|
||||||||
|
||
NAGTAGAL ang pagtatalo ng mga senador-mahistrado na bumubuo ng impeachment court tungkol sa pagsusumite ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ng unang saksing ipinatawag ng hukuman.
Ipinatawag ng pag-uusig si Atty. Enriqueta Esguerra Vidal, ang Clerk of Court of the Supreme Court at tinanong tungkol sa kalakaran at alituntunin tungkol sa pagsusumite ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, inilabas ni Atty. Vidal ang folder na naglalaman ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ni impeached Chief Justice Renato C. Corona. Dito nagtagal ang talakayan ng mga senador na gumaganap din ng papel ng mga hukom.
Tinanggap na ng mga opisyal ng Impeachment Court ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth at nalagyan na ng kaukulang "markings."
Sa pagharap sa mga mamamahayag ng mga tagapagsalita ng panig ni impeached Chief Justice Corona, sinabi nina Atty. Karen Jimeno at Tranquil Salvador III na nangangamba si Atty. Vidal na baka manganib siya sa magiging epekto ng kanyang pagkakaloob ng mga dokumento ng walang autorisasyon mula sa Korte Suprema.
Sa ginawang press briefing sa Korte Suprema, sinabi ni Court Administrator Midas Marquez na binigyan na ng autorisasyon ng Hukuman si Atty. Vidal na ilabas ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.
Maliwanag sa guidelines ng Korte Suprema ang paglalabas ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth at dinala nga ni Atty. Vidal ang SALN ng chief justice. Nawala na rin umano ng pagkakataon si Atty. Vidal na magkonsulta sa mga mahistrado kaya't ipinagkaloob na lamang niya sa Senado ang mga dokumento.
Patuloy pa rin ang sesyon ng impeachment court hanggang sa isinusulat ang balitang ito.
PROSPECTS FOR THE PHILIPPINES, PAG-UUSAPAN BUKAS
MULA ika-siyam ng umaga hanggang tanghali, pag-uusapan ang mga posibleng maganap sa Pilipinas sa taong 2012 sa unang proyekto ng Foreign Correspondents Association of the Philippines na idaraos sa Mandarin Oriental Hotel sa Makati City.
Si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay ang magbibigay ng keynote address sa paksang "The Philippines: The Rough Road to Change."
Kabilang din sa magsasalita sina Stephen Groff, Pangalawang Pangulo ng Asian Development Bank na tatalakay sa economic outlook at mga nagaganap sa pandaigdigang ekonomiya, Budget Secretary Florencio Abad na tatalakay sa mga prayoridad at mga dapat asahan sa administrasyon ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa taong 2012. Si Binibining Stephanie Kleine-Ahlbrandt, China adviser at North East North East Asia Project Director ng International Crisis Group na magbibigay ng briefing sa mahahalagang security issues na may epekto sa Pilipinas at sa rehiyon. Panauhin din si Congressman Edcel C. Lagman, minority floor leader ng House of Representatives kung ano ang maasahan sa daigdig ng politika sa taong 2012.
Kabilang sa mga isyung kinahaharap ng bansa ang pagkakabimbin at nakatakdang paglilitis ni dating Pangulo at ngayo'y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo at dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, ang isinasagawang impeachment trial kay Supreme Court Chief Justice Corona. Kabilang din sa mga isyu ang inaasahang pagkakadakip kay retiradong Major General Jovito Palparan at and kampanya ni Pangulong Aquino laban sa katiwalian.
Inaasahang magkakaroon ng mga usaping politikal sapagkat idaraos ang halalan para sa taong 2013.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |