|
||||||||
|
||
SUMAKSI si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay (panglima mula sa kanan) sa paglagda sa kasunduan sa pag-itan ng Dunfel Holdings, Inc. at China Machinery Engineering Corporation para sa pagtatayo ng isang coal-fired power plant sa Masinloc, Zambales.
PANGALAWANG PANGULONG BINAY, SUMAKSI SA KASUNDUAN SA PAGITAN NG TSINA AT DUNFEN HOLDINGS, INC.
SUMAKSI si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa paglagda sa isang Memorandum of Understanding sa pag-itan ng Dunfen Holdings, Inc. at China Machinery Engineering Corporation.
Saklaw ng kasunduan ang pagtatayo ng isang 2,314 megawatt na coal-fired power plant at pagtatayo ng isang daungan na mayroong dalawang pagtatalian ng mga barkong may laking 50,000 tonelada bawat isa sa Masinloc, Zambales.
Ang kasunduan ay magiging dahilan ng may $ 300 milyon investment para sa bansa at magiging daan para sa may 3,000 bagong trabaho.
Ito, ayon kay Pangalawang Pangulong Binay, ay isang hakbang tungo sa pagpasok ng foreign direct investment at karagdagang hanapbuhay para sa mga manggagawang Pilipino. Makakatugon din umano ang planta sa pangangilangan sa kuryente ng bansa.
MGA ISYU SA PAGMIMINA, PINAGTALUNAN
NAGING mainit ang talakayan ng magkakatunggaling grupo sa isang Mining Forum na itinaguyod ng Finance Executives Association of the Philippines, Management Association of the Philippines and Philippine Chamber of Commerce and Industry sa Hotel Intercontinental Manila kaninang hapon.
Sa kanyang welcome remarks, sinabi ni Edgardo B. Lacson na pangulo rin ng Employers Confederation of the Philippines na nagbabalak ang pamahalaang susugan ang mga batas sa pagmimina na ikinabalisa ng iba't ibang stakeholders. Baka raw kasi maging dahilan ito ng maling interpretasyon ng mga mamamayan na basta na lamang babaguhin ang kalakaran samantalang maraming interesado sa pagmimina.
Sa panig umano nang mga nananawagang ipagbawal na ang pagmimina, inaabangan na nila ang mas mahigpit na kalakaran sa pagsasagawa ng pagmimina. Nais lamang umano ng pamahalaang madagdagan ang papasok na buwis sa kaban ng bayan.
Ang bansang Pilipinas ay ika-lima sa buong daigdig kung pag-uusapan ang likas na yaman na tinatayang nagkakahalaga ng isang trilyong dolyar.
Marami rin umanong magagandang tanawin na makaka-akit ng mga turista na maaaring mapasapanganib kung papayagan ang pagmimina. Maganda umano ang pagkakataong magpaliwanagan ang magkabilang panig sa isyu ng pagmimina.
Lumabas ang mga kontrobersyal na isyung bumabalot sa industriya ng pagmimina sa pagpapaliwanag nina Gina Lopez, punong-abala sa grupong Save Palawan Movement, Clive Wicks, consultant ng Working Group in Mining in the Philippines at Atty. Christian Monsod.
Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Ginang Lopez na napakahirap magmina sa mga lugar na mayroong malawak na biodiversity sapagkat masisira ang likas na yaman. Hindi lamang mga sakahan ang apektado kungdi pati ang mga kabundukan, kagubatan at ang mga ilog. Masisira din ang mga batuhan na siyang pinagkukunan ng yamang-dagat at mga isda.
Ayon kay Ginang Lopez, maaaring umunlad ang alinmang pook kahit walang pagmimina tulad ng pagsusulong ng eco-tourism na napatunayang uubra sa mga pook tulad ng Palawan. Idinagdag pa ni Ginang Lopez na kahit may mga minahan, wala namang mamamayang yumaman sapagkat nanatiling mahirap ang mahirap.
Ipinaliwanag naman ni Clive Wicks na mas mahalaga ang food security kaysa sa pagmimina. Hindi niya maunawaan kung anong papel ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pagtulong sa mga kumpanyang sangkot sa pagmimina. Wala pa umano silang nakikitang produkto ng "responsible mining" sa alin mang bahagi ng Pilipinas.
Kinilala ni Ginoong Wicks ang pinaka-peligrosong ipinapanukalang minahan sa Pilipinas ay ang Tampakan sa South Cotabato. Malaki ang posibilidad na maging dahilan ng pagyanig ng lupa ang gagawing open pit mining at tailings pond sa anim na ilog ng Mindanao. May posibilidad ding maging dahilan ng pagkasawi ng mga mamamayan ang anumang magaganap na trahedya sa kabundukan.
Sinabi naman ni Atty. Christian Monsod na pinakamataas ang bilang ng mga mahihirap sa mga minahan. Ayon umano sa pagsusuri, umaabot sa 48% ng mga mamamayan sa mga minahan ang mahihirap 'di tulad ng mga nasa pagsasaka, manufacturing at kahit ang mga walang hanapbuhay. Hindi matutugunan ng pagmimina ang mawalakang kahirapan.
Ipinaliwanag naman ni Gerard Brimo, isang director ng Chamber of Mines of the Philippines na maaaring nag-ugat sa kawalan ng kaalaman ng mga tumutuligsa sa industriya ng pagmimina.
Malaki ang problemang dulot ng "small-scale" mining, 'di tulad ng malalaking kumpanya kagaya ng Philex Mines. Ang small-scale mining ay katatagpuan ng mga batang manggagawa o child labor, walang environmental programs, walang safety programs, walang anumang ginagawang rehabilitation at walang buwis na ibinabayad sa pamahalaan.
Noong 2010 pa lamang, ayon kay Ginoong Brimo, umabot sa P 42.9 bilyon ang halaga ng gintong ipinagbili sa Bangko Sentral ng Pilipinas na hindi kinilalang taong sangkot sa small-scale mining.
Niliwanag din ni Ginoong Brimo na kahit pa libu-libo ang mga application para sa pagmimina sa Pilipinas, umaabot lamang sa 31 ang mga minahang may normal operations ngayon. May 60,000 hektarya lamang ang ginagamit sa minahan o 0.2% ng buong kalupaan sa Pilipinas. Sapagkat marami sa mga application ay nasa loob ng protected areas, hindi ito bibigyan ng approval ng pamahalaan.
Mayroon din umanong sapat na batas upang pangalagaan ang kalagiran tulad ng Mining Act of 1995, Strategic Environmental Plan for Palawan at National Integrated Protected Areas System.
Sinabi naman ni Ginoong Peter Wallace na maaaring magsama ang pagmimina at food security sa oras na ipatupad ng tama ang mga batas ng bansa.
Sa panig naman ni Ginoong Manuel V. Pangilinan, ang pangulo ng PhilEx Mines, mahalaga umano ang pagmimina sa bansa sapagkat malaki ang potensyal nitong mapaunlad ang ekonomiya ng bansa. Niliwanag niya na marapat lamang payagan ang pagmimina sa Tampakan sa South Cotabato sapagkat ito ang pinakamalaking pagkukunan ng likas na yaman tulad ng ginto at iba pang mineral.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |