|
||||||||
|
||
Sa ika-13 Summit ng Tsina at ASEAN na idinaos kahapon ng hapon sa Hanoi, inilarawan ni premyer Wen Jiabao ng Tsina ang relasyong Sino-ASEAN sa pamamagitan ng tatlong "mabuti" at tatlong "pinaka-". Anya, ang Tsina ay magiging mabuting kapitbansa, mabuting kaibigan at mabuting partner ng mga bansang ASEAN mapagkailanman at ang kooperasyong Sino-ASEAN ay pinaka-pragmatiko, pinakamasagana at pinakamabunga.
Ipinahayag minsan ng mga eksperto na sa kasalukuyang serye ng mga summit ng Silangang Asya, ang mga tampok ay ang epekto sa rehiyonal na kayariang pampulitika at pangkabuhayan na dulot ng paglahok sa summit ng mga malaking bansa mula sa labas ng rehiyong ito at ang atityud ng Tsina. Bilang bunga ng Summit ng Tsina at ASEAN, buong liwanag na tinukoy ng magkakasanib na pahayag na kinakatigan ng panig Tsino ang pagtatatag ng ASEAN sa taong 2015 ng ASEAN Community na nababase sa tatlong haligi na Security Community, Economic Community at Socio-Cultural Community. Ipinalalagay ni propesor Su na ito ay maliwanag na pagkatig ng Tsina sa pagpapalakas ng ASEAN ng sariling pagkakaisa. Anya,
"Para sa 10 bansang ASEAN, ang isang bansa ay medyo mahina, kaya umaasa silang sa pamamagitan ng integrasyon, mabubuo ang isang buong lakas at saka lamang mapapatingkad nila ang namumunong papel sa rehiyonal na kooperasyon ng Silangang Asya. Para naman sa Tsina, kinakatigan namin ang integrasyon at pagkakaisa ng ASEAN, dahil ang integrasyon ng ASEAN ay makakabuti sa integrasyon ng buong Silangang Asya at ibayo pang makakapagpalalim ng kooperasyon ng Tsina at mga bansang ASEAN. Kung titingnan ang kooperasyong ito batay sa estratehikong pananaw, ang Tsina at ASEAN ay may mahalagang mahalagang komong interes."
Ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ay mahalagang larangan ng kooperasyong Sino-ASEAN. Sapul nang itatag ang malayang sonang pangkalakalan ng Tsina at ASEAN noong unang araw ng taong ito, umabot sa 211.3 bilyong Dolyares ang kabuuang halaga ng bilateral na kalakalan ng Tsina at mga bansang ASEAN noong unang tatlong kuwarter ng taong ito na lumaki ng 44% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon. Ang Tsina ay naging pinakamalaking trade partner ng ASEAN at ang ASEAN naman ay ika-4 na pinakamalaking trade partner ng Tsina. Walang humpay ding lumalaki ang pamumuhunan sa isa't isa ng Tsina at ASEAN.
Sa kasalukuyang summit, iniharap ni premyer Wen ang bagong target na umabot sa 500 bilyong Dolyares sa taong 2015 ang kabuuang halaga ng kalakalan ng Tsina at ASEAN at nakahanda rin anya ang Tsina na sa loob ng darating na 5 taon, itatag, kasama ng bawat bansang ASEAN, ang sonang pangkooperasyon ng kabuhayan at kalakalan. Ipinalalagay ni propesor Su na ang mungkahing ito ay hindi lamang isang magandang ideya, kundi maisasagawa rin. Sinabi niyang,
"Iba-iba ang antas ng pag-unlad ng 10 bansang ASEAN. Ang ilang bansa ay medyo maunlad at nagsakatuparan na ng industrialisasyon, ang ilan ay nagsasagawa pa ng industrialisasyon at ang ilan naman ay medyo di-maunlad. Sa katotohanan, ang estruktura ng kabuhayan sa loob ng Tsina ay nasa iba't ibang antas din, kaya, ang Tsina ay may angkop na larangan ng kooperasyong pangkabuhayan sa bawat bansang ASEAN batay sa kani-kanilang lebel ng pag-unlad ng kabuhayan. Ito ay isang bentahe na wala ang mga iba pang malaking bansa sa daigdig."
Siyempre, umiiral pa rin ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Tsina at ilang bansang ASEAN na gaya ng isyu ng South China Sea. Kaugnay nito, sinabi ni propesor Su na itinakda na ng Tsina at ASEAN ang saligang paninindigang "pag-iisang-tabi ng pagkakaiba at magkakasamang paggagalugad" at nilagdaan din ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea. Ang mga ito anya ay narating na komong palagay ng Tsina at ASEAN para sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea at ang kasalukuyang lumilitaw na hidwaan ay hindi makakaapekto sa pangkalahatang kalagayan ng relasyon ng dalawang panig. Anya,
"Sa isang banda, maaring isagawa ng Tsina at mga bansang ASEAN ang pagsasanggunian batay sa bilateral na saklaw para mapalalim ang pagtitiwalaan; sa kabilang banda naman, maari ring isagawa ng dalawang panig ang pagtalakayan sa takdang digri hinggil sa isyung ito. Iniharap ng ilang bansang ASEAN na dapat itaas sa antas ng alintuntunin ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea at positibo naman ang Tsina sa mungkahing ito. Ang isyu ng South China Sea ay hindi magiging isang isyung makakahadlang sa pag-unlad ng relasyon ng Tsina at mga bansang ASEAN at ang tunguhin ng relasyong ito ay pagkakaibigan, pagtutulungan, kapayapaan at kaunlaran."
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |