|
||||||||
|
||
SA pagpapatuloy ng paglabas ng mga manggagawang Filipino patungo sa iba't ibang bansa, umabot na sa higit sa $ 20 bilyon ang foreign remittances na nakapasok sa ekonomiya ng bansa sa nakalipas na 2011.
Ito ang binanggit ni Director Irena Vojackova-Sollorano ng Department of Migration Management ng International Organization for Migration sa isang press briefing sa kanilang tanggapan sa Makati.
Dumadalaw sa Filipinas si Vojackova-Sollorano kasama si Jean-Philippe Chauzy, ang pinuno ng Media and Communication ng IOM na may tanggapan sa Geneva, Switzerland. Ayon sa direktor, matatagpuan ang mga Filipino sa halos lahat na bahagi ng daigdig. Malaki rin umano ang pakinabang ng Filipinas sa pamamagitan ng foreign remittances.
Kabilang umano ang Filipinas sa top five countries na nakikinabang foreign remittances na kinabibilangan ng India, Mexico, China at Brazil.
Ayon kay Vojackova-Sollorano, 12% ng Gross Domestic Product ng Filipinas ang nagmula sa foreign remittances.
Sinabi naman ni Ginoong Chauzy na hindi mapipigil ang pangingibang-bansa ninoman sapagkat mayroon nang mga taga-Portugal na naghahanap ng trabaho sa Brazil samantalang mayroong mga nagmula sa Europa na nagtatrabaho na sa Hong Kong.
PROSECUTION LAWYER, DEKLARADONG "IN CONTEMPT OF THE IMPEACHMENT COURT"
DEKLARADONG "in contempt of the impeachment court" ang isang abogado ng pag-uusig dahilan sa pagtatakip ng kanyang dalawang tainga samantalang nagsasalita si Senador-Judge Miriam Defensor Santiago.
Lumabas na kawalang-galang sa hukuman ang inasal ni Atty. Vitaliano Aguirre at ideneklarang "in contempt" dahilan sa paglapastangan sa hukuman.
Ayon kay Senate President at Impeachment Court Presiding Officer Juan Ponce-Enrile, wala sa maayos na pag-aasal ang ginawa ng abogado. Pag-uusapan pa sa isang caucus sa darating na Martes kung anong parusa ang igagawad sa private prosecutor na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Prosecution Team na pinamumunuan ni Congressman Neil Tupas, Jr.
Hiniling ni Senador Miriam Defensor-Santiago na ideklara ang abogado na nagkasala ng paglapastangan sa hukuman. Sinangayunan naman ni Senador Pia Cayetano ang mosyon ni Ginang Santiago. Walang sinumang senador na humadlang kaya't nagdesisyon si Ginoong Enrile na nagkasala ang abogadong si Aguirre na kaagad inilabas ng impeachment court ng mga tauhan ng Senate Sgt.-At-Arms sa ilalim ni retired General Jose Balajadia.
Magpapatuloy ang impeachment trial sa Lunes, ika-12 ng Marso, taong 2012.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |