Ipinahayag kamakalawa sa Guangzhou ni Cao Yunhua, puno ng Instituto sa Isyu ng Timog Silangang Asya ng Ji'nan University ng Tsina, na ang mga bahay-kalakal at mamamayan ng Tsina at mga bansang ASEAN ay pawang makikinabang sa malayang sonang pangkalakalan ng Tsina at ASEAN na itatatag sa unang araw ng susunod na taon.
Sinabi ni Cao na para sa mga bahay-kalakal ng Tsina at mga bansang ASEAN, ang konstruksyon ng naturang sona ay magreresulta sa pagbaba ng taripa at ang kani-kanilang produkto ay makakapasok sa pamilihan ng iba sa mas mababang presyo, sa gayo'y magiging mas kompetetibo ang kanilang produkto kaysa produkto mula sa mga bansang nasa labas ng sona. Para naman sa mga mamimili, ang konstruksyon ng sonang ito ay mangangahulugang higit na darami ang uri ng mga produktong mapipilian nila.
Binigyang-diin ni Cao na para sa mga bahay-kalakal ng Tsina at mga bansang ASEAN, ang mas mahalaga ay magamit nang lubos ang mga may kinalamang tadhanang pangkalakalan para lubos na masamantala ang paborableng kondisyon na dulot ng malayang sonang pangkalakalan.
Salin: Liu Kai