|
||||||||
|
||
PANGULONG AQUINO, NAMUNO SA IKALAWANG SENTENARYO NI "TANDANG SORA"
MAHALAGA ang papel ng madla sa pagsasaayos ng bansa tulad ng ipinakita ng mga bayaning Pilipino. Ito ang binigyang pansin ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa pagdiriwang ng Ikalawang Sentenaryo ng kapanganakan ni Melchora "Tandang Sora" Aquino sa Tandang Sora Shrine sa Banlat Road, Quezon City kanina. Sa kanyang talumpati, Sinabi ni Pangulong Aquino na nararapat lamang ipagpatuloy ang kagalingan at pagiging makabayan ng mga bayaning Filipino na hindi pumansin sa anumang sagabal sa kanilang buhay.
Matapos ang kanyang talumpati, sinaksihan ni Pangulong Aquino ang paghahatid sa huling hantungan ng mga labi ng namayapang bayani na pinamunuan ni Novaliches Bishop Antonio Tobias. Dumalo rin sa pagtitipon sina Speaker Feliciano Belmonte, Jr. Education Secretary Armin Luistro at mga opisyal ng Lungsod ng Quezon
PANINIRAHAN SA DALISDIS NG BUNDOK, IPAGBABAWAL NA
HINDI na papayagan pang bumalik sa kanilang mga tahanan ang na nasa "critical areas" sa Pantukan, Compostela Valley.
Ito ang kinahinatnan ng naganap na landslide kahapon na ikinasawi ng may 22 katao, 'di tulad ng 25 bilang na naibalita kahapon, samantalang ay walo pang nawawala at nailigtas na 16 katao.
Sa idinaos na pakikipagpulong ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo sa mga mamamahayag sa Mindanao, ang lahat ng mga hinukay para sa small-scale mining sa bayan ay ipasasara at ang mga tahanang nasa peligrosong lugar ay ipagigiba.
Ayon kay Col. Leopoldo Galon ng Eastern Mindanao Military Command, 22 bangkay na ang nabawi at 16 sa mga ito ang nakilala na. Sa walong mamamayang nawawala, isa lamang ang nakilala ng mga autoridad.
Ililipat din ang mga ballmill sa mga mineral processing zone sa kapatagan upang huwag nang manirahan sa mga peligrosong pook ang mga mamamayan.
Ani Kalihim Robredo, tutulungan din ng pamahalaan ang mga apektadong mga biktima.
Nagtutulungan na ang mga kawani ng Department of Interior and Local Government sa mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development. Ipatutupad ng mga tauhan ng local government units sa tulong ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang lahat ng mga ordinansa. Ani Kalihim Robredo kailangang tumulong ang mga mamamayan sa pag-uulat ng mga taong lumalabag sa mga programa at alituntunin ng pamahalaan.
Isang pagguho na ng lupa ang naganap sa pook noong nakalipas na Abril taong nakalipas sa parehong lugar.
MALACANANG UMAASA NA SISIGLA ANG TURISMO SA PAGSASAPELIKULA NG "BOURNE LEGACY" SA MAYNILA
UMAASA ang Malacanang na higit na gaganda ang imahen ng bansa sa pagsasapelikula ng "The Bourne Legacy" sa Pilipinas. Makakapagdagdag din ito ng hanapbuhay.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda na makakatulong ito sa turismo, sa film industry at hanapbuhay.
Ang "The Bourne Legacy" ang pinakahuli sa pelikulang gawa ni Robert Ludlum. Pinayuhan na ng mga punong lungsod ang mga motorista sa Metro Manila tungkol sa pagsasara ng ilang mga lansangan mula sa darating na linggo upang magawa ang location shooting ng pelikula.
Kabilang sa pagdarausan ng shooting ay ang Intramuros, ang kinalalagyan ng punong tanggapan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, ang Malate District at ilan pang bahagi ng Maynila. Maghahabulan ang mga sasakyan sa kahabaan ng Epifanio delos Santos at Taft Avenues sa Pasay City.
Ilang eksena ang gagawin sa Ayala Avenue sa Central Business District sa Makati, palengke ng Marikina City at Navotas City fish port. Ang bidang babae na si Rachel Weisz ay inaasahang sasakay sa isang jeepney sa pag-iikot sa Kamaynilaan.
Ang pelikula ay isinulat at nasa direksyon ni Tony Gilroy, ang ika-apat sa blockbuster Hollywood series na kinatampukan ni Matt Damon na gumanap sa papel ni Jason Bourne, sa unang tatlong installments.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |