|
||||||||
|
||
NAKATAKDANG humarap sa buong bansa si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Lunes, sa pagbubukas ng ikalawang regular na sesyon ng ika-labing limang kongreso ng Pilipinas.
Ang State of the Nation Address ay taunang tradisyon at ginagamit ng sinumang naging pangulo ng bansa nag mag-ulat sa sambayanan ng tunay na katayuan nat kalagayan ng bansa at nagmumungkahi sa Kongreso ng mga panukalang kailangang gawan ng batas upang higit na umunlad ang bansa. Ang pagtatalumpati ng pangulo sa bawat pagbubukas ng regular na sesyon ng Senado at Mababang Kapulungan at alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas na nagsimulang ipatupad noong 1987.
Nagsimula ang taunang gawaing ito noon pa mang Dekada Treinta ayon sa Saligang Batas ng taong 1935. Ang kauna-unahang humarap sa Kongreso upang magpahayag ng tunay na kalagayan ng bansa ay si Pangulong Manuel Luis Molina Quezon noong 1936. Ang pagbubukas ng sesyon sa kada ika-16 ng Hunyo.
Ayon sa Commonwealth Act No. 49, sinusugan nito ang C. A. No. 17 at itinalaga ang pagbubukas ng sesyon sa bawat ika 16 ng Oktubre noong 1937. Subalit pumatak ang araw na ito sa araw ng Sabado kaya't ipinagpaliban ang talumpati at ginawa na lamang noong ika-18 ng Oktubre.
Nagkaroon ng mga pagbabago ng sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig. Mula noong 1949, sa kada ikatlong Lunes ng Enero ginagawa ang pagbubukas ng regular na sesyon ng lehislatura. Natigil lamang ang mga State of the Nation Addresses ng maideklara ang Batas Militar noong 1972 at ginawa na lamang ang anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar ang okasyon ng pag-uulat sa bayan ni Pangulong Ferdinand Marcos.
Noong 1978, nagtalumpati si Pangulong Marcos sa Araw ng Kalayaan, ika-12 ng Hunyo sa pagbubukas ng Interim Batasang Pambansa. Subalit mula noong 1979, ginawa na niya ito sa bawat ika-apat na Lunes ng Hulyo. Ito na rin ang itinadhana sa 1987 Constitution at sinunod ito ng mga naging Pangulo ng Pilipinas mula kay Pangulong Corazon C. Aquino, Pangulong Fidel V. Ramos, Pangulong Joseph Estrada at maging Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Tulad ng kinagawian, magkakaroon din ng mga pagtitipon ang mga kinatawan ng iba't ibang sector na lipunan upang iparating ang kanilang mga hinaing kay Pangulong Aquino at sa mga mambabatas. Karaniwang dumadalo sa State of the Nation Address ang mga Ambassador ng iba't ibang bansa na nakatalaga sa Pilipinas.
Magiging mahigpit ang seguridad sa paligid ng Batasang Pambansa.
Abangan ang magiging ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III sa Lunes.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |