|
||||||||
|
||
KASUNOD ng balitang maaaring malagdaan ang "peace agreement" sa pagitan ng Pamahalaan ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front sa loob ng isa't kalahating taon, nagtatanong naman si MILF Vice Chairman Ghazali Jaafar kung anong nilalaman ng kasunduan.
Sa isang panayam, sinabi ni Ginoong Jaafar na may katotohanan ang balita sapagkat kahit si Chief Government Negotiator Marvic Leonen ay nagsasabing madali na itong malagdaan.
ANONG KASUNDUAN ANG LALAGDAAN? Ito ang tanong ni Moro Islamic Liberation Front Vice Chairman for Political Affairs Ghazali Jaafar sa isang exclusive interview sa kanyang tanggapan sa Sultan Kudarat, Maguindanao.
Subalit niliwanag ni Ginoong Jaafar na sa ngayon ay wala pang anumang nakatakdang lagdaan ang magkabilang panig. Kung katanggap-tanggap sa magkabilang-panig ang kasunduan, kahit bukas ay handa silang lumagda.
Wala umanong nabuong kasunduan ang magkabilang panig sa pinakahuling pagpupulong kamakailan. Noon umanong negosyasyon sa Kuala Lumpur, nakatakda na sanang lagdaan ang 11 General Principles subalit hindi ito naganap.
Ikinalulungkot ng MILF ang pagsusulong ng amendments ng Government Panel samantalang nag-uusap at napagkasunduan nang lagdaan ang 11 General Principles. Wala umanong katapusan ang amendments mula sa panig ng pamahalaan.
Magkakaroon pa rin ng pulong sa Kuala Lumpur bago matapos ang buwan. Walang nakakatiyak kung ano ang kakahinatnan ng pag-uusap.
PAMAMALAKAD NG PAMAHALAAN, PRAYORIDAD NI GOBERNADOR HATAMAN
GOOD GOVERNANCE: SUSI SA KAUNLARAN. Sa panig ni Autonomous Region in Muslim Mindanao Mujiv Hataman, tamang pamamalakad ng pamahalaan ang maghahatid ng basic services sa mga mamamayan. Kailangan umano ang ibayong pakikilahok ng mga halal ng bayan sa pagpapaunlad sa pinakamahirap na rehiyon ng bansa.
KUNG si Acting ARMM Governor Mujiv Hataman ang tatanungin, pagpapatakbo ng pamahalaan ang kanyang prayoridad. Sa isang panayam sa Paliparan ng Cotabato, sinabi niya na nagmumula sa pamamalakad ng barangay, bayan at lalawigan ang problema ng pinakamahirap na rehiyon sa Pilipinas.
Maraming mga halal na opisyal ang wala sa kanilang nasasakupan kaya't walang anumang programang pangkaunlaran ang nagagawa. Sa paglutas ng "peace and order problems" kailangan ang aktibong pakikilahok ng mga halal ng bayan, dagdag ni Ginoong Hataman.
Umaasa siyang ilalabas na ni Pangulong Aquino ang mga bubuo ng Regional Legislative Assembly upang makapagpasa ng mga kailangang batas sa Autonomous Region in Muslim Mindanao. Ngayon ay tanging gobernador at bise-gobernador ang nahihirang "in acting capacity" matapos magdesisyon ang pamahalaan na huwag na munang ituloy ang halalan noong nakalipas na Agosto 2011.
Bilang reaksyon sa pahayag ni Moro Islamic Liberation Front Vice Chairman for Political Affairs Ghazali Jaafar na walang sapat na kaalaman si Gobernador Hataman sa problema ng mga Bangsamoro, sinabi ng gobernador na inayos muna niya ang kanyang tanggapan at handa siyang makipag-usap sa MILF sa madaling panahon.
Tungkol naman sa "ghost population" kinausap na niya ang National Statistics Office upang alamin ang katotohanan sa bilang ng mga mamamayan. May mga bayan umanong sobra ang nakatalang mga mamamayan kaysa aktuwal na bilang ng mga naninirahan sa mga barangay.
Kailangan umanong magkaroon ng panibagong "voters' registration" upang maiwasan ang pagkakaroon ng "flying voters" pagsapit ng halalan sa Mayo 2013. Sa oras na magkaroon ng registration, kailangang ipatupad na rin ang "gun ban" upang maiwasan ang karahasan.
Samantala, sinabi rin ni Gobernador Hataman na ilulunsad nila ang Commission on Human Rights sa ARMM sa darating na Mayo 3.
Pag-iibayuhin na rin ang kanilang kampanya laban sa "human trafficking" sa pagtutulungan ng mga opisyal ng Department of Labor and Employment, Department of Foreign Affairs, Department of Justice, US Agency for International Development, International Organization for Migration at mga pamahalaang lokal sa Tawi-Tawi.
KALAKALAN SA PAGITAN NG PILIPINAS AT EUROPEAN UNION SISIGLA PA
DUMALAW ang isang grupo ng mga embahador ng European union nsa Vestas Services Philippines Inc., isang Business Process Outsourcing mula sa Europa sa Philippine Export Zone sa Makati City kanina. Sa kanilang pagdalaw, nasaksihan nila kung paano nakakatulong ang kalakal mula sa Europa sa masiglang BPO sector sa Pilipinas.
Tiniyak ni Philippine Export Zone Authority Director General Lilia de Lima na sa loob ng PEZA makatitiyak ang lahat na walang corruption, walang red tape at pawang red carpet treatment ang ibinibigay sa investments at investors. Idinagdag pa niya na ipinagmamalaki ng PEZA ang mga kumpanyang mula sa Europa na kabilang sa pinaka-aktibong investor sa Pilipinas.
Sinabi naman ni Ambassador Guy Ledoux na patuloy na sumisigla ang European Uniion at isa sa mga nangungunang investor sa Pilipinas. Ipinagpapasalamat ng European Union ang mga ginagawa ng PEZA at ang kaukulang mga reporma para sa Foreign Direct Investments at ang magandang pagpapatakbo ng PEZA ay susi sa mas magandang kalakalan.
Noong 2010, umabot sa 400 milyong Euro ang foreign direct investments mula sa 100 milyong Euro noong 2009. Ang buong Foreign Direct Investments ng European Union ay aabot sa 8 bilyong Euro. Higit sa 200 mga kumpanya mula sa EU ang nasa PEZA zones.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |