|
||||||||
|
||
Ipinalabas kahapon ng Tsina at Thailand ang magkasanib na pahayag hinggil sa pagtatatag ng komprehensibong estratehikong partnership na pangkooperasyon.
Anang pahayag, ipinalalagay ng kapuwa panig na ang katatapos na pagdalaw ni Punong Ministro Yingluck Shinawatra sa Tsina ay ibayo pang nakapagpasulong at nakapagpataas ng estratehikong relasyong pangkooperasyon ng dalawang bansa. Ukol dito, ipinasiya ng dalawang panig na itatag ang komprehensibong estratehikong partnership na pangkooperasyon.
Binigyang-diin din ng kapuwa panig ang kahalagahan ng pagpapalakas ng pagdadalawan at pagpapalitan sa iba't ibang antas at larangan, na gaya ng administrasyon, lehislatura, at partido. Sinang-ayunan nilang pasulungin ang mas malawakang kooperasyon sa larangan ng tradisyonal at di-tradisyonal na katiwasayan, padaliin ang bilateral na kalakalan, at aktibong paunlarin ang kooperasyon sa transportasyon sa lupa't tubig, at iba pa.
Inulit ng panig Tsino ang pagkatig sa patuloy na pagpapatingkad ng namumunong papel ng ASEAN sa proseso ng kooperasyong panrehiyon, at paggawa ng mas malaking ambag para sa kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng rehiyon. Napagkasunduan din na palalakasin ng kapuwa panig ang koordinasyon, walang tigil na palalalimin ang mga umiiral na kooperasyon sa ilalim ng mga mekanismo at balangkas, na gaya ng Tsina at ASEAN, ASEAN+3, at pasusulungin ang proseso ng integrasyon ng Silangang Asya.
Inulit ng panig Tsino na kinakatigan nito ang mungkahi ng panig Thai sa pagpapaunlad ng partnership ng ASEAN+3, at nakahandang pasulungin, kasama ng panig Thai, ang pagpapatupad ng mungkahing ito.
Salin: Vera
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |