|
||||||||
|
||
CHIEF JUSTICE CORONA, PINAGPAPALIWANAG SA 82 DOLLAR ACCOUNTS
MARAPAT lamang na ipaliwanag ni Chief Justice Renato Corona ang sinasabing 82 dollar accounts na ibinunyag ng Ombudsman at kanyang papel sa Basa-Guidote Enterprise, Inc. Ito ang pahayag ni Senator-Judge Sergio Osmena III.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ng mambabatas na inaasahan niya itong magaganap sa pagluklok ni Chief Justice Corona sa witness stand sa darating na Martes, a veinte dos ng Mayo.
Nais malaman ni Senador Osmena na kung talagang mayroong 82 dollar accounts si Chief Justice Corona ay bakit hindi ito nakalagay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth. Nag-ugat ang ibinunyag ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales mula sa Anti-Money Laundering Council.
Idinagdag ni Senador Osmena, mas makabubuting magdala ng ebidensya ang punong mahistrado na magpapatunay na hindi kanya ang bank accounts. Mahihirapan umano siyang basta tumanggi sa alegasyon ng Ombudsman, dagdag pa ni Senador Osmena.
Inaasahang magdedesiyon ang Senado ng Pilipinas na ngayo'y isang impeachment court sa reklamo laban kay Chief Justice Renato Corona sa darating na Huwebes, huling araw ng Mayo, ngayong taong ito.
BAGONG SECRETARY GENERAL NG NEDA, NABABAHALA SA MABAGAL NA PAG-UNLAD NG EKONOMIYA
SINABI ni Kalihim Arsenio M. Balisacan na siya'y lubhang nababahala sa mabagal na pagtugon ng pamahalaan sa problemang kaakibat ng kahirapan. Isang dahilan umano ay ang napakabagal ng paglago ng ekonomiya kaysa pagdami ng mga mamamayan. Mabagal din umano ang pagkakaroon ng de calidad na hanapbuhay kahit pa lumalaki ang bilang ng mga manggagawa sa Pilipinas.
Ito ang binanggit ni Kalihim Balisacan sa kanyang kauna-unahang press conference matapos mahirang na Socio-Economic Planning Secretary ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at kapalit ni Kalihim Cayetano Paderanga, Jr. na nagbitiw dahilan sa kanyang kalusugan.
Binanggit ni Ginoong Balisacan na inutusan siya ni Pangulong Aquino na alisin ang mga balakid sa pag-unlad ng ekonomiya.
Kahit pa lumalago ang ekonomiya, kailangang pabilisin at panatiliin ang mga programang maghahatid ng kaunlaran sa madla.
Babantayan din ng National Economic Development Authority ang pagpapatupad ang mga palatuntunang susugpo sa kahirapan. Titiyakin ding magaganap ang rural development na kailangan upang magkatotoo ang inclusive growth.
Malulutas na rin umano ang problemang dulot ng mabagal na paggawa ng may-uring pagawaing bayan lalo na ang mga programang maghahatid ng kaunlaran sa kanayunan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |