Idinaos ngayong araw sa Hanoi, Biyetnam ang mga summit sa pagitan ng ASEAN at Hapon at ng ASEAN at Timog Korea kung saan tinalakay ang hinggil sa pagpapalakas ng kooperasyon ng mga panig sa kabuhaya't kalakalan, pangangalaga sa kapaligiran, pagharap sa mga pandaigdig na hamon at iba pang isyu.
Sa Summit ng ASEAN at Hapon, sinang-ayunan ng dalawang panig na pasulungin ang bilateral na kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, mabisang isagawa ang kasunduan sa komprehensibong partner na pangkabuhayan ng dalawang panig at ibayo pang palakasin ang kooperasyon ng mga bansang ASEAN sa kahabaan ng Mekong River at Hapon.
Sa summit naman ng ASEAN at T.Korea, ipinasiya ng dalawang panig na itaas sa lebel ng estratehikong partnership ang kanilang relasyon, sinang-ayunang mabilis at epektibong ipatupad ang lahat ng mga kasunduan sa loob ng balangkas ng malayang sonang pangkalakalan ng ASEAN at T.Korea at inulit din ang target na lumaki sa 150 bilyong Dolyares sa taong 2015 ang kabuuang halaga ng bilateral na kalakalan.
Salin: Liu Kai