|
||||||||
|
||
Magugunitang hiniling ng mga nagsampa ng usapin sa Korte Suprema na ideklarang taliwas sa Saligang Batas ng Pilipinas ang Executive Order No. 1 na bumubuo sa Philippine Truth Commission sa taong 2010 na inatasang magsiyasat sa mga usaping may kinalaman sa mga katiwalian ng nakalipas na administrasyon.
Ang mga bumuto upang ibasura ang Executive Order No. 1 ay sina Chief Justice Renato C. Corona at Justices Presbitero Velasco, Teresita J. Leonardo De Castro, Arturo D. Brion, Diosdado M. Peralta, Lucas P. Bersamin, Mariano C. Del Castillo, Martin S. Villarama, Jr., Jose Portugal perez at ang may akda ng desisyon si Justice Jose Catral Mendoza.
Hindi sumangayon sa desisyon ng karamihan sina Justices Antonio T. Carpio, Conchita Carpio Morales, Eduardo B. Nachura, Roberto A. Abad and Maria Lourdes Sereno.
Ayon sa mayorya, ang Executive Order No. 1 ay lumalabag sa equal protection clause ng Saligang Batas sapagkat nakatuon lamang ito sa pagsisiyasat ng mga katiwalian noong nakalipas na administrasyon.
Magugunitang isa ito sa mga pinalakpakan ng mga sumaksi sa panunumpa ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III noong a-treinta ng Hunyo sa Quirino Grandstand sa Maynila nang siya ay mangakong lalabanan ang korupsyon at pananagutin ang mga pinaniniwalaang sangkot sa mga katiwalian noong nakalipas na administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa panig ng Malacanang, sinabi ni Atty. Edwin Lacierda, tagapagsalita ng Pangulong Aquino na sa ilalim ng batas, magpaparating sila ng kanilang Motion for Reconsideration sa loob ng labing-limang araw matapos matanggap ang opisyal na sipi ng desisyon. Binigyang-diin ni Lacierda na hindi sila titigil sa kanilang pangako na pag-aaralan at sisiyasatin kung ano ang katotohanan sa likod ng mga katiwalian noong nakalipas na administrasyon. Nananatiling naniniwala ang Malacanang na ang pagbuo ng Truth Commission ay ayon sa Saligang Batas. Pagtatangkaan daw ng Administrasyong Aquino na kumbinsihin ang Korte Suprema na legal at walang nilalabag na batas ang kanilang Truth Commission na pinamumunuan ng isang retiradong Chief Justice na si Hilario Davide.
Walang pahayag mula sa Kagawaran ng Katarungan sa ilalim ni Kalihim Leila De Lima sapagkat kasalukuyan siyang nasa opisyal na paglalakbay sa Estados Unidos.
Ikinatuwa ni Congressman Edcel Lagman ang naging desisyon ng Korte Suprema sapagkat nagpapakita lamang ito ng pagkilala at paggalang sa itinatadhana ng batas. Taliwas sa Saligang Batas ang Truth Commission sapagkat mayroon nang Ombudsman na siyang may responsibilidad na magsiyasat sa mga usaping may kinalaman sa mga katiwalian at pawang mga opisyal lamang ng Administrasyong Arroyo ang ipinasasaklaw sa Truth Commission.
Ayon pa kay Lagman, ang kanyang usaping idinulog sa Korte Suprema ay 'di naglalayong ipagtanggol ang mga namuno noong nakalipas na Administrasyon bagkos ay upang mapanatili ang separation of powers sa pagitan ng ehekutibo at ng lehislatura at maipagtanggol ang mga mamamayan sa 'di patas na pagkilala ng pamahalaan.
Report: Melo
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |