Yu" at pareho ito sa bigkas ng "Kasaganaan." Sa karaniwan, ang putahe ng isdang ito ay hindi ginagalaw hanggang sa sumapit ang unang araw ng taon. Ito ang tinatawag ng mga Tsino na "may kasaganaan bawat taon."
Parang play of word, di ba? Dahil dito, ang putahe ng isda ay naging isang mabuting hangarin para sa bagong taon. Mayroon pang isang halimbawa na gumagamit ng play of words. Sa panahon ng Chinese New Year, popular ang isang pagkain sa dakong timog ng Tsina at ang tawag dito ay "New Year's Cake" o "Nian Gao." Ang keyk na ito ay iba sa birthday cake. Gawa ito sa glutinous rice at hugis laryo. Para kainin, hiwa-hiwaiin ito sa manipis na piraso at puwedeng pasingawan o igisa kasama ng karne at kulay.
Nian Gao
Ang pagiging popular ng pagkaing ito ay dahil na rin sa tawag na "Nian Gao." Sa wikang Tsino, ang "Nian" ay nangangahulugang "taon" at ang "Gao" dito ay "keyk." Samantala, ang bigkas sa "tangkad" sa wikang Tsino ay "Gao" rin. Kaya, ayon sa mga Tsino, ang pagkaing ito ay nagpapakita ng mabuting hangarin upang "tumaas sa darating na taon." Maraming bagay ang inaasahang tataas sa bagong taon. Halimbawa, ang suweldo, ang posisyon natin sa trabaho, ang bolyum ng ani ng mga magsasaka, at siyempre, ang tangkad ng mga bata. Ito ay talagang isang mabuting hangarin.
Ngayon, dumako naman tayo sa ikalawang uri ng mga pagkain sa Spring Festival, at ang mga ito ay may kinalaman sa hugis o kulay. Ang pinakakilalang halimbawa ng uring ito ay Chinese dumpling o Jiaozi. Ang Chinese dumpling ay isang masarap na pagkain at madali itong gawin at lutuin. Ito ay pagkaing hindi dapat mawala sa panahon ng Chinese New Year.
Dumpling o Jiaozi
Ang hugis ng Chinese Dumpling ay malapit sa ingot na ginamit na salapi noong sinaunang panahon. Ang pagkain nito sa Chinese New Year ay nagpapahayag ng hangaring "maging mayaman sa bagong taon." Ito ang dahilan kaya ang Chinese Dumpling ay hindi dapat mawala sa Chinese New Year.
May isa pang "pagkaing pampabuwenas" na may kinalaman sa hugis, at ito ay iyong Yuanxiao. Ang Yuanxiao ay isang matamis na pagkaing gawa sa glutinous rice flour o malagkit, at sa karaniwan, ito ay kinakain sa ika-15 araw ng unang buwan ng Chinese Lunar Calendar. Ang araw na ito ay huling araw ng mahabang selebrasyon ng Spring Festival. At dahil nga may isinisilbing espesyal na pagkain na Yuanxiao, ang araw na ito ay tinawag na Yuanxiao Festival.
Yuanxiao o Tangyuan
May iba't ibang uri ng Yuanxiao sa Tsina. May malaki na 2 hanggang 3 sentimetro ang diyametro, at maliit na 1 sentimetro lang ang diyametro. Puwede ring may palaman o wala. Pero, isa lang ang hugis ng Yuanxiao--hugis-bola. Ang hugis-bola ay itinuturing ng mga Tsino na "good ending," na tulad ng "tuldok." Kaya, ang pagkain ng Yuanxiao sa Spring Festival ay nagpapakita ng hangaring "magkaroon ng good ending ang lahat ng mga pangyayari sa papasok na taon."
Pagdating naman sa kulay ng "pagkain ng suwerte," nariyan ang "stir-fried corn kernels and pine nuts." Binigyan ng mga Tsino ng isang magandang pangalan ang putaheng ito na pareho sa isang masuwerteng pagbati sa Chinese New Year: May gold and jade come to fill your hall.
Ang corn kernels ay kulay ginto at ang pine nuts naman ay kulay jade, kaya ang putaheng ito ay puno ng ginto at jade. Ang putaheng ito na may magandang kulay ay nagpapakita rin ng hangaring maging mayaman at masagana sa darating na taon.
Nabanggit na namin kanina ang dalawang uri ng "pagkaing pampabuwenas," na may kinalaman sa bigkas, at hugis at kulay. May isang pang uri ng "pagkain ng suwerte," at ito ay may kinalaman sa paraan ng pagluluto.
Ang pinakamagandang halimbawa ng uring ito ay ang "halu-halong sea food," isa ring tradisyonal na putahe na madalas na nakikita sa bangkete sa panahon ng Chinese New Year. Dito sa putaheng ito, pinaghahalu-halo ang iba't ibang uri ng sea food, kaya tinawag din itong "sea food reunion."
Pareho sa Pasko sa Pilipinas, ang isang mahalagang tema ng Chinese New Year ay "family reunion." Kaya, ang putaheng ito na may temang reunion ng sea food ay naglalayong magkaroon ng reunion ang buong pamilya. Ito ang mabuting hangarin ng putaheng ito.
Tama ka diyan, sa palagay ko, sa pamamagitan ng pagsasalaysay natin, nalalaman ng ating mga tagapakinig ang hinggil sa kultura ng "pagkaing pampabuwenas" sa Tsina sa panahon ng Chinese New Year.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |