Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas: bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan

(GMT+08:00) 2011-10-24 18:37:36       CRI

SA likod ng mga panawagan na maglunsad ang pamahalaan ng "all-out war" matapos ang sunod-sunod na pananambang at pagsalakay ng mga armadong kabilang sa Moro Islamic Liberation Front, nanawagan si Obispo Nereo P. Odchimar, Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pamahalaan na bigyan pa ng pagkakataon ang kapayapaang maghari sa bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Obispo Odchimar na naging dahilan ang serye ng madudugong pangyayari sa Mindanao ang panawagang maglunsad na ng tuwirang pakikidigma laban sa mga MILF. Binanggit ng Obispo ang masaker ng mga kawal at pagpaslang kay Fr. Fausto Tentorio at kaisa ang mga Obispo sa panawagang papanagutin ang mga nararapat managot.

Subalit niliwanag ng Kapulungan na bilang mga alagad ng kapayapaan at pag-asa, nadarama nila ang kahalagahan ng "peace-building" sa Mindanao. Mas makabubuti na ituloy na ang negosasyong pangkapayapaan kahit pa may mga kaguluhang naganap.

Marami na umanong buhay ang nalagas at marami na ring salapi ang nasayang sa Mindanao, maraming panahon ang ginugol upang matuloy ang pag-uusap sa pagitan ng magkabilang panig. Hindi na kailangan pang magsimulang muli sa pamamagitan ng pagdedeklara ngh "all-out war."

Ang mga Obispo ay nakapaglabas na ng mga panawagan para sa kapayapaan at lumahok na rin sa mga inter-faith and multi-sectoral dialogues upang madali ang peace process na magtatapos sa kaguluhan sa katimugang Pilipinas.

Napapanahon umano na magsama-sama sa adhikaing magsusulong ng kapayapaan at walang sinumang magwawagi sa armadong labanan. Nanawagan din ang mga Obispo na patuloy na manalangin ang lahat para sa kapayapaan sa Mindanao at sa buong bansa.

SAMANTALA, sinabi ni Congressman Pangalian M. Balindong ng Lanao del Sur na umabot na sa 150,000 katao ang nasasawi sa mga sagupaan sa pagitan ng mga kawal at mga kalaban ng pamahalaan sa nakalipas na apat na dekada.

Bagama't nauunawaan niya ang katuturan ng panawagang maglunsad ng "all-out war" dahilan sa mga naganap sa Mindanao kamakailan, nanawagan siyang magkaisang labanan ng lahat ang mga suliraning kinahaharap ng Mindanao, tulad ng kahirapan at kakulangan ng oportunidad upang mabuhay ng maayos at maunlad.

Marapat umanong tugisin ang mga lawless elements na siyang nanggugulo sa Mindanao. Pinapurihan niya ang pamahalaan sa pananatili sa paniniwalang magpapatuloy ang pag-uusap ng magkabilang panig. Kahit na umano ang dating Pangulong Fidel Ramos ang nagsabing ang "all-out war" ay magiging dahilan ng pagdagsa ng internal refugees.

Hindi umano matatamo ang Kapayapaan sa pamamagitan ng paglulunsad ng malawakang digmaan.

MGA KAWAL, MAAARING PUMASOK SA MGA POOK NA HAWAK NG MILF

MAAARI umanong pasukin ng mga kawal ang mga nasasakupan ng mga MILF ayon sa itinatadhana ng batas. Ito ang paniniwala ni Senadora Miriam Defensor Santiago na isang dalubhasa sa batas.

Ani Ginang Santiago, kung kakailanganin ng militar, nararapat lamang na payagan ang mga kawal ng pamahalaan sa Mindanao na makapasok sa mga nasasakupan ng mga rebelde ayon sa existing ceasefire agreement na "areas of temporary stay."

Isa umanong bagong Philippine criminal law ang nagsasabing ang "military necessity" ay hindi ipinagbabawal ng international humanitarian law. Binanggit niya ang Republic Act No. 9871 na may pamagat na Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law.

Ang bagong batas ay nagsasabing may karapatan ang bansa na tapusin ang impunity, tulad ng isinasaad sa Rome Statute of the International Criminal Court na sinang-ayunan na ng Pilipinas.

Naiwasan umano ang pagpaslang sa 19 na kawal kung ang mga kawal at pulis ay pinayagang gamitin ang doktrina ng "fresh pursuit."

PAGTUTULUNGAN NG LAHAT SA PAMAHALAAN, KAILANGAN SA PAGSUGPO SA PAMIMIRATA

SINIMULAN ngayong Lunes ang limang araw na pagpupulong ng iba't ibang sangay ng pamahalaan sa Pilipinas upang masugpo ang pamimirata.

Sa panayam kay Director General Ricardo B. Blancaflor, binuo ang pagtitipong ito sa pakikipagtulungan ng National Committee on Intellectual Property Rights, World Intellectual Property Organization, IPR Business Partnership at International Trademarks Association. Layunin nitong maitaas ang kamulatan ng madla sa peligro ng pamimeke at pamimirata hindi lamang sa kalusugan at kaligtasan ng madla, bagkos ay sa ekonomiya ng Pilipinas.

Panauhing pandangal si Pangalawang Pangulo Jejomar C. Binay at Binibining Louise Van Greunen, Director for Enforcement ng World Intellectual Property Organization. Nagsalita rin si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo.

Ayon kay Ginoong Ronnie Ricketts, isang dating artista at ngayo'y pinuno ng Optical Media Board, unti-unti ng nababawasan ang mga piniratang mga pelikula sa ilang mga lungsod ng Metro Manila.

Sa panayam ng China Radio International, sinabi ni Ginoong Ricketts na pinakasusi sa ipagtatagumpay ng kampanya laban sa pamimirata ng mga pelikula ay ang pakikipagtulungan sa mga punong-lalawigan, punong-lungsod at mga punongbayan.

Idinagdag ni Ginoong Blancaflor, umaasa silang makabubuo ng pinag-isang action plan na ipadadala sa tanggapan ni Executive Secretary Paquito Ochoa upang malagdaan ni Pangulong Aquino at nang maipatupad kaagad.

PANGALAWANG PANGULONG BINAY, PATUNGONG SAUDI ARABIA

PAALIS patungo sa Kaharian ng Saudi Arabia si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay bukas ng ala-una ng madaling araw, Martes sa pamamagitan ng Etihad Airlines sa NAIA Terminal 1. Si Ginoong Binay ang magiging kinatawan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa libing ni Crown Prince Sultan bin Abdel Aziz na namatay noong Sabado sa Estados Unidos.

PILIPINAS, MAY APAT NA PALATUNTUNAN SA MILLENIUM DEVELOPMENT GOALS

KABILANG ang Pilipinas sa mga bansang saklaw ng Millennium Development Goals na tatagal hanggang sa susunod na tao. Ayon kay Dr. Jacqui Badcock, Resident Director ng United Nations Development Program, apat ang mga palatuntunang kanilang isunusulong tulad ng climate change adaptation, access to at provision of water services, youth employment and migration at ang children, food security and nutrition. Ang lahat ng ito'y may kaukulang budget na $ 23 M grant mula sa international cooperation mechanism ng MDG Achievement Fund. Magkakasamang ipinatutupad ang mga palatuntunang ito sa pagtutulungan ng mga tanggapan ng gobyerno at mga mamamayan, kasama na ang mga halal ng bayan.

Kung pag-uusapan ang epekto ng climate change sa Pilipinas, madarama umano ito sa mga baybay-dagat, sa kalusugan, tubig na maiinom at forestry-biodiversity. Kinilala rin sa palatuntunan ang 43 mga lalawigan sa Pilipinas na makadarama ng epekto ng climate change.

Ginawa na umano ang hazard profile ng 32 mga lalawigan at sinanay na rin ang mga 172 local government planners upang magsagawa ng consequence analysis, risk estimation and prioritization. Ang climate scenario modeling para sa mga taong 2020 at 2050 ay nagawa na sa may 80 mga lalawigan.

Pinag-ibayo na rin ang mga palatuntunan para sa pagpapadaloy ng malinis at maiinom na tubig sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. May palatuntunan na rin para sa mga out-of-school youth at mga batang umaalis na sa paaralan dahilan sa kahirapan. Tinuturuan na umano silang maghanapbuhay at magkalakal.

Ibinilita na rin ang patuloy ng pagdami ng mga kababaihang nagpapasuso sa kanilang mga anak. Mahalaga umano ito sa kalusugan hindi lamang ng kanilang anak kungdi ng mga ina.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>