Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Makabagong kagamitan para sa coast guard, tiniyak

(GMT+08:00) 2011-10-18 18:39:19       CRI

Sa pagdiriwang ng Philippine Coast Guard ng kanilang ika-110 taon ng pagkakatatag, tiniyak ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na magkakaroon ng makabagong kagamitan at kakayahan ang mga opisyal at tauhan nito.

Ito ang buod ng kanyang mensahe sa ginawang pagdiriwang sa punong himpilan ng Philippine Coast Guard kaninang umaga.

Ayon kay Pangulong Aquino, obligasyon ng mga tauhan ng Tanog Baybayin ng Pilipinas na itaguyod ang seguridad at proteksyon ng mga mamamayan sa panahon ng kalamidad at sakuna. Tinawagan niya ang mga tauhan ng coast guard na manatiling tagapagligtas ng bayan maging sa gitna ng karagatan o sa kapatagan sapagkat kabilang sila sa takbuhan ng mga mamamayan.

Magiging doble-kayod umano ang kanyang administrasyon sa pagtugon sa mga pangangailangan ng Philippine Coast Guard.

Mula sa temang "Para sa Ligtas, Malinis at Mapayapang Karagatan Tungo sa Maunlad na Bayan," dumalo rin sa pagdiriwang sina Transport and Communications Secretary Manuel Araneta Roxas II, Armed Forces Chief of Staff General Eduardo Oban, Philippine National Police Chief Director General Nicanor Bartolome at mga kinatawan ng iba't ibang pamahalaan.

Pinamumunuan ni Admiral Ramon Liwag ang Philipine Coast Guard na mayroong humigit-kumulang sa 4,000 mga tauhan.

MGA AMBASSADOR NG EUROPEAN UNION, DUMALAW SA PAMPANGA

NAGMASID at nakipag-usap sa mga naging biktima ng malubhang pagbaha sa Gitnang Luzon sina European Union Ambassador to the Philippines Guy Ledoux at Finnish Ambassador Heikki Hannikainen sa Barangay Sta. Monica, San Simon, Pampanga kaninang umaga.

Nakita ko ang daan-daang mga mamamayang naglilinis ng ilog sa Barangay Sta. Monica at nag-aalis ng mga water lily na dahilan ng pagtaas ng tubig baha sa kanilang pook.

Ayon kay Ambassador Ledoux, ito ang isang paraan ng kanilang pakikiisa sa mga naging biktima ng trahedya sa magkakasunod na bagyong tumama sa lalawigan. Mayroon silang "food-for-work" program na malaki ang maitutulong sa paglilinis ng mga padaluyan ng tubig.

Sa bawat taong tutulong sa pag-aalis ng mga water lily sa mga ilog, bibigyan sila ng kaukulang pagkain. Binibigyan sila ng bigas bilang kapalit ng kanilang paglilinis ng mga sapa at ilog sa lalawigan.

Sa aking panayam kay Ambassador Ledoux, binanggit niyang mayroon nang P 12 milyon o 200,000 Euro na halaga ng emergency response assistance sa may 10,000 pamilya ang kanilang naipamahagi.

Namahagi rin sila ng relief goods na nagkakahalaga ng P600.00 bawat isa sa mga nasalanta ng bagyong "Pedring" at "Quiel."

Unang bahagi pa lamang ito sapagkat magkakaroon sila ng mobile clinics at kaukulang suporta sa mga health structure, pagbibigay ng tubig na maiinom, mga palikuran at magtuturo din sila ng mga paraan upang magkaroon ng epektibong waste management at hygiene promotion. Kabilang din sa kanilang palatuntunan ang emergency livelihood tulad ng cash-for-work at food-for-work.

PAGBUO NG ASEAN CENTER FOR EMERGENCY RESPONSE KAILANGAN

SAPAGKAT madalas tamaan ng mga kalamidad ang iba't ibang pook sa mga bansang nasa timog silangang Asya, kailangan na marahil ang pagbuo ng Center for Emergency Response sa mga kabilang sa Association of South East Asian Nations.

Ito ang panukala ni Ginoong Mathias Eick, Southeast Asian regional information officer ng European Commission Humanitarian and Civil Protection Department matapos dumalaw ang grupo ni European Union Head Delegate Guy Ledoux and Finnish Ambassador Heikki Hannikainen sa mga binahang pook ng Pampanga kaninang umaga.

Ipinaliwanag ni Ginoong Eick na nangunguna ang Pilipinas sa larangan ng disaster response sa mga kalapit-bansa sa ASEAN at malaki ang magagawa ng mga bansa kung magsasama-sama at magtutulungan.

Ani Ginoong Eick, tulad ng karanasan nila sa Europa, kung mayroong malaking sunog sa kagubatan sa isang bansa, nagpapahiram ng mga eroplanong lilipad at magdadala ng tubig sa mga pook na may apoy.

Ang Center for Emergency Response ay magiging tanggapan na makikipag-ugnayan sa iba't ibang bansa na mangangailangan ng tulong.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>