|
||||||||
|
||
Nangako ang bagong luklok na Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines Lt. General Eduardo Oban na kanyang lalabanan ang "graft and corrupt practices" na bumalot sa sandatahang lakas ng bansa mula noong 2001 hanggang sa mga nakalipas na ilang taon.
Ito ang buod ng kanyang talumpati sa kanyang pagluklok sa pinakamataas na posisyon sa Armed Forces of the Philippines na may mga tauhang aabos sa isang daan at labing-dalawang libo katao. Magugunitang humiwalay na ang Philippine National Police sa Armed Forces of the Philippines na ipasa ang batas na kumikilala sa pambansang pulisya na "national in scope, civilian in character" noong Dekada Noventa.
Nangako ang bagong "chief of staff" na kanyang ipagsasanggalang ang salapi ng mga militar mula sa mga makakating kamay, kakasuhan ang lahat ng mga masasangkot sa katiwalian, ipagpapatuloy ang AFP modernization plan at mamadaliing matamo ang kapayapaan sa bansa.
Ito ang pangako ni General Oban na manunungkulan lamang sa loob ng higit sa siyam na buwan.
Isang opisyal ng Philippine Air Force bago nahirang sa panibagong tungkulin sa General Headquarters, si Lt. General Oban ay naging tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines noong Dekada Nobenta.
Magugunitang ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nadawit sa mga nakahihiyang pangyayari tulad ng pagkawala ng salapi mula sa kaban ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga pabaon sa mga nagreretirong mga pinuno nito sa ilalim ng liderato ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito si Melo Acuna mula sa CBCP Media Office, nag-uulat para sa China Radio International-Filipino Section.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |