Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Edukasyon, mahalaga sa bansa, sabi ni Pangulong Aquino

(GMT+08:00) 2012-05-24 18:51:15       CRI

BINIGYANG-PANSIN ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang kahalagahan ng Edukasyon sa pag-unlad ng bansa.

Sa kanyang talumpati sa National Career Advocacy Congress, sa Diamond Hotel sa Maynila kaninang umaga, sinabi niya na ang pundasyon ng anumang propesyon ay ang matatag na edukasyon. Sulit umano ang anumang sakripisyo, pagpupuyat at pagtitiyaga kabilang na rin ang salaping ginugugol ng mga magulang sa pag-aaral ng mga anak.

Ayon kay Pangulong Aquino, kung gumagastos ang mga magulang ng P 240,000 para sa kurso ng Nursing, sa loob ng apat na taon, hindi pa kasama ang iba pang gastos. Napuna ni Ginoong Aquino na nagsulputan ang mga paaralan ng nursing sa sistemang nakabase sa walang masusing pag-aaral.

Binanggit din niya ang karanasan ng ibang nagtapos ng apat na taong kurso subalit walang mapasukang hanapbuhay.

Pinuri niya ang bumubuo ng National Career Advocacy Congress tulad ng Kagawaran ng Paggawa, Social Welfare and Development, Commission on Higher Education, Professional Regulatory Commission at Department of Science and Technology.

Ibinalita niyang umangat ang approved investments sa Pilipinas at narating ang P 746.8 bilyon. Sa investments na pumasok sa bansa, nagkaroon ng 194,927 na bagong hanapbuhay. May balak umano ang malalaking kumpanyang maglagak ng kalakal na hihigit sa dalawang trilyong piso. Apat na malalaking kumpanya ang gagastos ng dalawang trilyong piso sa loob ng susunod na limang taon.

CHIEF JUSTICE CORONA NARARAPAT BUMALIK SA SENADO

KAILANGANG bumalik sa Senado ng Pilipinas si Chief Justice Renato C. Corona upang magpaliwanag sa kanyang mga naging pahayag at humingi na rin ng paumanhin sa kanyang inasal noong nakalipas na Martes.

Ito ang pananaw ni Cebu Archbishop Jose S. Palma sa panayam ng CBCP Online Radio Huwebes ng umaga.

Binigyang-diin ni Arsobispo Palma na sa kanyang personal na pananaw ay higit na makabubuti sa madla ang pagbabalik sa impeachment court ni Chief Justice Corona na ngayo'y nasa Intensive Care Unit pa ng Medical City sa Pasig.

Sinabi ni Arsobispo Palma na magkakaroon ng pagkakataong magpaliwanag ang punong mahistrado sa oras na tanungin ng mga taga-usig bukas, ang huling araw na ibinigay sa kanya ng impeachment court upang humarap ang magpaliwanag.

Magugunitang maraming binanggit si Ginoong Corona sa kanyang opening statement noong Martes. Ayon sa Arsobispo ng Cebu, magandang pag-aralan ang mga sistemang mangangailangan ng pagsasaayos upang higit na gumanda ang takbo ng pamahalaan.

Sa oras na magpaliwanag ang punong mahistrado, mas magiging madali para sa mga senador na siya ring hukom sa impeachment trial, na magdesisyon.

SAGING MULA SA PILIPINAS, PINAYAGAN NA NG TSINA

IBINALITA ni Kalihim Proceso Alcala ng Kagawaran ng Pagsasaka na pinayagan na ng Tsina ang 170 40-footer container vans na naglalaman ng saging na mula sa Pilipinas na 'di kaagad pinahintulutang makapasok sa kanilang pamilihan.

Nagmula kay Director Clarito Barron ng Bureau of Plant Industry ang balita. Nasa Beijing si Dr. Barron at mga kasama. Nakausap na nila ang mga Tsinong nasa plant quarantine sa pagsusuri sa mga container van na may saging na unang nabalitang may scale insect.

Apat na araw na ang nakararaan, 30 hanggang 40 container ang nabigyan ng pahintulot na makapasok sa Tsina matapos walang matagpuang peste sa mga kargamento. Ani Kalihim Alcala, hanggang kahapon ay may 170 container vans na ang pinapasok sa pamilihan. Iginiit ni Director Barron na walang anumang pagbabawal na ipinatutupad ang Tsina sa mga saging na mula sa Pilipinas.

Nagsagawa lamang ang mga Tsino ng mas mahigpit na pagsusuri sa mga prutas na mula sa Pilipinas, dagdag pa ni Ginoong Alcala.

Bukas, makakauspo ni Director Barron ang mga Tsinong dalubhasa sa plant quarantine upang ayusin ang mga dokumento sa kanilang mga napagkasunduan at mga paraan upang maiwasan na ang pagkabalam ng mga kargamento. Babalik sina Dr. Barron sa Maynila sa Linggo.

PANGALAWANG PANGULO, MAGTUTUNGO SA MALAYSIA

NAKATAKDANG umalis si Pangalawang Pangulong Jemomar C. Binay patungong Kuala Lumpur, Malaysia upang dumalo sa Philippine – Malaysia Investment Partnership Forum sa Linggo hanggang Martes, ika-27 hanggang ika-29 ng Mayo.

Makakausap din niya ang mga opisyal ng Malaysia tulad nina Prime Minister Datuk Seri Najib Tun Razak, Minister of International Trade and Industry, YB Dato "Sri Mustapa Bin Mohamed, Ministry of Foreign Affairs Dato' Sri Anifah Aman at dating Prime Minister Tun Dr. Mahatir Mohamad.

Ayon kay Ginoong Binay, umaasa siyang ang kanyang pagdalaw ang higit na magpapalakas sa economic at diplomatic relations sa pagitan ng dalawang bansa. Pagkakataon na rin ito na maihatid ang mabuting balita sa mga pinuno ng Malaysia sa pamumuno ng kanilang prime minister at mga makasa sa business community,

Dadalo rin siya sa pagpapasinaya ng inayos na Embahada ng pilipinas. Makakausap din niya ang Scouts Association of Malaysia, Malaysia-Philippines Business Council at makakausap din ang Filipino Community.

Pagkatapos ng pagdalaw sa Malaysia, tutuloy naman siya sa Estados Unidos at dadalo sa ilang official activities sa Miyerkoles, Ika-30 ng Mayo hanggang sa Lunes, ika-apat na araw ng Hunyo.

Siya ang closing speaker sa 5th Global Housing Finance Conference sa World Bank headquarters sa Washington, DC at makakausap ang director ng World Bank na si Rogerio Studart.

Mula sa Washington, ang pangalawang pangulo ay magtutungo sa California bilang panauhing pandangal at tagapagsalita sa ika-114 Araw ng Kalayaan sa ika – 12 ng Hunyo na inayos ng Philippine Independence day sa pamamagitan ng Philippine Independence Coordinating Council of Southern California.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>