|
||||||||
|
||
AUTORISADO na ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang pagpapalabas ng P 72 bilyong piso mula ngayon hanggang sa katapusan ng taon upang pasiglahin ang ekonomiya. Sa kanyang talumpati sa harap ng mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, idinagdag pa ni Pangulong Aquino na kabilang sa pondo ang support fund para sa local government units tulad ng binanggit niya kahapon.
Inatasan ang pagpapalabas ng P 6.5 bilyon na maaaring gastusin sa infrastructure development, poverty alleviation at iba pang programa ng local government units. Mula sa P 72 bilyon, gagastusin ang P 10 bilyon para sa resettlement at relocation ng informal settlers at mga pamilyang nasa peligrosong mga pook. Mayroon ding P 5.5 bilyon sa iba't ibang infrastructure projects ng DPWH at P 4.5 bilyon para sa improvement ng Mass Rail Transit System at P 1.8 bilyon para sa Light Rail Transit.
Ipinaliwanag pa ni Pangulong Aquino na simple ang pamantayan sa pamimili ng mga proyekto na mayroong malaking macroeconomic impact at makatutulong sa mga mahihirap.
Hindi umano idadaan sa utang mga proyektong ito sapagkat nagmula ang salapi sa mga naipong pera at mula na rin sa mga pautang noon pa man. Sa unang bahagi ng taong 2012 madarama ang epekto ng salaping ito sa ekonomiya.
Sa sumunod na Open Forum, sinabi ni Pangulong Aquino na tiniyak ng mga opisyal ng Sumitomo group na wala silang balak umalis sa Pilipinas kahit pa sumalakay ang mga rebeldeng New People's Army subalit humiling na dagdagan ang kanilang seguridad.
Niliwanag din ni Pangulong Aquino na ang hinihiling na "special Citizens Armed Forces Geographical Units" ay mapapasailalim ng Armed Forces of the Philippines samantalang ang ilan ay masasaklaw ng Philippine National Police. Kung magkakaroon man ng mga dagdag na volunteers, sila'y babantayan ng Commission on Human Rights at wala silang nakikitang anumang magagawang pag-abuso laban sa mga karaniwang tao.
Itinanong ko kay Pangulong Aquino kung nabasa na niya ang rekomendasyon ng mga maritime legal experts na nagpulong sa Maynila kamakailan tungkol sa West Philippine Sea na kilala sa pangalang South China Sea at sumagot siyang pag-uusapan pa lamang nila ang findings ng lupon at nauunawaan niya na karamihan sa mga bansang dumalo ay sumusuporta sa posisyon ng Pilipinas.
Ipinaliwanag pa ni Pangulong Aquino na kailangang magkaroon ng consensus sapagkat ang sampung bansang kabilang sa ASEAN na may kanya-kanyang mga isyu at paninindigan. Ang pagsang-ayon umano ng karamihang bansang isulong ang mga pag-uusap ay isa nang mahalagang accomplishment. Mas makabubuti umanong si Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na ang magbigay ng briefing sa mga mamamahayag.
Hindi umano makakarating sa International Tribunal on the Law of the Sea ang usapin kung hindi sasang-ayon ang China.
TUNGKOL sa pakikipagkalakal sa Tsina, sinabi ni Pangulong Aquino na kung hindi pa nalulutas ang isyu sa territoriality, magkakaroon din ng problema sa royalty. Kung sa isyu umano ng energy exploration sa West Philippine Sea, mas maganda umanong malutas muna ang isyu ng pagmamay-ari.
May pangako umano ang Tsina na tutulong sa larangan ng turismo at mayroon nang dalawang travel agencies, ang isa'y may sariling eroplano at ang isa nama'y nagtatayo na ng mga hotel. Mayroon pa umanong ibang ventures tulad ng heavy equipment, truck manufacturing at marami pang mga negosyante na nakatakdang magsimula na maliban sa energy. Tutulong din umano ang mga Tsino sa enerhiya, water resource management at disaster risk mitigation at ipinagpapasalamat niya ang mga ito.
Kabilang umano sa mga programang may kinalaman sa enerhiya ang pagpapalakas ng national grid na isang paraan para sa investments. Maganda rin umano ang renewable energy na napag-usapan din.
Magbibigay umano ang bendisyon ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga kalakal upang magkaroon ng royalties para sa mga mamamayan na mayroong soberenya (sovereignty). Ito ang kanyang reaksyon sa tanong kung ano'ng masasabi sa Philex na nais makipagkalakal sa ilang mga kumpanyang Tsino sa energy exploration sa Reed Bank.
Kung mahahati umano ang royalty at mababawasan ang soberenya ng bansa, hindi kailanman pahihintulutan ng Saligang Batas ang bagay na ito.
Pinanindigan ni Pangulong Aquino na ang multilateral solution ang pinakamabisang paraan upang malutas ang sigalot.
Pag-uusapan umano nila ng Pangulo ng Vietnam ang pakikipagkasundo ng Vietnam sa Tsina. Nakatakdang dumalaw sa Pilipinas ang pinuno ng Vietnam sa mga susunod na araw.
Niliwanag din ni Pangulong Aquino ang isyu ng mga mangingisdang Vietnames na madalas makakip sa karagatan ng Pilipinas. Nauunawaan daw ng Pilipinas na ang mga mangingisdang Vietnames ang nasa karagatang pinagtatalunan ng Tsina at Vietnam kaya't nagiging makatao na lamang ang Pilipinas sa paglutas sa problema subalit hindi kailanman papayagang mapinsala ang hanapbuhay ng mga mangingisdang Pilipino at mga likas na yaman ng bansang Pilipinas.
Tiniyak din ni Pangulong Aquino na makararating na sa kinauukulan ang pormal na reklamo laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Inaalam pa lamang kung ano ang specification ng reklamo, anong krimen ang sinasabing nagawa at iba pang detalyes. Target date ng pagpapaabot ng pormal na reklamo ay sa darating na buwan ng Nobyembre.
Tungkol naman sa paglilibing sa labi ni Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, marami umanong naging biktima nito na hindi man lamang nakatanggap ng anumang mensaheng humihingi ng paumanhin samantalang ang panukalang batas na naglalaan ng kabayaran para sa mga naging biktima ay nakabimbin pa rin sa lehislatura. Ang paglilibing sa dating pangulo ng may kaukulang parangal ay maituturing na "height of injustice" sa taong may akda ng paghihirap at pagpakasakit ng mga naging biktima, kaya't walang anumang natatanging paglilibing sa yumaong pangulo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |