Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Catholic Bishops' Conference of the Philippines 104th Plenary Assembly, matagumpay na idinaos

(GMT+08:00) 2012-01-30 18:53:56       CRI

NATAPOS na ang ika-104 na Plenary Assembly ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas ngayong araw na ito. Tulad ng inaasahan, isang press conference ang ipinatawag ni Cebu Archbishop Jose S. Palma, pangulo ng CBCP, kasama sina Arsobispo ng Lingayen-Dagupan Socrates B. Villegas at San Fernando de Pampanga Auxiliary Bishop Pablo David sa Pope Pius XII Catholic Center kaninang tanghali.

Larawang kinuha sa pagsisimula ng ika-104 na Plenary Assembly ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa Maynila.

Ayon kay Arsobispo Palma, siyamnapu't siyam na mga obispo mula sa buong Pilipinas ang dumalo sa tatlong araw na pagtitipon, kasunod ng kanilang tatlong araw na seminar.

"Pinaghahandaan na ng Simbahan sa Pilipinas ang nakatakdang paghirang kay Beato Pedro Calungsod bilang ikalawang santong mula sa Pilipinas sapagkat kung mayroon nang San Lorenzo Ruiz de Manila, na isang Tagalog, magkakaroon na rin ng San Pedro Calungsod na isang Bisaya," pahayag ni Arsobispo Palma.

Nagsasalita si Archbishop Guiseppe Pinto sa Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas.

Niliwanag ni Arsobispo Palma na ang pag-asa ay hindi nangangahulugan ng pagpipikit-mata sa mga nagaganap sa bansa at lipunan. Ang Pilipinas umano ay kinikilalang "Natural Disaster Capital of the World," dahilan sa mga trahedyang tumama sa bansa. Ang nakakalungkot umano ay ang mga trahedyang ito ay sinabayan pa ng mga kakulangan ng mga mamamayan.

Inulit ni Arsobispo Palma na kung magkakaroon ng pagbabago mula sa sarili, susunod na rin ang pagbabago sa lipunan.

Nagkasundo umano ang mga obispo na manawagan sa mga mamamayan na manalangin, magsuri at gawin ang anumang gawaing legal at moral upang lumabas ang katotohanan at katarungan, ayon kay Arsobispo Palma.

Si Arsobispo Jose S. Palma sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag pagkatapos ng ika-104 na Plenaryo ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines.  Nasa gawing kaliwa niya si Bishop Pablo Virgilio David

Idinalangin din umano ng mga obispo na nawa'y magtapos ang impeachment proceedings sa Senado ng Pilipinas sa kabutihan ng madla. Nanawagan din sila sa madla na panatiliin ang kanilang pagtitiwala at paggalang sa mga senador at hukom sa paglilitis ni Chief Justice Renato Corona at maging sa constitutional processes.

Dahilan din umano sa malagim na pangyayari sa Cagayan de Oro at Iligan Cities noong nakalipas na Disyembre at sa mga isyung bumabalot sa Aurora Pacific Economic Zone and Freeport, nanawagan si Arsobispo Palma sa pamahalaan na pagbalik-aralan ang mga batas na ipinasa na at ipinatutupad ngayon.

Marapat lamang pagbalik-aralan ang mga batas sa pagmimina, pagtotroso at iba pang kontrobersyal na paksa tulad ng Reproductive Health Bill, Homosexuality and Same Sex Marriages sapagkat nangangamba sila sa kahihinatnan ng mga panukalang ito.

Samantala, nanawagan naman si Archbishop Socrates Villegas sa mga taga-usig at tagapagtanggol na magdasal sapagkat ang anumang gawaing hindi nakaugat sa panalangin ay walang anumang kabuting maibibigay kaninuman.

Marapat umanong igalang ang mga institusyon ng pamahalaan sapagkat obligasyon ng pananampalataya na igalang ang Diyos at ang mga nagpapatakbo sa bansa na kinakatawan ng mga institusyon.

Idinagdag din ni Arsobispo Villegas na dalangin nilang matapos na kaagad ang impeachement trial sa Senado upang makabalik na sa normal ang bansa.

"Sa mga pangyayari ngayon, nasa isang tabi lamang ang mahihirap na siyang naghihintay ng mga palatuntunang magpapaunlad," pahayag ni Arsobispo Villegas. Sa oras umanong matapos na ang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona, magkakaroon na mas magandang pagkakataon ang mga nangangailangan ng tulong, dagdag pa ng Arsobispo ng Lingayen-Dagupan.

CHINESE SPRING FILM FESTIVAL IDINAOS

NAGTAPOS kahapon ang sampung araw na pagdiriwang ng Ateneo de Manila University Ricardo Leong Center for Chinese Studies na pinamagatang Spring Film Festival.

Ayon kay Dr. Sidney Christopher Bata, nasa ika-anim na taon na ang pagdiriwang na isinasagawa sa Spring Festival na kilala sa pangalang Chinese New Year sa Pilipinas. Ayon kay Dr. Bata, karaniwan siyang naghahanap ng makakasamang shopping mall upang maging host sa pagdiriwang at pinalad silang makatagpo at maging himpilan ang Shangri-La Plaza. Anim na pelikulang Tsino ang itinanghal sa pagdiriwang na tumagal na sampung araw. Sa nakalipas na anim na taon, sumingil sila ng isang daang piso (P 100.00) sa bawat manonood subalit ngayong Year of the Dragon, walang bayad ang panood ng mga pelikula.

Pinamunuan ni Fr. Bienvenido Nebres, SJ, dating Pangulo ng Ateneo de Manila University, kinatawan ng Embahada ng China sa Maynila na si Cultural Counselor Pan Feng, Fr. Jose Ramon T. Villarin, S.J, Pangulo ng Ateneo de Manila University, at mga pinuno ng Confucious Institute
at  Ricardo Leong Center for Chinese Studies of Ateneo de Manila University ang paggupit ng laso sa pagsisimula ng Spring Film Festival sa Shangri-La Plaza, Mandaluyong City noong Biyernes, ika-20 sa buwan ng Enero.
Tumagal ang pagdiriwang hanggang kahapon, ika-29 ng Enero.

Ayon kay Dr. Bata, tatlong pook ang pinag-dausan ng pagdiriwang. Ang mga ito ay ang Shangri-La Plaza, Sacred Heart School at University of Cebu-Cebu at Ateneo de Davao.

Ang lahat ng anim na pelikula ay mula sa Embahada ng Republika ng Tsina na buong-pusong sumuporta sa pagdiriwang. Kasama sa mga nagtaguyod ay ang Confucius Institute ng Ateneo de Manila University, Jesuit Communications, Kaisa Para sa Kaunlaran at iba pang mga tanggapan at bahay-kalakal.

ALERT LEVEL SA YEMEN, IBINABA NA

IBINABA na ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang alert level sa Yemen kasunod ng kanyang pagsang-ayon sa rekomendasyon ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas. Ibinaba na sa Alert Level 2 na nangangahulungan na restricted ang lugar para sa mga manggagawang Filipino. Nagmula ito sa Alert Level 4 na nagangahulugan ng mandatory repatriation at Alert Level 3 na voluntary repatriation.

Kaagad na ibinalita ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang pangyayaring ito sa Kagawaran ng Paggawa at Hanapbuhay at maging sa governing board ng Philippine Overseas Employment Administration.

Ayon kay Kalihim Albert F. del Rosario, umaasa sila sa pagbaba ng alert level at papayagan na ang mga manggagawang Filipino na magtungo sa Yemen at ang mga manggagawang Filipino na nasa Yemen na nais magbakasyon sa Pilipinas ay mapapayagang bumalik sa kanilang hanapbuhay.

Hindi saklaw ng pagpapababa ng alert level ang pagpapadala ng mga bagong OFW sa Yemen.

Itinaas ng DFA sa Alert Level 3 ang buong Yemen noong Mayo 24 at sa Alert Level 4 sa Sana'a noong ika-anim na Hunyo at hiniling sa mga Filipino na nais gumamit ng repatriation facility na umalis na sa bansa dahilan sa namumuong kaguluhan noon.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>