Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga biktima ng pagbaha, unti-unti nang nakakabawi

(GMT+08:00) 2011-12-30 17:39:30       CRI

Mula Lungsod ng Cagayan de Oro, samantalang puno ng mga kinatawan ang iba't ibang international aid agencies at mga mamamahayag ang lobby ng Mallberry Hotel dito sa puso ng Cagayan de Oro, makikita ang mga panauhing ito na nagsasaayos ng mga palatuntunan upang tulungan ang libo-libong mga biktima ng pagbaha isang linggo bago sumapit ang Pasko.

Kabilang sa pinakamaraming mga tauhan ay ang Philippine National Red Cross, kasama ang mga kinatawan ng Singapore Red Cross, mga taga United Nations at mga mamamahayag na karamiha'y mula sa Tsina.

Hindi magiging madali para sa mga nasa pamahalaan, non-government organizations at mga samahang mula sa mga Simbahang Katoliko at iba pa na maibalik sa dati ang buhay ng mga nasalanta.

Ayon kay Hinaplanon Barangay Captain Veronico Echavez, buong akala nila'y ulan lamang ang dala ni "Sendong" subalit malaking pagkakamali pala ito sapagkat ang tubig-ulan ang nagpa-anod sa mga trosong mula sa Lanao del Sur. Sa dami umano ng mga troso, nasira ang tulay na semento ng Hinaplanon matapos magkaroon ng artificial dam na siyang puminsala sa mga taga-barangay at mga kalapit pook.

Dagdag ni Ginoong Echavez, kung hindi nasira ang tulay, posibleng nawasak ang buong Lungsod ng Iligan. Mula umano hatinggabi hanggang alas tres ng madaling araw noong Sabado, ika-labing pito ng Disyembre, tumaas ang tubig ng hanggang bubong ng bahay. Sa bubong ng bahay natagpuan ang mga biktima ng baha.

Malaking tulong umano ang ipinadala ng Philippine National Red Cross sa ilalim ni Chairman Richard Gordon. Kahapon ay dinalaw namin ang isang tangkeng paglalagyan ng purified water na naglalaman ng sampung libong litro.

Ani Ginong Echavez, malaking pasalamat ang nararapat sa Red Cross dahilan sa mga itinulong sa kanilang barangay at mga mamamayan.

Sa nakalipas na 60 taon ay walang ganitong pagbahang naganap sa lungsod ayon sa mga naninirahan doon. Sa pagbaba ng tubig, nakita na ang mga nasawing hindi nakalabas ng bahay at nalunod sa agos ng tubig.

Para naman kay Racquel Nadayag, isang magtitinda ng isda at pansamantalang naninirahan sa isang evacuation center, wala halos natira sa kanilang kagamitan. Nawala at nasira na rin ang bangkang ginagamit ng kanyang mister sa pangingisda. Pangarap niyang magkaroon ng bagong bahay sa Bagong Taon.

Gusto niyang nasa ligtas na pook na ang kanyang tahanan. Liban sa pagkain at kagamitan, nais niyang makatanggap din ng salapi upang mag panggastos man lamang.

Si Emmanuel Salvador na taga Hinaplanon ay isa sa mga saksi sa malagim na pagbaha. Kung hindi raw sa kanilang mga kapitbahay, hindi rin sila nakaligtas sa trahedya. Nais niyang manirahan na sa mas ligtas na lugar.

Ayon kay Red Cross Chairman Gordon, sila ay aalalay sa oras na mabawasan na ang tulong mula sa mga mamamayan. Handa silang magtayo ng mga temporary shelter para maalis na ang mga evacuees sa mga paaralan sapagkat magbubukas na ang klase sa darating na Martes, a-tres sa buwan ng Enero.

May sapat namang mga pagkain at tubig na maiinom ang mga nasa evacuation center ngayon. May mga manggagamot na handang tumulong sa oras na magkaroon ng karamdaman ang sinuman sa mga biktima ng trahedya.

Tiniyak ni Dr. Levi Villarin na ang lahat ng mga hindi nakilalang mga nasawing nailibing na ay nakunan ng DNA samples upang madaling matagpuan ng kanilang mga kamag-anak sa mga susunod na panahon.

SA PANIG ng Simbahang Katoliko, aktibo ang mga simbahan sa Cagayan de Oro at Iligan sa pagtulong sa mga nasalanta.

Sinabi ni Arsobispo Antonio Javellana Ledesma, SJ, na ang mga madre ng iba't ibang religious congregation ay ipinadala niya sa mga evacuation center upang makuha ang buong detalyes tungkol sa mga evacuees.

Ang unang hakbang sa relocation program ay ang paglalagay sa mga nasalanta sa mga pansamantalang matitirhan kasabay ng pagsasaayos ng mga tahanang kanilang titirhan sa mas ligtas na lugar. May limang ektaryang lupain na ipinagkaloob ang Xavier University sa Cagayan de Oro City at may bahagi itong mapaglalagyan ng tent cities.

Ipinagpasalamat ni Arsobispo Ledesma ang mga alok ng tuong mula sa mga taga Diego Garcia, mga nagmula sa Roma at maging sa Estados Unidos. May mga relief goods na ring dumating sa Cagayan de Oro mula sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Samantala, si Iligan Bishop Elenito Galido naman ay abala sa pagdalaw at pagsusuri, kasama ang mga tauhan ng gobyerno sa mga lupaing posibleng paglipatan ng mga nasalanta.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>