|
||||||||
|
||
Malaking pasasalamat ang ipinaabot ni Li Daqiu, Vice Chairman ng Chinese People's Political Consultative Conference o CPPCC ng Komite ng Guangxi kay Department of Trade and Industry Undersecretary Zenaida C. Maglaya, Puno ng Delegasyon ng Pilipinas sa ika-8 CAExpo.
Sa pulong ng dalawang lider na idinaos kaninang hapon sa Li Yuan, Nanning, sinabi ni Li na malaki ang naitulong ng Pilipinas sa pagsulong ng CAExpo at sa kasalukuyan, mayroon nang 10 kompanyang Pilipino ang naglagak na ng negosyo sa Guangxi at ang kanilang kabuuang investment ay umabot na sa 12 milyong Dolyares.
Aniya, ang Guangxi ay patuloy na umuunlad at ang interaksyon nito sa mga bansang ASEAN, partikular sa Pilipinas ay lalo pang lumalakas.
Ipinahayag ni Li na marami pang larangan, kung saan maari pang palakasin ng dalawang panig ang kanilang kooperasyon, gaya ng agrikultura, turismo at iba pa.
Si Undersecretary Zenaida C. Maglaya (ikalawa mula sa kanan), kasama ang mga mamamahayag ng CRI at Pilipino
Iminungkahi niya na dapat ay ipagpatuloy ng Pilipinas ang suporta nito sa CAExpo at China-ASEAN Business Investment Summit o CABIS upang ang tagumpay na natatamo nito ay magpatuloy. Kailangan din aniyang isulong ang kooperasyon sa larangan ng industriya, kultura, trade and investment, at edukasyon, kasama na ang paggawa ng marami pang sister cities at provinces upang palakasin ang pagpapalitang pangkultura ng mga mamamayan.
Si Undersecretary Zenaida C. Maglaya habang kinakapanayam ng Serbisyo Filipino at iba pang Pilipinong miyembro ng media
Samantala, pinasalamatan naman ni Maglaya ang lahat ng suportang ibinigay ng Tsina sa Pilipnas sa pagdaraos ng ika-8 CAExpo.
Sinabi niyang ang Tsina ay isang napakaimportanteng trading partner ng Pilipinas at ASEAN, at bukas ang Pilipinas sa lalo pang pagpapalakas ng relasyong pangkalakalan, seguridad at kuwalidad ng produkto, at sulong na teknolohiya.
"Patuloy tayong maghanap ng mga paraan upang patatagin ang ating pagtutulungan at pagkakaibigan," ani Maglaya.
Inimbitahan din niya ang mga mangangalakal at lider na Tsino na magpunta sa Pilipinas upang pasulungin ang pagpapalitan sa agrikultura at teknolohiya.
Sa isang hiwalay na panayam sa Serbisyo Filipino, sinabi ni Maglaya na may tatlong aspeto ang gustong palakasin ng Pilipinas, ito ay sa larangan ng agrikultura, pagmimina ng mineral, at elektroniks. Idinagdag din niyang gustong palakasin ng Pilipinas ang pakikipagpalitan sa Tsina, partikular sa pagpapalaki at pagpoprodyus ng kasaba.
Ang Pilipinas aniya ang siyang magiging country of honor ng CAExpo sa taong 2013, at ito ang maiging pinaghahandaan ng bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |