Sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita, nagpalabas kahapon ng pahayag si Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-Moon ng UN bilang pagtanggap sa komprehensibong pag-urong kamakalawa ng tropa ng Sudan mula sa rehiyon ng Abyei.
Nanawagan si Ban Ki-Moon sa pamahalaang Sudanese na iurong ang lahat ng mga nalalabing pulis mula sa rehiyong ito. Aniya, batay sa kasunduan hinggil sa pansamantalang administrasyon at pagsasaayos sa seguridad ng Abyei na narating ng kapuwa panig noong nagdaang Hunyo, hinimok niya ang Sudan at South Sudan na itayo ang mga departamentong gaya ng administratibong awtoridad ng rehiyon ng Abyei, para magkaloob ng serbisyo sa mga mamamayan sa rehiyong ito, at maigarantiya ang kapayapaan ng kapaligiran kung saan sila ay namumuhay.
Noong Marso at Abril ng taong ito, naganap ang malawakang sagupaan sa pagitan ng mga tropa ng Sudan at South Sudan sa purok-hanggahan. Sa kasalukuyang buwan, pinagtibay ng United Nations Security Council ang resolusyon na humihiling sa Sudan at South Sudan na itigil ang lahat ng mga ostilong aksyon, iurong ang sariling tropa mula sa pinagtatalunang rehiyon, at panumbalikin ang talastasan para maresolba ang mga hindi nalulutas na problema ng dalawang bansa.
Salin:Vera