|
||||||||
|
||
NANAWAGAN, DIRECTOR NG PHIVOLCS SA MADLA
Dr. Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology
KAILANGANG maghanda ang lahat ng mga mamamayan sa posibilidad na pagyanig ng lupa. Makapaghahanda ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pag-aayos ng kanilang mga tahanan at mga gusaling kinalalagyan ng kanilang mga tanggapan.
Ito ang mensahe ni Dr. Renato Solidum, Director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology matapos ang malakas na lindol na yumanig sa Gitnang Kabisayaan kahapon. Umabot sa lakas na 6.9 magnitude ang lindol na ikinasawi ng 15 katao. Umabot din sa 52 ang bilang ng mga nasugatan samantalang patuloy na nawawala pa ang may 71 katao. Hanggang kaninang ala-una y media ng hapon ay umabot na sa 1,009 aftershocks ang yumanig sa pook na nilindol kahapon.
Ayon kay Dr. Solidum, umabot sa magnitude na 8.2 ang lindol na yumanig sa katimugang bahagi ng Antique noong 1948. Masasabing malaki ang posibilidad na lumindol sa Kabisayaan subalit hindi mababatid kung aling bahagi ng bansa ang katatagpuan ng epicenter.
Nanawagan si Dr. Solidum sa madla na makipagtulungan sa pamahalaan at sumunod sa National Building Code upang maiwasan ang pagkasawi o pagkakasugat dahilan sa pagyanig ng lupa. Hindi umano mahalaga kung ang isang gusali ay malapit o nasa ibabaw ng isang fault line. Ang mahalaga ay naitayo ang gusali o tahanan ayon sa itinatadhana ng National Building Code of the Philippines.
Malubha umano ang nagiging pinsala sa mga gusali sa oras na yumanig ang lupa at hindi nasusunod ang mga tamang pamantayan sa pagtatayo ng mga gusali.
ISA NA NAMANG MAHISTRADO, SASAILALIM SA IMPEACHMENT
MATAPOS ang matinding paliwanagan, pumabor ang mga kasapi sa House Committee on Justice sa botong 27-4 na may sapat na basehan ang impeachment ni Supreme Court Associate Justice Mariano C. Del Castillo.
Bago naganap ang botohan, ang komite na pinamunuan ni Committee Chairman Neil Tupas, Jr., tinanggihan ang mosyon na pawalang saysay ang impeachment complaint sa botong 28-5 sa kawalan ng hurisdiksyon ayon kay Congressman Edcel C. Lagman. Nanindigan si Ginoong Lagman na nawalan na ang komite ng hurisdiksyon sa usapin sapagkat lumampas na ang takdang 60 araw upang desisyunan ang usapin.
Ayon kay Majority Leader Neptali Gonzales kailangan ng magtakda ng pagdinig sa mga reklamo laban sa mahistrado at araw para sa akusado na ipagtanggol ang kanyang sarili. Boboto naman ang mga mambabatas kung may sapat na dahilan upang matanggal sa pagkamahistrado si Ginoong del Castillo. Kailangan ang may 95 mga mambabatas upang makarating ang impeachment documents sa Senado.
Kung sakali mang maipasa ang impeachment complaint laban kay Ginoong del Castillo, maghihintay muna ang mga mambabatas na matapos ang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona.
Inakusahan si Ginoong del Castillo ng plagiarism matapos kumuha ng ilang talata sa isang desisyon sa ibang bansa sa kanyang naging desisyon sa isang usaping siya ang may akda.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |