|
||||||||
|
||
HUWAG lamang dadaan ang malalakas na bagyo sa Pilipinas sa mga susunod na buwan ay tiyak na matatamo ng Kagawaran ng Pagsasaka ang inaasahang ani ng palay ay mais sa buong taong 2011.
Ito ang buod ng balita ni Kalihim Proceso Alcala, sa isang press briefing kaninang umaga. Nahigitan ng bansa ang ani ng palay sa unang bahagdan ng taon matapos matamo ang 7.577 milyong metrico tonelada na mas mataas ng 14.4% sa aning 6.621 milyong metriko tonelada noong nakalipas na taon.
Umabot din sa 3.309 milyong metriko toneladang mais na hamak na mas mataas ng 37% sa aning 2.415 tonelada noong 2010.
Higit umanong lumawak ang palayang tinamnam dahilan sa naayos na patubig at tumaas din ang ani sa bawat ektarya. Nalampasan ng ani ngayon ang mga rekord ng ani noong 2009 at 2008.
Naging maganda rin ang pagpatak ng ulan sa mga pook na walang patubig, dagdag pa ni Ginoong Alcala. Kitang-kita ang dagdag na ani sa mga lalawigan ng Kanlurang Bisaya at Cagayan Valley.
Ang karaniwang ani sa bawat ektarya ay umabot sa 3.8 tonelada o 76 kaban na tig-lilimampung kilo bawat sako. Maganda ang ani dahilan sa magandang panahon, mas madalas na paggamit ng high quality seeds, magandang presyo ng palay at ibayong paglilingkod ng Department of Agriculture at local government units, dagdag pa ni Ginoong Alcala.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |