|
||||||||
|
||
Ipinahayag kahapon sa Hua Hin, Thailand, ni G. Song Tao, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, ang kahandaan ng panig Tsino na ibayo pang pasulungin ang pakikipagtulungan sa mga bansa sa ibabang bahagi ng Mekong River.
Binuksan ngayong araw sa Thailand ang kauna-unahang Mekong River Commission o MRC Summit. Kalahok dito ang apat na miyembro ng MRC na kinabibilangan ng Kambodiya, Laos, Thailand at Biyetnam at ang mga dialogue partner nito na kinabibilangan ng Tsina't Myanmar.
Ipinahayag ni pangalawang ministro Song na nakakaranas ngayon ng pambihirang tagtuyot ang dakong timog-kanluran ng Tsina sa itaas na bahagi ng Mekong River at ang mga bansa sa ibabang bahagi ng ilog at ang kasalukuyang tagtuyot ay ang pundamental na dahilan ng pagbaba ng water level ng ilog. Aniya pa, walang kabata-batayan ang pananalita na ang paggagalugad ng Tsina ng hydropower sa itaas na bahagi ng Mekong River ay ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng water level ng ilog. Idinugtong niya na:
"Ang runoff volume ng Lancang River, tawag sa itaas na bahagi ng Mekong River sa Tsina, ay katumbas lang ng 13.5% ng kabuuang runoff volume ng Mekong River. Samantala, 86.5% ng runoff ng Mekong River ay nagmumula sa gitna at ibabang bahagi ng Mekong basin."
Ipinaliwanag din ni G. Song na meron ngayong tatlong hydropower stations ang Tsina sa itaas na bahagi ng Mekong River at cascade hydropower station ang mga ito at halos wala silang negatibong epekto sa water volume ng ilog.
Sa totoo lang, meron ding research at evaluation hinggil dito ang mga institutong Tsino at dayuhan. Ganito ang sinabi ni G. Jeremy Bird, Chief Executive Officer ng MRC Secretariat.
"Ipinalabas namin nitong nagdaang Marso ang isang ulat kung saan narating namin ang konklusyon na walang kaugnayan sa pagbaba ng water level ang mga dike ng Tsina sa itaas na bahagi ng Mekong River at sa halip, ang tunay na dahilan ng pagbaba ng water level ay ang konting pag-ulan kapuwa sa tag-init at taglamig."
Ipinahayag din ng Pangalawang Ministrong Tsino na ang Tsina ay biktima rin ng pambihirang tagtuyot sa kahabaan ng Lancang-Mekong River at sa mga apektadong lalawigan sa dakong timog-kanluran ng Tsina, 23 milyong mamamayang Tsino ang kulang sa tubig na maiinom.
Upang matugunan ang kasalukuyang tagtuyot sa kahabaan ng Lancang-Mekong river, mula noong ika-22 ng nagdaang Marso, ibinibigay ng Tsina ang mga hydrological information hinggil sa Lancang river sa mga bansa sa ibabang bahagi. Pagdating sa kooperasyon sa hinaharap, ipinahayag ni G. Song ang kahandaan ng panig Tsino na ibayo pang pasulungin ang kolaborasyon nito sa MRC at mga bansa sa ibabang bahagi ng Mekong sa larangan ng transportasyong pantubig, turismo, pangingisda, pagtatasa at pangangalaga sa kapaligiran, irigasyon at iba pa.
Hinangaan ito ng kalahok na ministrong Panlabas ng Thailand na si Kasit Piromya.
"Dapat magkakasamang tugunan ng anim na bansa sa kahabaan ng Mekong River ang kasalukuyang tagtuyot. walang kabuluhan ang pagbatikos hinggil dito sa anumang panig."
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |