Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Populasyon ng Pilipinas, lumaki ng may 15.83 milyon

(GMT+08:00) 2012-04-27 19:07:31       CRI

POPULASYON NG PILIPINAS, LUMAKI NG MAY 15.83 MILYON

NAKARATING na sa 92,337,852 ang mga Pilipino noong unang araw ng Mayo, 2010. Ito ay sang-ayon sa 2010 Census of Population and Housing na nagbilang hanggang sa mga barangay. Naging opisyal ito noong lagdaan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang Proclamation 362 na may petsang ika-30 ng Marso, 2012.

Ito ang nabatid kay National Statistics Office Administrator Carmelita Ericta sa isang panayam ng China Radio International.

Mas mataas ang 2010 population ng may 15.83 million kung ihahambing sa 2000 population na 76.51 million. Noong 1990, umabot sa 60.70 milyon ang mga Pilipino.

Ang growth rate ng Pilipinas ay umabot sa 1.9% mula noong 2000 hanggang 2010. Mas mababa ito kaysa 2.34% growth rate mula noong 1990 hanggang 2000.

Ang CALABARZON o Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon ang may pinakamaraming mamamayan na umabot sa 12.61 milyon. Ang National Capital Region na kilala rin sa pangalang Metro Manila ay pumangalawa sa pagkakaroon ng 11.86 milyon at ang Gitnang Luzon ang pumangatlo sa bilang na 10.14 milyon. Kung pagsasamahin ang populasyon ng tatlong rehiyong ito, aabot ito sa one third o 37.47% ng buong populasyon.

Kung noo'y ang mga lalawigan ng Pangasinan at Cebu ang may pinakamalaking bilang ng mga mamamayan, nangunguna na ang Cavite ngayon sa pagkakaroon ng 3.09 milyon. Bulacan naman ang pumangalawa sa pagkakaroon ng 2.92 milyon at Pangasinan ang pumangatlo sa populasyon na 2.78 milyon.

Anim na lalawigan ang lumampas na sa dalawang milyon ang mga mamamayan. Ang mga ito ay ang Laguna (2.67), Cebu, hindi kasama ang tatlong malalaking Lungsod ng Cebu, Lapu-lapu at Mandaue, (2.62), Rizal (2.48), Negros Occidental, hindi kasama ang Lungsod ng Bacolod (2.40) Batangas (2.38) at Pampanga, hindi kasama ang Lungsod ng Angeles (2.01).

Ang pinakamaliliit na lalawigan ay ang Batanes na may 16,604 na mamamayan, Camiguin (83,807) at Siquijor (91,066).

MGA PILIPINO, PAUWI MULA SA SYRIA SA PAGPAPATULOY NG KAGULUHAN

AABOT sa 23 overseas Filipino workers ang darating ngayon sa Pilipinas mula sa Damascus, Syria sa pagpapatuloy ng repatriation.

Ito ang pinakahuling balita mula sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ng Pilipinas. Magugunitang 23 na ang dumating mula noong ika-21 hanggang kahapon, ika-26 ng Abril.

Nakatakdang dumating kaninang ika-anim ng gabi ang 20 manggagawa sakay ng Philippine Airlines flight 731 samantalang tatlong iba pa ang sakay ng Thai Airways na nakatakdang dumating mga ika-pito't kalahati ng gabi.

Isang lima-kataong koponan mula sa Maynila ang ipinadala sa Syria upang tumulong sa repatriation efforts ng bansa. Dagdag sila sa Rapid Response Team na ipinadala kamakailan.

Ang mga kamag-anak ng manggagawa sa Pilipinas na nababahala sa kanilang mahal sa buhay sa Syria ay maaaring tumawag sa Undersecretary for Migrant Workers Affairs tungkol sa tinitirhan o pinaglilingkuran ng kanilang mga mahal sa buhay. Makakatawag sila sa telephone numbers 02 8343245 at 02 8343240.

SECURITY AUDIT, ISINASAGAWA SA BUDGET AND MANAGEMENT WEBSITE

DAHILAN sa hacking na ginawa sa website ng Department of Budget and Management kamakailan, sinabi ni Kalihim Florencio B. Abad nagpapatupad sila ng isang security audit.

Bagama't hindi naman nasira ang mahahalagang datos sa website, nagsasagawa sila ng karagdagang hakbang upang mapaigting ang seguridad ng kanilang servers at maiwasan ang mga pananalakay ng mga hindi pa nakikilalang mga tao o grupo.

Noong ika-sampu ng gabi ng Miyerkoles, naging biktima na naman ng hacking ang DBM website kaya't nagkaroon ng "denial-of-service error" kaya't hindi nakita ng mga mamamayan ang nilalaman ng kanilang website.

Sinira din ng mga 'di pa kilalang tao ang DBM website noong Miyerkoles ng hapon.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>