|
||||||||
|
||
Nang kapanayamin kahapon ng mamamahayag, sinabi ni Gng. Tong Xiaoling, ikalawang sugong Tsino sa Asean, na ikinalulugod at ikinararangal man niya ang kanyang bagong titulo, alam na alam din niya kung gaano kabigat ng misyon. Aniya pa, ang susunod na taon ay ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng dialogue partnership ng Tsina't Asean at ang estratehikong partnership na ito ay mahaharap sa mas malaking pagkakataon ng pag-unlad.
Bilang isang beteranang diplomata, sinabi ni Gng. Tong na sa kanyang termino, magsusumikap siya para mapasulong ang pagtitiwalaang pulitikal ng Tsina't Asean, ang kanilang sustenableng pag-unlad, ang pagpapalitang pangkultura at panlipunan, at ang pagpapaunlad ng China-Asean Free Trade Area o CAFTA para maingat pa ang estratehikong partnership ng magkabilang panig.
Sinabi ng sugong Tsino na sapul nang maitatag ang dialogue partnership ng Tsina't Asean noong 1991, ang relasyon ng magkabilang panig ay umangat sa etratehikong partnership at nananatiling mahigit 20% ang taunang karaniwang bahagdan ng paglaki ng bilateral na kalakalan. Sa kasalukuyan, ang Tsina ay nagsisilbing pinakamalaking trade partner ng Asean at sumasaklaw sa iba't ibang larangan ang pagtutulungang Sino-Asean.
Tinukoy rin ng sugong Tsino na ang pormal na paglulunsad ng CAFTA noong unang araw ng taong ito ay isa pang muhon sa pag-unlad ng relasyong Sino-Asean. Mula Enero hanggang Setyembre ng taong ito, umabot sa 211.3 bilyong dolyares ang kalakalang Sino-Asean na mas mataas ng 44% kumpara sa gayunding panahon ng tinalikdang taon at kabilang dito, umabot sa 111.8 bilyong dolyares ang pag-aangkat ng Tsina mula sa Asean na mas mataas ng 51% kumpara sa gayunding panahon ng nagdaang taon. Ang trade deficit ng Tsina sa Asean ay umabot sa 12.3 bilyong dolyares.
Ayon sa sugong Tsino, ang transportasyon ay nagsisilbing garantiya para mapasulong ang pag-unlad ng CAFTA at ito ay priyoridad ng mga pagtutulungan ng magkabilang panig. Bilang tugon, nabalangkas na nila ang China-Asean Transport Cooperation Strategy at batay rito, makakapag-ugnay ang mga impreaestruktura ng transportasyon, telekomunikasyon at enerhiya ng Tsina't Asean. Anya pa, ang pinal na target ng nasabing estratehiya ay maisakatuparan ang maalwang pagpapalitan ng mga tao, pondo at kargamento.
Inulit din ng sugong Tsino ang paninindigan ng Tsina na suportahan at lahukan ang proseso ng pagtatatag ng Asean Community. Sa pinakamahigpit na panahon ng pandaigdigang krisis na pinansyal, nakapagbigay ang Tsina ng kabuuang 270 milyong Yuan o 39 milyong dolyares na tulong sa Laos, Cambodia at Myanmar. Tinutulungan din ng Tsina ang mga bansang Asean para mapaliit ang kanilang agwat sa pag-unlad sa pamamagitan ng pagpapasulong ng GMS, Greater Mekong Sub-region, at BIMP-EAGA, East Asean Growth Area. Aniya pa, sa hinaharap, patuloy na magbibigay-tulong ang Tsina sa mga bansang Asean sa pamamagitan ng walang-bayad na tulong, preperensyal na pautang, pagsasanay ng tauhan at iba pa.
Kaugnay ng prospek ng integrasyon ng Silangang Asya, sinabi ng sugong Tsino na dahil sa dipersipikasyon ng rehiyon, iba't iba rin ang mga mekanismo ng pagtutulungan ng Silangang Asya. Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Tsina na gawing pangunahing tsanel ang mekanismo ng 10+3 para mapasulong ang pagtutulungan ng rehiyon patungo sa pagtatatag ng East Asia Community.
Tungkol naman sa isyu ng South China Sea, sinabi ng sugong Tsino na ang pagkakaiba ng Tsina at ilang bansang Asean sa teritoryo at karapatang pandagat ay kabilang sa mga isyung naiwan ng kasaysayan at palagiang naninindigan ang Tsina na lutasin ang mga problema sa pamamagitan ng bilateral na diyalogo. Ipinagdiinan niyang tutol na tutol ang Tsina sa pagsasainternasyonal ng isyung ito. Aniya pa, ang mga bansang walang kaugnayan sa isyung ito ay hindi dapat makisangkot dito, dahil hindi ito makakatulong sa paglutas ng pagkakaiba.
Salin: Jade
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |