Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pangulong Aquino, nagpasalamat sa mga bayani ng bansa

(GMT+08:00) 2011-06-13 18:10:31       CRI

NAGPASALAMAT si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa mga bayani ng bansa na naging dahilan upang ipagdiwang kahapon ang ika-isang daa't labing tatlong anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.

Ito ang buod ng kanyang talumpati sa tradisyunal na vin d'honneur sa Malacanang kahapon. Idinagdag ng pangulo na mula ng maideklara ang kalayaan ng bansa ay makailang-ulit itong nawala at nabawing muli ng mga Pilipino kaya't pinahahalagahan ito ng bawat mamamayan – na maging Malaya at maging simbolo nito sa bahaging ito ng daigdig.

Bilang ganti sa mga bayaning nagbuwis ng buhay ay magpunyaging mapaunlad at higit na maayos ang buhay ng mga mamamayan at mapanatili ang kalayaan ng bansa.

Nanindigan umano ang kanyang mga magulang na karapat-dapat pagbuwisan ng buhay ang mga mamamayang Pilipino at layunin din niyang mapatotohanan ito sa buong daigdig.

KAILANMAN ay 'di katanggap-tanggap ang paggamit ng dahas bilang sagot ng isang bansa sa ipinakikitang lakas ng mga banyaga sa Western Philippine Sea. Ayon kay Gobernador Jose Sarte Salceda, sa kanyang talumpati sa paggunita sa Ika-113 Araw ng Kalayaan, makabubuting huwag nang tangkilikin ang mga produktong gawa sa Tsina.

Idinagdag pa ni Ginoong Salceda na nararapat lamang ingatan ang mga kabataan mula sa patuloy na peligrong dala ng contamination at mahinang uri ng mga produkto.

Umaangkat umano ang Pilipinas ng pitong bilyong dolyar sa Tsina at bumibili sila ng mga produktong mula sa Pilipinas sa halagang anim na bilyong dolyar at mayroong trade deficit na siyam na raang milyong dolyar noong nakalipas na taon.

Subalit niliwanag ng gobernador na mas mataas ang binibili ng Pilipinas mula sa Tsina na pinagmumulan umano ng mumurahing smuggled items na matatagpuan sa Divisoria. Ayon pa kay Ginoong Salceda, madaling sabihing ang binibili ng Pilipinas sa Tsina ay aabot sa sampung bilyong dolyar.

Tiyak umanong hindi madarama ng mga Tsino ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa kanilang sama ng loob – sa sinasabing pagyurak sa dignidad ng bansa at marapat lamang na iparating ang bagay na ito sa mga kinauukulan.

Ang gagawing boycott sa mga produktong gawa sa Tsina ay mas mahalaga kaysa sa pagbubuhos ng dugo sa kapuluang nasa karagatan sa kanluran ng bansa. Makabubuti na umano itong gawin ngayon kaysa husgahan pa ng mga susunod na saling-lahi na walang ginawa ang mga mamamayan ngayon upang iparating ang mensahe sa mga Tsino.

Ayon kay Ginoong Salceda, walang dapat ikabahala ang mga Pilipino sa gagawing boycott sapagkat mababawi ang mga exports ng Pilipinas patungo sa ibang bansa. Makakabili rin ang Pilipinas ng mga kailangan nito sa industriya sa ibang bansa. Mumunti pa lamang umano ang Overseas Development Assistance mula sa Tsina. Maliit din ang foreign direct investments ng Tsina sa Pilipinas samantalang ang mga Pilipinong manggagawa ay nasa Hong Kong at Macau. Halos walang pagkakautang ang Pilipinas sa Tsina,

Idinagdag pa ni Gobernador Salceda na mas maganda na ang boycott kaysa sa walang gawin ang mga Pilipino sa sinasabing pananakot ng Tsina hinggil sa Spratlys.

SA PANIG ni Dr. Francis Chua ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, na mula ng pumasok ang Pilipinas sa World Trade Organization, nakikipagkalakal na ang Pilipinas sa iba't ibang bansa.

Bilang reaksyon sa mungkahi ni Gobernador Salceda, niliwanag ni Dr. Chua na hindi ito angkop sapagkat hindi biro ang kalakal ng Pilipinas at Tsina. Ayon sa official records ng Customs ng Tsina, bumili sila sa Pilipinas ng may $ 14.7 bilyong dolyar samantalang nakabili lamang ang Pilipinas sa Tsina ng mga panindang nagkakahalaga ng $ 10.5 bilyon kaya't maliwanag ang pagpabor ng kalakal sa Pilipinas.

"Kung mayroon mang paghahabol ang Pilipinas sa Spratlys, mas makabubuting sa United Nations na lamang ito dalhin upang mabatid ng lahat na tayo ay kasama sa nagmamay-ari ng kontrobersyal na kapuluan sa South China Sea.

Ipinaliwanag pa ni Dr. Chua na aabot sa 200,000 ang mga manggagawang Pilipino sa iba't ibang bahagi ng Tsina. Idinagdag pa ng pangulo ng PCCI na kahit na sa America at Canada, mabibili ang mga produktong gawa sa Tsina kaya't malayo sa pagiging praktikal ang panawagan ni Gobernador Salceda.

SINABI naman ni Ginoong Edgardo Lacson, dating pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, na hindi marapat ang ganitong pagkilos ng bansa sa kapwa bansa sapagkat may posibilidad na ang 'di pagkakaunwaan sa larangan ng politika ay mauuwi sa 'di pagkakaunawaan sa larangan ng ekonomiya na walang sinumang magwawagi lalo't maliit ang bansang tulad ng Pilipinas.

Sa panayam ng CBCP Media Office, niliwanag ni Ginoong Lacson na sa ilalim ng isang globalized economy, hindi na tatalab ang mga boykot ng mga pamahalaan sa mga produkto ng ibang bansa sapagkat hindi ito magiging kapaki-pakinabang. Mas makabubuting pag-usapan ang mga 'di pagkakaunawaan, kung mayroon man, dagdag pa ni Ginoong Lacson na ngayo'y pangulo ng Employers Confederation of the Philippines.

ISA na namang mamamahayag ang pinaslang kaninang umaga sa Iriga City sa Camarines Sur. Kinilala ng pulisya ang biktima sa pangalang Ramon Olea, isang tagapagbalita sa DWEB ng Filipinas Broadcasting Corporation.

Ayon sa pulisya, sakay ng kanyang motorsiklo si Olea ng barilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ilang minuto bago sumapit ang ika-anim ng umaga. Isinugod siya sa pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay.

Natagpuan ng pulisya ang dalawang baseyo ng 9mm pistol. Hindi masabi ng pulisya kung may koneksyon sa kanyang trabaho ang pagpaslang.

Kinondena ni Ginoong Herman Basbano ang pagpaslang kay Olea at nanawagan sa kinauukulang gawin ang lahat upang malutas ang krimeng ito kasabay na rin ng mga nakalipas na pagpatay sa mga mamamahayag. Si Ginoong Basbano ang chairman of the board ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.

Si Olea ang ika-limang mamamahayag na napaslang mula ng manungkulan si Pangulong PNoy Aquino noong ika-30 ng Hunyo, 2010. Mula noong manungkulan si Pangulong Corazon Aquino noong 1986, 145 na mga mamamahayag na ang napapaslang sa Pilipinas.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>