|
||||||||
|
||
NAGBITIW na sa kanyang posisyon si Tourism Secretary Alberto A. Lim. Ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, tinanggap na Ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ang pagbibitiw ni Lim na magkakabisa mula sa Miyerkoles, huling araw ng Agosto. Ipinalabas lamang ang balita ngayon upang makadalo pa si Ginoong Lim sa isang kumpirensya ng mga nasa industriya ng turismo dito sa Cebu.
Ayon kay Ginoong Lacierda, sa paglilingkod ni Ginoong Lim, higit sa 3.7 milyong turista ang dumating sa Pilipinas mula unang araw ng Hulyo hanggang a-treinta ng Hunyo taong 2011. Higit sa kalahating milyong katao ang nadagdag sa dating bilang ng mga turista sa loob ng isang taon. Ang domestic tourists at umabot naman sa 28 milyon mula sa 25 milyon. Pinapurihan din si Kalihim Lim sa pagkakaroon ng may 400,000 hanapbuhay sa tourism sector.
Sa kanyang sariling pahayag sa mga mamamahayag sa Malacanang, sinabi ni Ginoong Lim na siya'y nagbibitiw na sa kanyang posisyon at tinanggap na ito ni Pangulong Aquino.
Personal umano ang kanyang dahilan sa pag-alis sa puesto at nais niyang magkaroon ng higit na panahon sa kanyang pamilya. Nahihirapan na raw siyang maglakbay ng madalas. Nagpasalamat siya sa pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanya bilang Secretary of Tourism.
Nagkadaupang-palad pa kami sa lobby ng isang hotel dito sa Cebu. Napuna kong may kalungkutan sa kanyang mukha kahapon ng umaga.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |