Sa news briefing na idinaos kagabi sa Singapore, nanawagan sa mga kasapi ng APEC si Chen Deming, ministro ng komersyo ng Tsina na kalahok sa serye ng pulong ng APEC, na magkakasamang tutulan ang proteksyonismong pangkalakalan at sa mga maunlad na kasapi na isakatuparan ang Bogor Goals batay sa nakatakdang iskedyul.
Sinabi ni Chen na dapat bigyang-pansin ang muling lumilitaw na proteksyonismong pangkalakalan sa Asya-Pasipiko. Anya, sapul nang maganap ang krisis na pinansyal, nakakaapekto sa Tsina ang maraming bagong alitang pangkalakalan at ang 75% sa mga ito ay sa pagitan ng Tsina at mga iba pang kasapi ng APEC.
Ipinahayag din niyang ang susunod na taon ay taning para maisakatuparan ang bahagi ng Bogor Goals, alalaon baga'y isakatuparan ng mga maunlad na kasapi ang liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan. Umaasa anya siyang isasagawa ng APEC ang aktuwal na pagtasa para suriin ang kalagayan ng mga maunlad na kasapi ng pagsasakatuparan ng naturang target.
Salin: Liu Kai