|
||||||||
|
||
Nakatakdang buksan ngayong araw sa London ang ikalawang G-20 Summit sa pinansya. Inaasahang tatalakayin ng mga kalahok ang hinggil sa pagpapasigla ng kabuhayang pandaigdig, pagpapahigpit ng pandaigdigang superbisyong pinansyal at pagrereporma sa pandaigdigang organong pinansyal. Bilang kinatawan ng emerging market, inaasahang gaganap ang Tsina ng mahalagang papel. Kaugnay nito, ganito ang tinuran ni G. Jiang Yuechun, dalubhasa mula sa China Institute of International Studies.
"Nitong ilang taong nakalipas, lumalakas ang papel sa kabuhayang pandaigdig ang Tsina, Rusya, India, Brazil at iba pang emerging markets. Kaya, sa G-20 summit, ang gagampanang papel ng Tsina ay bibigyan ng higit pang pagpapahalaga ng iba't ibang panig."
Ang pagrereporma sa pandaigdigang sistemang pinansyal ay isang pangunahing paksa ng summit. Bilang tugon, naninindigan ang Tsina na dapat patingkarin ang representasyon at karapatan sa pagsasalita ng emerging markets at mga umuunlad na bansa. Ganito ang koment ng dalubhasang Tsino.
"Ang kayarian at alituntunin ng kasalukuyang sistemang pinansyal ay itinakda ng mga maunlad na bansa at hindi ito nagpapakita ng karapatan at interes ng mga umuunlad na bansa kung kaya't kinakailangan ang reporma."
Kaugnay ng isyung may kinalaman sa pagdaragdag ng pondo sa International Monetary Fund, ganito ang palagay ng dalubhasang Tsino.
"Pagdating sa ibubuhos na pondo ng isang bansa, dapat isaalang-alang hindi lamang ang GDP, kundi maging ang per capita GDP. Nangunguna ang Tsina pagdating sa kabuuang halaga ng GDP, pero, nakahanay ito sa hulihan ng listahan ng mga bansa pagdating sa per capita GDP. Bukod dito, gusto kong bigyang-diing dapat iugnay ang ibubuhos na pondo ng isang bansa sa paiiraling kapangyarihan nito."
Tungkol naman sa pagtutol sa proteksyonismong pangkalakalan, ganito ang tinuran ng dalubhasang Tsino.
"Sa ilalim ng krisis sa kabuhayan, ang proteksyonismo ang nagsisilbing pinakamapanganib na hadlang sa normal na operasyon ng kabuhayang pandaigdig. Ang pagtutol sa proteksyonismo ay hindi lamang mag-isang pinaninindigan ng Tsina, kundi ng higit na nakararaming bansa."
Napag-alamang buong-liwanag na nagpahayag ang Tsina ng sarili nitong paninindigan sa pagpapasigla ng kabuhayang pandaigdig, pagrereporma sa pandaigdigang sistemang pinansyal at pagtutol sa proteksyonismong pangkalakalan. Kaugnay nito, ganito ang sinabi ng dalubhasang Tsino.
"Sa isang banda, kasabay ng paglakas ng Tsina, makatwirang naghain ito ng mga mungkahi at palagay hinggil sa pagrereporma sa kaayusang pinansyal. Sa kabilang banda naman, ang boses ng Tsina ay nagpapakita ng paninindigan ng mga umuunlad na bansa."
Binigyang-diin ng dalubhasang Tsino na bilang isang responsableng umuunlad na bansa, ang pinakatumpak na paraan ng Tsina para matugunan ang kasalukuyang krisis ang buong-husay na paghawak sa mga sariling isyu.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |