|
||||||||
|
||
Audio file ng talumpati ni PNoy
ANG pagsugpo sa kahirapan ang prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.Sa seremonyang dinaluhan nina dating Pangulong Fidel V. Ramos at Joseph Ejercito Estrada, Vice President Jejomar Binay, Senate President Juan Ponce Enrile, House Speaker Feliciano Belmonte at iba pang mga kilalang Filipino, ginunita ni Pangulong Aquino ang naganap noong 1986 nang magsama-sama ang mga Filipino sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue upang patalsikin ang liderato ni Pangulong Ferdinand Edralin Marcos.
Kinikilalang bayani ng EDSA People Power 1 sina Defense Minister Juan Ponce Enrile at noo'y Armed Forces of the Philippines Deputy Chief of Staff Lt. General Fidel V. Ramos na humiwalay sa liderato ni Pangulong Marcos mga 26 na taon na ang nakalilipas.
Kinondena umano ng mga mamamayan ang pag-abuso, diktadurya at mga pasakit na idinulot ng pamahalaan noon. Pinapurihan ni Pangulong Aquino ang mga mamamayang humarap sa mga kawal upang hadlangan ang pagsalakay sa makasaysayang Kampo Crame at Aguinaldo. Pinapurihan din niya ang mga kawal na hindi nangiming sumuway sa kautusan ni Pangulong Marcos at nakiisa sa taongbayan.
Kinikilala umano ng buong mundo ang tagumpay ng EDSA People Power 1 bilang isang milagro.
Sa kanyang sampung minutong talumpati, sinabi ni Pangulong Aquino na bagama't wala nang bumubusal sa mga mamamahayag at naradama na ng mga mamamayan ang kalayaan, hindi pa rin nakaka-alpas ang taongbayan sa kahirapan, sa mga tiwaling pinaglalaruan ang sistemang pangkatarungan.
Hindi pa tapos ang rebolusyon upang makamit ang kalayaan laban sa gutom, kalayaan mula sa kahirapan, kalayaang umunlad ang pamumuhay at kalayaan mula sa kawalan ng katarungan. Wala umanongh patutunguhan ang pinagwagian sa EDSA kung hindi malulutas ang mga problemang ito.
Binanggit ni Pangulong Aquino ang paggamit sa Conditional Cash Transfer na pinakikinabangan ng may 2.3 milyong pamilyang tinutulungang maka-angat sa kahirapan. Nadagadgan pa ng 45,000 pamilya ang mga nakikinabang sa programa bago natapos ang taong 2011.
Ang Pangtawid Pamilya Program ay pinakinabangan ng may 78 mga lungsod at may 80 mga lalawigan sa buong bansa. Hindi umano titigil ang pamahalaan sa upang maibsan ang kahirapan ng madla.
Idinagdag ni Pangulong Aquino nabago matapos ang taong 2012, tatlong milyong pamilya na ang makikinabang sa programa ng Department of Social Welfare and Development.
May kumpiyansa na umano ang buong mundo sa ginagawa ng pamahalaan ngayon upang baguhin ang kalakaran. Tumaas din umano ang mga transaksyon sa Philippine Stock Exchange at ilang ulit na nakatanggap ng upgrade mula sa mga ratings agencies.
Pagkatapos na seremonya sa EDSA People Power Monument sa Quezon City, nagtungo naman sina Executive Secretary Pacquito Ochoa, Manila Mayor Alfredo Lim at iba pang mga opisyal sa panulukan ng Roxas Blvd. at Padre Burgos sa Maynila upang pasinayaan ang bantayog ni namayapang Manila Archbishop Jaime Lachica Cardinal Sin, isa sa mga kinikilalang bayani ng EDSA People Power 1.
Magugunitang si Cardinal Sin ang nanawagan sa madlang magtungo sa EDSA noong 1986 upang ipagtanggol at ipagsanggalang sina Minister Enrile at General Ramos.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |