![]() |
|
|
||||||
![]() |
![]() |
![]() |
||
![]() |
||
![]() |
||
|
||
![]() |
||
![]() |
Matapos niyang daluhan ang trade forum ng Tsina at Pilipinas, kinatagpo naman kagabi ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ng Pilipinas ang Filipino Community ng Beijing. Ang naturang pagtatagpo ay idinaos sa China World Hotel, na dinaluhan ng mahigit 280 Pinoy.
Sa isang maikling talumpati, masayang ipinagmalaki ni Aquino sa Filipino Community ang mga naging resulta ng kanyang pamamalakad sa kasalukuyang administrasyon.
Aniya, sa loob lamang ng isang taon, umangat ng apat na beses ang credit rating ng Pilipinas, bagay na hindi natamo ng nakaraang administrasyon.
Aniya pa, sa taong kasalukuyan, makukumpleto na ang pagtatayo ng mahigit 11,000 silid-aralan, at sa taong 2013, ang target ng kanyang administrasyon ay makapagtayo ng mahigit 40,000 pang silid-aralan upang pabutihin ang kalidad ng edukasyon ng Pilipinas.
Idinagdag pa ng punong ehekutibo na sa pagpupunyagi ng Kagawaran ng Agrikultura, matatamo na rin sa wakas ng Pilipinas ang rice sufficiency sa taong 2013.
Sa arena naman ng kalusugan, ang Kagawaran ng Kalusugan, sa pakikipagtulungan nito sa Kagawaran ng Siyensiya at Teknolohiya ay nakagawa ng isang aparato na mabisang panlaban sa sakit na dengue. Ibinida pa ni Aquino na ito ay nagkakahalaga lamang ng sampung piso.
"Sampung pisong aparato na mabisang panlaban sa dengue," ani Aquino.
Sinabi ni Aquino na taliwas sa iniisip ng iba, hindi siya tutol sa pangingibang bansa ng mga Pilipino upang magtrabaho; sinabi niyang ang hindi lang niya sinasang-ayunan ay iyong mentalidad ng pangingibang-bansa dahil "walang pag-asang makahanap ng disenteng trabaho sa Pilipinas."
Ipinagdiinan niya na ang kanyang administrasyon ay magpupunyagi upang baguhin ang situwasyong ito.
Siya, at ang lahat ng miyembro ng kanyang kabinete ay magtatrabaho sa loob ng kanilang mandato upang ang mga Pilipino ay magkaroon ng pagpipilian at hindi na kailangang mangibang-bayan dahil walang mahanap na disenteng trabaho sa Pilipinas, dagdag ni Aquino.
Hinimok din ni PNoy ang mga kababayan na laging kumunsulta sa website ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa mga isyung may kaugnayan sa trabaho.
Dumalo at nagbigay rin ng talumpati sa naturang pagtitipon si Ginoong Jimmy Flor Cruz, Puno ng Central News Network (CNN) Beijing Bureau, isang proud Pinoy.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |