|
||||||||
|
||
Ang Kabundukang Huangshan ay nasa katimugan ng lalawigang Anhui. Ang kabilugan nito'y umaabot sa 250 kilometro, samantalang ang lupaing may marikit na tanawin ay sumasaklaw sa 154 kilometro kuwadrado.
Taglay ng Kabundukang Huangshan ang kahanga-hangang tanawin ng Bundok Taishan, ang mapanganib na kalagayan ng Bundok Huashan, ang maulap na tanawin ng Bundok Hengshan, ang tanawin ng bumubuhos na talon ng Bundok Lushan, ang eleganteng tanawin ng Bundok Emei pati ang tanawin ng kawili-wiling bato ng Bundok Yantang. Matutulis na parang patalim ang ituktok ng Kabundukang Huangshan, ang kulay ay parang berdeng jade, kahanga-hanga ang buong kabundukan.
May mga kawili-wiling batong iba't iba ang itsura at may gumagala-galang makakapal na alapaap sa buong taon. Kaya tinagurian itong "guhit na hulog ng langit." Napabantog ito dahil sa maringal na anyo at mapanganib na kalagayan. Kaya palaging sinasabi ng mga tao na "pagkauwi galing sa limang kilalang bundok ay hindi na kailangang pagmasdan ang Kabundukang Huangshan, samantang pagkauwi galing sa Kabundukang Huangshan ay hindi na kailangang tingnan pa ang ibang bundok." Itinuturing na apat na katangian ng Kabundukang Huangshan ang tanawin ng kabiha-bighaning puno ng pino, ang kakatuwang hugis ng mga bato, ang makapal na alapaap at ang mainit na bukal. Dahil dito'y napabantog sa daigdig ang Kabundukang Huangshan. Magkaiba ang tanawin sa tagsibol, tag-init, taglagas at taglamig na mukhang tahanan ng mga diwata.
Noong unang panahon, ang Huangshan ay hindi pangalan ng kabundukan. Noong Dinastiyang Qin, dalawang libong taon na ang nakalipas, ang Huangshan ay pinangalanang Kabundukang Yishan. Ang Yi ay nangangahulugang maraming itim na bato. Noong Dinastiyang Tang, sinasabing minsa'y nagtungo sa Huangshan ang kanunu-nunuan ng Tsina na si Huangdi upang linangin ang sarili alinsunod sa doktrinang panrelihiyon at maghanap ng gamot para sa gapihin ang kamatayan upang matupad ang hangaring umakyat sa kalangitan. Kaya noong taong 747 sa panahon ng Dinastiyang Tang, nagbaba ng kautusan si Emperador Tangxianzhong na palitan ang pangalan ng kabundukan at tinawag na Huangshan.
Ang magandang tanawin sa Huangshan ay binubuo ng iba't ibang pambihirang tanawin ng mga tugatog, bato, puno ng pino, alapaap at batis na sumasaklaw ng 1,200 kilometro kuwadradong lupain. Nagbabagu-bago ang maririkit na tanawin ng matataas na bundok.
Ang tanawin ng Huangshan ay parang larawang dulot ng kalikasan. Wala ditong magagarang templo, at wala ring kahanga-hangang templo ng budismo at palasyo. Ang makikita rito ay likas na tanawing di ginayakan. Pinapurihan ito ng geographer ng Dinastiyang Ming na si Xuxiake, aniya; hamak ang mga bundok sa loob at labas ng bansa, walang maipaparis sa Huangshan. Pagkaakyat sa Huangshan parang wala nang ibang bundok sa mundo, wala itong kasing-ganda. Gumamit din ang mga tao ng pinakamagandang wika sa pagpuri sa Huangshan, sabi nga: "kawili-wiling bundok sa daigdig," "bundok salamangka" at "paraiso ng sangkatauhan."
Sa matulaing purok ng Huangshan, nagpapataasan at nagpapaligsahan sa kagandahan ang mga bundok, kalat-kalat pero maayos ang mga malalaki't maliliit na bundok, natural na natural at walang gayak. Mayroon doong 77 bundok na mahigit 1,000 metro ang taas, may 36 na malalaki't matatarik na bundok, at may 36 na burol na napakatarik at napakarikit. May tatlong pangunahing tugatog ang Huangshan, Lianhuafeng o Lotus Peak, Guangmingding Peak, at ang Tiandufeng Peak na pawang mahigit sa l,800 metro ang taas mula sa lebel ng dagat. Ang mga ito ay parang tatlong paa ng tripod, na napakatarik at lumalagos sa alapaap. Tinagurian itong "tatlong mahal na anak ng kalangitan." Pinakamataas ang Lotus Peak sa tatlong pangunahing tugatog. Na umaabot sa l,860 metro ang taas mula sa lebel ng dagat. Ang kailaliman nito'y lambak at liblib na dalisdis. Samantalang ang tampok na bahagi'y mga mataas na bundok at bangin. Ito'y nagpapakita ng tipikal na halimbawa ng gubat sa mga bundok. Ipinalalagay ng mga nakapamasyal na sa Huangshan na kailangang umakyat sa tugatog upang masilayan ang pinakamarikit na tanawin ng Huangshan: higit na mainam kung may alapaap.
Ang Huangshan ay itinuturing na karagatan ng tugatog at ulap. Nahahati sa limang dagat ang buong kabundukan; ang Beihai (dagat hilaga), Qianhai (dagat sa unahan), Xihai (dagat kanluran), Donghai (dagat silangan) at Tianhai (dagat langit). Samantalang nasa pagitan ng Qianshan at Houshan ang Pingtianhong. Mayayabong ang mga punong-kahoy sa Huangshan at napakaraming mga matatandang puno.
Natatakpan ng mga punong kahoy ang halos 87% ng kabundukan. Mayroon doong mga l,500 uri ng halaman at mahigit 500 klase ng hayop. Higit na nagpapakita ng kagandahan ang mga punong tumutubo sa tugatog at lambak. Umaabot ng ilampung libo ang matatandang puno ng pino na may mahigit l00 taon na ang edad. Napabantog ang 3l sa mga iyon na kinabibilangan ng Yingkesong (pinong sumasalubong sa mga bisita), Songkesong (pinong naghahatid ng mga bisita) at Wulongsong (nakahigang Dragon). May mahigit l20 kawili-wiling bato sa Huangshan ang nabigyan ng pangalan. At napabantog sa mga iyon ang mga batong tinatawag na Jinjijiaotianmen (tumitilaok na ginintuang tandang) songshutiaotiandu (lumuluksong squirrel) at Houziguanhai (unggoy na nakatingin sa dagat).
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |