Dumating kagabi sa Beijing si Pangulong Benigno Aquino Ⅲ ng Pilipinas para pasimulan ang kanyang 5 araw na pagdalaw sa Tsina. Ipinahayag ng mga opisyal Pilipino na ang layon ng naturang pagdalaw ni PNoy ay "pagkukumpuni ng bilateral na relasyon ng Tsina at Pilipinas" at "pagpapasulong sa pagtitiwalaan para maigarantiya ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon ng South China Sea."
Sinabi ni Mario I. Miclat, Dean of Asian Centre ng University of the Philippines, na ang paanyaya ng pamahalaang Tsino ay nagpapakitang pinahahalagahan ng dalawang panig ang kooperasyon, at kapwang inaasahang ibayo pang mapahigpit ang relasyon ng dalawang bansa. Aniya pa, ang hidwaan sa teritoryo ay makakasama sa pagpapaunlad ng relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa, kaya, umaasang lulutasin ng dalawang pamahalaan ang hidwaan sa paraang pangkaibigan.
Ayon naman sa Daily Inquirer ng Pilipinas, lipos ng kompiyansa si PNoy sa kanyang pagdalaw na ito, at nananalig siyang mapapahupa ang maigting na kalagayan ng South China Sea, at maitatatag ang mas hinog na bilateral na relasyon at mas mahigpit na pagpapalitang pangkabuhayan at pangkalakalan.
Ipinahayag ni Qu Xing, Presidente ng China Institute of International Studies, na ang pagpapasulong sa pag-unlad ng relasyong Sino-Filipino sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kooperasyon sa kabuhayan at kalakalan, kultura at iba pang larangan ay mabisang paraan para sa pagkontrol sa mga sensitibong isyu sa relasyon ng dalawang bansa.