Sa kanyang paglahok ngayong araw sa Nanning sa seremonya ng pagbubukas ng ika-7 China ASEAN Business and Investment Summit o CABIS, ipinahayag ni Jia Qinglin, tagapangulo ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino, na tulad ng dati, palalalimin ng Tsina ang estratehikong pagtitiwalaan nila ng ASEAN, palalakasin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, palalawakin ang pagpapalitang pangkultura at pahihigpitin ang pag-uugnayan at pagkokoordinahan sa mga mahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig.
Umaasa rin si Jia na sa summit na ito, ibayo pang ihaharap ang mga mungkahi hinggil sa pagpapalawak ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan at pamumuhunan ng Tsina at ASEAN, pagpapalakas ng konstruksyon ng imprastruktura at pag-uugnay ng mga imprastruktura sa iba't ibang bansa, pagtutulungan sa mga mahalagang proyektong may kinalaman sa pamumuhay ng mga mamamayan at iba pa para mapalawak at mapalalim ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng Tsina at ASEAN.
Salin: Liu Kai