|
||||||||
|
||
INILUNSAD na ngayong araw na ito ang National Household Targeting System for Poverty Reduction ng Department of Social Welfare and Development. Ginanap ang paglulunsad sa pagdiriwang ng National Statistics Month sa Pilipinas.
Ang National Household Targeting System for Poverty Reduction ay isang information management system na siyang kumikilala kung sino at kung nasaan ang mahihirap sa buong bansa. Sa pamamagitan ng system na ito, mababatid ng iba't ibang tanggapan ng pamahalaan at iba pang social protection stakeholders ang database ng mahihirap na pamilya bilang sandigan ng pag-aaral sa mga tatanggap ng social protection programs.
Ayon kay Kalihim Corazon Juliano Soliman, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program at ang Social Pension for Indigent Senior Citizens ang gumagamit ng datos mula sa National Household Targeting System upang makilala ang mga tatanggap ng kaukulang tulong. Ang PhilHealth at ang Department of Health ay nakipagkasundo na rin sa DSWD sa paggamit ng datos nito sa pagpapatupad ng mga social protection programs.
Ayon kay Kalihim Soliman, isinagawa ang pag-aaral sa lahat ng 17 rehiyon sa Pilipinas, sa 80 mga lalawigan, may 1,493 mga bayan at 137 lungsod at 41,968 mga barangay.
Mula sa bilang na 10,909,456 na tahanan, nalamang mayroong 5,255,118 tahanan ang maituturing na mahihirap. Kabilang sa mga programang ikinasa ng pamahalaan ay ang Conditional Cash Transfer na maglalaan ng salapi para sa health at educational requirements ng mga pamilya. Tatagal ang palatuntunan ng may limang taon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |