|
||||||||
|
||
NAKATAKDANG maglakbay si Kalihim Albert F. Del Rosario patungong Estados Unidos sa darating na Sabado para sa pagpupulong na tinaguriang "Two Plus Two" meeting sa darating na Lunes, huling araw ng Abril.
Sa isang press briefing kaninang tanghali, sinabi ni Kalihim del Rosario na isinasaayos pa ng kanyang tanggapan ang paksang tatalakayin ng Pilipinas sa Estados Unidos. Makakasama ni Kalihim del Rosario si Kalihim Voltaire Gazmin ng Tanggulang Pambansa.
KALIHIM DEL ROSARIO, MAGTUTUNGO SA ESTADOS UNIDOS SA SABADO. Nakatakdang maglakbay patungong Estados Unidos sa Sabado si Kalihim Albert F. Del Rosario ng Ugnayang Panglabas at Kalihim Voltaire Gazmin ng Tanggulang Pambansa para sa "Two + Two Meeting" sa Washington.
Makakausap nina Kalihim del Rosario sina Secretary of State Hillary Rodham Clinton at Defense Secretary Leon Panetta.
Umaasa si Kalihim del Rosario na magiging matagumpay ang pag-uusap na nakatuon sa "strategic alliance."
Sa Panatag Shoal, iisang barko na lamang ng Pilipinas ang namamalagi roon sapagkat umalis muna ang isa pang barko at kumuha ng mga probisyon. Ayon kay Ginoong del Rosario, mayroon ding dalawang barko ang mga Tsino sa karagatan.
Ibinalita rin ni Ginoong del Rosario na mayroong dalawang hindi pa kilalang mga eroplano ang dumaan sa batuhan kagabing hatinggabi at isa pang hindi pa kilalang eroplano ang dumaan kaninang ala-una biente singko ng madaling araw.
Makakasama sa pag-uusapan ang Panatag Shoal sa Estados Unidos sa ilalim ng paksang "maritime security" sapagkat may koneksyon ito sa "Freedom of Navigation" at maging ang ligtas na paglalayag sa karagatan.
Ipinaliwanag ni Kalihim del Rosario na nakatatlong pulong na sila at si Chinese Ambassador Ma Keqing at walang anumang napagkasunduan. Ito umano ang dahilan kaya mayroong "stand-off" sa Panatag Shoal taliwas sa mga lumabas na balita na may nilabag na probisyon sa kasunduan ang Pilipinas.
Layunin umano ng mga pag-uusap na matapos na ang sigalot sa mga konsultasyon. Kahapon, binigyan ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas si Ambassador Ma ng Note Verbale upang ipakita ang pagkabahala sa mga lumalabas na balita.
Binanggit ni Kalihim del Rosario na maraming bansa ang nagmamatyag sa nagaganap sa karagatan sa kanluran ng Pilipinas at nakikiisa sa kalagayan ng Pilipinas. Ang isyu umano ng Panatag Shoal ang magiging sandigan ng Code of Conduct kaya't nararapat malutas ang isyu ng Spratlys.
Ang pahayag na ito ni Kalihim del Rosario ay para na rin sa kabatiran ng mga bansang kasapi sa Association of South East Asian Nations bagama't hindi hinihiling ng Pilipinas na direktang makialam ang samahan ng bansa sa timog silangang Asya. Maliwanag namang may kanya-kanyang interes ang mga bansang kabilang sa ASEAN.
Sa naturan ding panayam, sinabi ni Kalihim del Rosario na masusi pa nilang pinag-aaralan kung sino ang hihiranging Ambassador ng Pilipinas sa Tsina. Magugunitang umatras na si Ginoong Domingo Lee matapos tatlong beses tanggihan ng Commission on Appointments ang kanyang nominasyon.
PALASYO, MASAYA SA BALITA TUNGKOL SA NATURAL GAS
MASAYANG tinanggap ng Malacanang ang balitang may kalakihan ang natural gas sa Recto Bank sapagkat baka ito na ang sasagot sa pangangailangan ng bansa.
Sa kanyang regular na press conference sa Malacanang, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na samantalang natutuwa ang administrsayon sa balitang ito, maghihintay pa sila ng report mula sa mga service contractor na siyang nagsasagawa ng explorasyon sa karagatan.
Hinihintay pa umano ni Kalihim Almendras ang balita. Ang natural gas ay mas mura kaysa regular na gas kaya't mas makabubuti ito sa bansa, dagdag pa ni Ginoong Lacierda.
Makatutugon umano ang natural gas sa pangangailangan ng Pilipinas sa enerhiya. Ipinaliwanag niya na ang Recto Bank ay may 70 nautical miles lamang mula sa Pilipinas kaya't pag-aari ito ng bansa.
Tumanggi nang magbigay na dagdag pang pahayag sapagkat isang sensitibong isyu ito at mas makabubuting ang Kagawaran ng Ugnayang Panglabas na lamang ang magsalita.
Ayon sa 3-D seismic surveys noong 2006, isang kumpanyang may tanggapan sa United Kingdom ang nagsabing maaaring umabot sa 3.4 trillion cubic feet ng natural gas ang nakita sa tatlong hukay na ginawa sa pook.
Ang natural gas sa pook ay mas malaki ng 21 por siyento kaysa sa reserves na nakita sa kalapit na Malampaya gas field. Ang Recto Bank ay kilala rin sa pangalang Reed Bank na bahagi ng pinagtatalunan ng Pilipinas at Tsina na kasabay sa Spratlys.
MGA OBISPO, NANAWAGAN SA MADALIANG PAMAMAHAGI NG HACIENDA LUISITA
NAPAPANAHON na upang ipakita ni Pangulong Aquino ang kanyang sinseridad sa pagpapatupad ng mga reporma sa bansa sa madaliang pamamahagi ng mga lupain ng Hacienda Luisita, Inc.
Ito ang panawagan ni Arsobispo Jose Palma, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ayon sa pinakahuling isyu ng CBCP Monitor.
Ginawa ng arsobispo ang kanyang pahayag matapos maglabas ng desisyon ang Korte Suprema noong nakalipas na Martes, ika-24 sa buwan ng Abril na nag-uutos ng pamamahagi ng lupaing pag-aari ng pamilya ni Pangulong Aquino.
Sinabi pa ng arsobispo na napapanahon ang desisyon kasabay ng kanyang pagbati sa mga bumubuo ng Korte Suprema.
Ayon naman kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, maganda ang naging desisyon at magandang pagkakataon ito upang ipakita ni Pangulong Aquino ang kanyang katapatan sa pangakong tutulong sa pambansang reporma.
ARSOBISPO, NANAWAGAN SA PAMAHALAAN SA NGALAN NG MGA MAMAMAHAYAG
ANG dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Jaro Archbishop Angel N. Lagdameo ay nanawagan sa pamahalaan na gawin ang magagawa upang maipagtanggol ang mga mamamahayag. Nararapat lamang kilalanin ng pamahalaan ang mahalagang papel ng mga mamamahayag at matiyak ang kanilang kaligtasan.
Hindi lamang ang katotohanan ang nararapat ipagtanggol kungdi ang nagsusulong at nagpapahayag ng katotohanan, dagdag pa ng arsobispo sa panayam sa Radyo Veritas.
Ang panawagan ay kasunopd ng report ng Committee to Protect Journalists na nagsabing ang Pilipinas ang ikatlo sa pinaka-delikadong bansa para sa mga mamamahayag kasunod ng Iraq at Somalia.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |