|
||||||||
|
||
Muling nararanasan kamakailan sa dakong timog ng Thailand ang mga karahasan na ikinamatay na ng 10 sibilyan at sundalo. Ang isyu ng kaligtasan sa lugar na ito ay muling nakatawag ng pansin ng buong Thailand. Organisado ng Pamahalaang Thai, nagtungo kamakailan ang mamamayahag ng China Radio International sa katimugan ng Thailand, kasama ang iba pang mga mamamahayag na nakabase sa bansang iyon. Ayon sa CRI reporter, masalimuot ang isyu ng katimugang Thai at dapat magsagawa ang Pamahalaang Thai ng mga pangmatagalang komprehensibong hakbangin para mapanumbalik ang katatagan ng purok na iyon.
Ang katimugang Thai ay tumutukoy sa tatlong lalawigan na kinabibilangan ng Pattani, Yala at Narathiwa. Noong Enero ng taong 2004, sumiklab ang kaguluhan sa lugar na iyon at hanggang ngayon, mahigit 9800 beses nang naganap ang karahasan doon na ikinamatay ng mahigit 10 libo katao. Sapul nang maganap ang kaguluhan, nagpapairal na ang Pamahalaang Thai ng emergency decree doon at sa kasalukuyan, 30 libong sundalo pa ang nakabase roon para magpanatili ng kaayusan.
Matagal na ang isyu ng katimugang Thai. Hindi tulad ng iba pang lugar ng bansa kung saan ang Budismo ay pangunahing pananampalataya, sa katimugan naman, mahigit 70% ng populasyon ang Muslims at iba ang kanilang kultura at kaugalian sa iba pang mga mamamayang Thai.
Gayunpaman, nagkakasundo ang Pamahalaan at Militar na Thai hinggil sa pangangasiwa sa katimugan ng bansa. Ganito ang sinabi ni Colonel Songwit Noonbackdee, pangalawang puno ng special task force sa Lalawigang Narathiwa.
"Dapat nating igalang ang pananampalataya ng mga mamamayang lokal sa Islam dahil ang lahat ng kanilang ginagawa at iniisip ay may mahigpit na kaugnayan sa doktrina ng Islam. Kaya kung gusto nating magpairal ng mga hakbangin at patakaran, dapat gawin ito sa pamamagitan ng mga samahang Islamiko sa lokalidad."
Kasabay ng mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga samahang Islamiko, binibigyan din ng nakabaseng tropa ng Pamahalaan ng mga libreng paggamot at medisina ang mga mamamayang lokal para mapasulong ang pagkakaisa at pagbubuklod ng mga sibilyan at sundalo.
Ayon kay Colonel Songwit, dahil ang mga guro at paaralan ay mga target na pinakamadalas na inaatake ng mga separatista, ang paghahatid at pagsundo sa mga guro ay isa sa mga pangunahing tungkulin ng mga nakabaseng sundalo. Si Ibrahim Dolah ay isa sa mga gurong inieskortan ng mga sundalo at nagtuturo siya ng wikang Arabic at Ingles sa isang mataas na paaralang lokal. Ganito ang sinabi niya.
"Bilang isang Muslim, naniniwala akong kaya kong maligaya at tahimik na makisalamuha sa iba pang mga mamamyang lokal. Sa tototo lang, maraming kaibigan ang aking ama sa nayon namin at mga mananampalataya sila ng Budismo. Nagtitiwalaan kami sa isa't isa."
Sinabi ni G. Thanon Vejkornkanon, opisyal ng Lalawigang Narathiwa, na ang pinakamalaking problema sa katimugang Thai ay isyu ng kaunlaran. Sinabi pa niya na: "Papaano namin maisasakatuparan ang kaunlaran? Naitatag na namin ang porum kung saan pinakikinggan ang palagay at mungkahi ng mga mamamayang lokal at batay rito, pinauunlad namin ang lugar. Nananangan kaming kung mapapaunlad ang kabuhayang lokal at magiging mayaman at masagana ang mga mamamayan, atsaka lamang maisasakatuparan ang katatagan at katahimikan ng rehiyon."
Salin: Jade
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |